Alex Goldmann
Ang Anarkismo ni Rizal
Maraming nagtataka kung anarkista nga ba si Jose Rizal o hindi. Malamang, gusto rin malaman ng iba kung anarkista siya o hindi.
Mariing na dapat suriin ang impluwensiya ng anarkismo sa kaniya, kung paano siya naimpluwensiyahan at kung paano ito humubog sa kaniyang pulitikal na pananaw dahil siya ang tinitingala ng maraming tao ngayon at sa katunayan, inaasahan na ang mga payo niya sa libro ay makapagbibigay linaw kung paano tayo umusbong bilang isang bansa. Sa una, maraming ayaw tanggapin na si Rizal ay anarkista, ngunit hindi ako makikipagkumpitensiya kung anong pagkakakilanlan niya sa sarili niya. Ang gusto kong mangyari ay maibulgar ninyo ang mensahe na nakapaloob sa kaniyang adhikain bilang tagapagsulong ng pagbabago ng lipunan maparebolusyonaryo man o repormista man kayo.
Upang magkaroon ng pangunahing mga ideya ay tingnan muna ang artikulong ito.
Ayon sa artikulo, napagtanto ni George Aseniero ang pagkakaparehas ng ideya ni Pierre Joseph Proudhon at ni Jose Rizal nang suriin niya ang La Liga Filipina. Sa tingin ko masmaraming pagkakapareho ang ideya ng pari ng Katalonya na si Margall at si Rizal. Nararapat lamang na isakonteksto ang pederalismo ni Rizal na hinulma sa ideolohiya ng mga anarkista kumpara sa kasalukuyang pinapairal na uri ng pederalismo ng estado ngayon. Ngunit, ang konstitusyon ng La Liga Filipina ay mahalaga din sapagkat dito napagtanto kung paano naipamana sa Katipunan ang polisiya ng "bangko ng mga tao". Naisipan ng mga sinaunang rebolusyonaryo na hindi magiging maganda ang pagsesentralisado ng isang bansa sa iisang gobyerno dahil ang mga isla natin ay watak-watak at may iba't ibang kultura.
Ayon dito, ang konstitusyon ng pederal na estado ng Espanya ay maaaring hindi sumama ang mga nakolonisang bansa tulad Puerto Rico, Cuba, at Filipinas kapag naging matagumpay ito. Sa tingin ko, itong klaseng impormasyon ay nakapag-udyok sa kaisipan na si Rizal na iwanan ang kasarinlan at sumalalay sa mga rebolusyonaryong anarkista ng Espanya upang magkaroon ng ganap na pagbabago at pagsasakilos ng lipunan. At hindi nagkamali si Rizal sa kaniyang desisyon sapagkat dito rin umusbong ang ikalawang paglusong ng kilusang Sindikalismo na pangungunahan ni Isabelo Delos Reyes na siyang kakalaban sa mga Amerikano.
Ngunit, mayroon pang dalawang mahalagang Libro na dapat busisiin, at ito ang "Noli Me Tangere" at "El Filibusterismo". Itong dalawang Libro na ito ay hindi lamang mapagkakaila na naghahadya ng anarkistang pangkaisipan, ngunit ipinepresenta nito ang mga konsepto tulad ng ilusyong moral ng simbahan, kapitalismo, at separasyon ng simbahan at gobyerno,
Ang paunang salita sa unang bahagi ng Noli Me Tangere, napakahalagang basahin ito bago makapagpatuloy sa kuwento. Sa pagsasakonteksto nito, ang kanser na gustong wakasan ni Rizal ay hindi ang isang partikular na klase ng tao o institusyon lamang, dahil dito nagkakaroon ng pagkalito sa mga mag-aaral, kundi ang pangkaisipan na siyang sumasalamin sa bawat aspeto ng ating lipunan. Ang kanser na ito, ay sa tingin ko alam na natin kung ano ang tawag dito. Ito ay tinatawag na "panunupil". Nararapat tandaan ng mga mag-aaral na ang Noli Me Tangere ay isang aklat na umaatake sa Simbahan mismo na siyang may hawak ng gobyerno at hindi lamang dahil Kristiyano sila. Dahil dito, masasalamin natin ang kahahantungan ng isang bansa na pinamumunuan ng institusyon ng Relihiyon.
Masmarami tayong mahihinuhang propaganda ng anarkismo sa ikalawa niyang nobela na pinamagatang El Filibusterismo. Sa panimula ay isinalaysay niya ang Bapor Tabo bilang isang istruktura na naghihiwalay sa tao. Ang mga nasa itaas ay ang mga mayayaman at makapangyarihan tulad ng mga prayle, peninsulares, opisyales ng gobyerno at mga kapitalista at sa ibaba naman ay ang mga alipin nito na karaniwan ay ibang lahi tulad ng katutubo at intsik. Isa sa mga kasukdulan ng kaniyang pagsasalaysay ay ang paghahalintulad niya ng bapor sa istereotipikong mayamang kapitalista na naninigarilyo. Sa panahon ngayon, siguro may kaniya-kaniyang mga barko ang mga opisyales ng gobyerno. Isiniksik din ni Rizal ang paniniwala ni Proudhon na "Mutualism" sa isang eksena sa pagitan ni Simoun at Kabesang Tales. Kahit na sobrang yaman ni Simoun ay hindi niya mabili ang kwintas ni Huli kay Kabesang Tales. Bagkus, kinuha na lamang ni Kabesang Tales ang Baril ni Simoun at iniwan sa kaniya ang kwintas. Itong klase ng pagpapalitan ay naaalinsunod sa mga ideyang nakapaloob sa 'Mutualism' na siyang nagsusulong ng patas na pakikipagpalitan.
Siguro maraming nagtataka kung anarkista nga ba dito si Simoun o hindi. Kung nagsaliksik tayong mabuti, madaling mapagkamalan na si Simoun ang representasyon ni Rizal. Mayroong klase ng paninindigan ang mga manunulat na ang libro mismo ang representasyon ng may akda at hindi ang mga karakter nito. Isa sa mga naging kritiko ko ay sinabing, pinuna niya ang kilusang anarkismo, kaya hindi siya nararapat tawaging anarkista. Wala pa akong nahanap na patunay na siya ay salungat sa anarkismo. Sa katunayan, sa huling parte ng kaniyang librong ito ay mahihinuha natin ang mga ideya ni Errico Malatesta ukol sa paggamit ng dahas sa rebolusyon. Mawari na basahin din ng mga mag-aaral ang isinulat ni Malatesta na "Violence as a Social Factor" na siyang kumatawan sa pangaral ni Padre Florentino kay Simoun.
Kayo na mismo ang maghusga kung anarkista si Rizal o hindi. Ngunit, hindi mapagkakaila na ang mga ideyang nakapaloob sa kaniya ay mahalaga, ngunit hindi pinapansin ng mga akademiko ngayon kaya nararapat idagdag ito sa pag-aaral ng mga institusyon alinsunod sa Batas Republika 1425.