Bas Umali
Ang Bawat Organismo ay may Puwang sa Daigdig Natin
Ang anarkiya ay buhay na karanasan. Taliwas sa ibang ideolohiya at pampulitikang pananaw, ang anarkiya ay hindi inimbento. Ito ay iniluwal ng aktuwal na praktika ng tao. Kung may inimbento man sa anarkiya, walang iba kundi ang katawagang anarki. Subalit ang diwa ng salitang ito ay umusbong bunga ng pangangailangan ng tao na magtulungan upang patuloy na umiral ang buhay at masiguro ang susunod na salin-lahi.
Ano ang mga bagay at kundisyon ang kailangan para masiguro ang kaligtasan at mapanatili ang buhay? Dalisay na hangin, tubig, pagkain, ispasyo, kapiling at kultura. Ang lahat ng mga ito ay kumbinasyon, kontradiksyon at mga ugnayan ng mga oraganismo at elemento sa ating likas na kapaligiran. Ito ay binubuo ng halu-halo, samu’t-sari at iba-ibang buhay at proseso na direkta at indirektang nag-uugpong sa tuloy-tuloy na pagkilos ng mga sistemang buhay o di-buhay.
Binabanggit din sa syensa na ang napakaraming buhay na umiiral sa isang sistema ay palatandaan ng isang malusog na ekosistema. Samakatuwid, higit na marami at sari-sari mas mainam.
Isipin mo kung gaano ka-peligro ang kaisipang MONOPOLYO. Ito ang PAGTINGIN o TAKBO ng PAG-IISIP na NANINIWALA na may IISANG KATOTOHANAN.
Natural lang na kumbinsido ka sa “sarap” o “kagandahan” ng iyong ginagawa. Natural na may HINDI KA MAIBIGANG mga musika, pagkain, paniniwala o KULTURA sa kabuuan. Ang HINDI NATURAL ay kung ipagpalagay mo na superyor ang kultura mo. Ito ang kadalasang pinagmumulan ng diskriminayon na nauuwi sa pagmamaliit at paghamak. Ang mga pagturing na ito ay LUBHANG MAPAMINSALA. Ang pagtingin na ito ang nagbibigay justification o batayan upang ipagkanulo, iwasan, pandirihan, saktan o kitilin ang ibang tao buhay o puksain ang kultura.
Ang extreme o sukdulang patutunguhan ng monopolistang pag-uugali ay paglipol sa ibang hindi umaayon sa kanyang paningin at panlasa. Napakarami ng sintomas nito na may pangangailangang pag-isipan at mapag-aralan para sa mga posibleng alternatiba.
Ang isang malaking halimbawa ng sintomas ay ang ideya ng ANTHROPOCENTRISM.
Ayon sa Wikipedia ito ay:
From Greek Ancient “human being”; and Ancient Greek: “center” the belief that considers human beings to be the most significant entity of the universe and interprets or regards the world in terms of human values and experiences. The term can be used interchangeably with humanocentrism, and some refer to the concept as human supremacy or human exceptionalism. Anthropocentrism is considered to be profoundly embedded in many modern human cultures and conscious acts. It is a major concept in the field of environmental ethics and environmental philosophy, where it is often considered to be the root cause of problems created by human action within the ecosphere.
Malinaw na ito ay tumutukoy sa pagiging sentro ng tao. Ito ang paniniwalang ang tao ang may taglay ng katotohanan at panukatan ng mga kaganapan sa sansinukob. Ito ang isa sa nagiging batayan ng tao upang magdesisyon na kontrolin o puksain ang mga hayup, halaman, mineral at iba pang bagay na mahalaga rin sa organikong katawan ng tao.
Ang malawakang pinsala sa kalikasan kung saan dinaranas natin sa ngayon ang mga negatibong epekto ay bunga ng kawalan ng respeto ng tao sa Inang Kalikasan kung saan naka-ugnay ng mahigpit ang ating organikong katawan at well-being sa kabuuan.
Ang sulating ito ay walang pagtatangka na magbigay ng absolutong pag-unawa, bagkus, ito ay isang pagtatangka na mag-ambag sa pagpapaliwanag at pag-intindi ng mga alternatibang nagpapatatag sa pananaw na ang TAO AY HINDI SENTRO NG DAIGDIG O NG SANSINUKOB. ITO AY NANININDIGAN NA ANG TAO AY BAHAGI LAMANG NG KUMPLIKADONG EKOSISTEMA NG DAIGDIG. ANG TAO HINDI PANUKATAN NG SANSINUKOB KUNDI PARTE LAMANG NG MGA UMIIRAL NA SISTEMA.
Ginamit nito ang sistematikong lohika ng pag-aaral ng agham upang susugan ang pananaw, ideya at karanasan na ang pag-usbong ng tao at sangkatauhan sa daigdig at sansinukob ay mahigpit na nakaugnay sa samu’t-saring organismo sampu ng mga esensyal na bagay katulad ng tubig, sinag ng araw, iba’t-ibang klase ng mga enerhiya, hangin at mineral.
Samakatuwid kung ano ang daigdig, ito ay ang iba’t-ibang klase ng sistema na direkta at indirektang magkaka-ugnay kung saan ang tao ay bahagi at parte lang ng mga sistemang patuloy na umiinog bunga ng napakarami at ispotansyong mga proseso.
Tulad nang nauna ng nabanggit, KAHIT WALANG SALITANG ANARKI, ANG DIWA NITO AY UMIIRAL. Ito ay ang relasyon ng mga tao, indibidwal, komunidad, pamilya at iba pang organismo na NAKABATAY SA RESPETO AT KAPWA-TULUNGAN. Ang respeto at kapwa-tulungan ay hindi abstrakto. Ito ay kongkretong relasyon ng mga tao na umiinog sa PAGKILALA NA MAY “IBA.” Bukod sa iyong “SARILI,” may “IBANG” tao, hayup, halaman at mga bagay kung saan mahalaga ang papel upang magtuloy-tuloy ang pag-iral ng isang “sarili.”
Self-consciouness ang tawag ng mga pilosopo sa ideya ng pagkakaroon ng pagkilala sa iyong sarili. Nakumpirma at nasiguro mo na ikaw ay may sarili dahil alam mo na may iba. May kaharap ka, may kausap ka, may ka-inter-aksyon ka na maaring katulad mo siyang tao, gumagamit ng salita subalit alam mong malaki ang pagkakaiba niya sa iyo. Sa maikling sabi, hindi ka magiging ikaw, kung wala siya o sila. Samakatuwid, ang pagiging ikaw mo, o ang pagkilala sa sarili mo ay nakaugnay sa pagkilala mo na may ibang tao. May ibang indibidwal na hindi parte ng katawan mo. May sariling katawan, kakanyahan kabilang ang kanyang pag-uugali, mga naiibigan at inaayawan.
Walang masama na magsimula ka sa iyong sarili. Ano ang iyong mga interes? Ano ang iyong mga kailangan? Ano ang iyong mga kayang gawin at ano ang iyong mga kahinaan?
Walang perpektong tao. Ito ay isang katotohanan na mahirap pabulaanan. Sa puntong ito, ang isang indibidwal ay may pangangailangan na makipag-ugnayan sa iba. Huwag na tayong lumayo pa, ang indibidwal na iniluwal mula sa sinapupunan ay hindi nagmula sa kung saan. Siya ay bunga ng pagtatalik ng dalawang indibidwal. Maging sa pagkasilang, ang sanggol ay nangangailangan ng pag-aaruga ng kanyang mga magulang. Ang sanggol na ito dadaan sa proseso na magmumulat sa kanya sa mga gawi, pag-uugali, kasanayan, kaalaman, damdamin, panlasa, pananaw at paniniwala mula kanyang mga magulang, kapatid, kamag-anak, komunidad at lipunan. Socialization process ang tawag dito ng mga sosyolohista.
Sa ganitong pagpapalagay, ang indibidwal o isang tao ay hindi sumasalamin ng absolutong pag-iisa. Ang tao kahit sa kanyang pag- iisa ay kumakatawan sa pagiging sosyal o pagkakaroon ng kaugnayan sa ibang tao, lipunan at kalikasan. Sa ganitong pagtingin ang indibidwal ay hindi isolated o nag-iisa kundi siya ay parte at may kaugnayan sa kung anong lipunan, kultura at ekosistema man ang kanyang kinabibilangan o pinagmulan. Hindi ko itinatatwa na maari at may kapasidad mabuhay ang tao ng nag-iisa sa literal. Mainam na iwan ang deisisyong ito sa kanilang pansariling-determinasyon. Siya ay lalayo sa grupo ng mga tao at mamumuhay ng sarili sa kanyang pag-iisa. Ito ay kanyang pagpapasya, subalit kailanman ay hindi niya ganap na mapapatid ang kanyang kaugnayan sa lipunan. Dahil ang kanyang mismong pagsulpot sa lipunan ay bunga ng pang-sosyal na gawain. Ang kanyang bayolohikal na pangangailangan ay naka-ugnay din sa kanyang likas-na-kapaligiran.
Maganda ang ehemplong tinuran ng isang rusong anarkista na geographer na si Peter Kropotkin sa kanyang aklat na “Mutual Aid: A Factor of Evolution.” Ayon sa kanya, ang mga uri ng hayup na nabubuhay ng mag-isa o ang istilo ng kanilang pamumuhay ay parating nag-iisa ay mas kaunti ang tsansang mag-survive ang kanilang uri. Ayon pa sa kanyang pag-aaral, ang mga klase ng hayup na nabubuhay sa pamamagitan ng pagtutulungan ang may higit na malaking tsansang makapagpapatuloy ng buhay ng kanilang uri at salin-lahi. Tinuran niya na napakaraming hayup at organismo ang nakapagpapakita ng kanilang abilidad na magtulungan kaya marahil napakaraming organismo ang nanatiling buhay at umiiral hanggang sa ngayon.
Ang isa sa mga hayup na ito ay ang uri natin. Kung ano man ang inabot ng “pag-unlad” ng tao; IISA LANG ANG SIGURADO, ANG TEKNOLOHIYA AT AGHAM AY HINDI LANG PRODUKTO NG ISANG TAO O KULTURA. ITO AY NAIMBAK NA KAALAMAN AT KASANAYAN MULA SA KOLEKTIBONG KARANASAN NG SANGAKATAUHAN.