Title: Anarki: Akin ang Buhay Ko
Subtitle: Sariling Determinasyon at Pagpapasya Tungo sa Panlipunang Rebolusyon
Author: Bas Umali
Topics: Anarchy, anarkiya
Language: Tagalog
Publication: Indokumentado
Date: 2012
A wealthy man’s heart is a ghetto.
An anarchist’s heart is a kingdom.

Panimula

Ang sulating ito ay para sa iyo. Sa ka-klase mo. Sa tropa mo. Sa kamag-anak mo. Sa kaupisina mo. Sa mga kabataan. Sa mga taga-call center. Sa mangingisda. Sa magsasaka. Sa manggagawa. Sa kababaihan. Sa mga sidewalk bendor. Sa kabaklaan. Sa katomboyan. Sa mga taong nakakasalamuha mo sa araw-araw sa paulit-ulit at mga rotinaryong gawain at iskedyul.

Kung may opurtunidad pang makapag-basa ang mga taong grasa, ang mga palaboy at sumisinghot ng droga sa mga lansangan at daang libong mga walang tahanang mga pamilya, para sa inyo ito.

Ang salitang anarki ay nakukulapulan ng napakaraming negatibong kahulugan at hindi kaaya-ayang pag-intindi. Ito ay resulta lamang ng direktang pag-atake ng anarkistang kilusan sa hirarkiya. Dahil halos lahat ng mga umiral at kasalukuyang institusyon ay organisado sa hirarkikal na paraan naka-ipon ng kaaway sa proseso ng pakikibaka ang anarkistang kilusan.

Gayun na lang ang galit ng simbahan, ng oligarkiya at monarkiya; ang panibugho at pag-atake ng modernong estado at mga korporasyon sa mga anarkista. Maging ang makakaliwang kilusan ay nagsagawa ng pagpupurga at malawakang pagpatay sa mga anarkista upang ipagtanggol ang institusyong nakabatay sa hirarkiya.

Ang literatura mula sa “White House nursery composition” noong 1904 ay isang karumaldumal na halimbawa na pagsasa-demonyo sa mga anarkista, lalo’t ito ay nakalaan sa mga paslit:

The anarchist is a very fierce creature. It is first cousin to the gorilla. It kills, presidents, princes, executives, likewise sabotage their summits and summer holidays. It has long, unkempt hair on its head and all over its face. Instead of fingernails, it has long sharp claws. The anarchist has many pockets in which it carries rocks, knives, guns, and bombs. It is a night animal. After dark, it gathers in group large and small, and plans raids, murders. plagues. Lots are drawn to select who must carry out the work.

The anarchist does not like water. It never washes or changes its clothes. It is always thirsty and drinks only salt water. The home of the anarchist is in Europe, especially Italy. Some few have been exported to North America, where they are feared and hated by all decent folks and hunted wherever they show themselves.

Papa does not like anarchists a bit. They gave him bad dreams, he says. He has given orders to have them caught and put in cages, and will not allow anymore to come into this country if he can help it. If any sneak in, he will have them shot like rabid dogs, Mexican mountain lions and such animals. I practice everyday with my rifle so I can shoot these wild beasts when I grow up.

Totoong may bahid ng dugo ang kasaysayan ng anarkistang kilusan noong kampanya ng “progpaganda by deed” kung saan maraming anarkista sa Europa ang gumamit ng karahasan, terorismo, pamamaslang at pananabotahe. Sa kabila ng maraming ring anarkista ng panahon na yaon ang tutol sa propaganda by deed. Kahit sa kasalukuyan ay isyu pa rin para sa maraming anarkista ang naturang kampanya. Napakahalagang usapin din ito sa kilusan at isang malaking hamon para sa atin na magkaroon ng malusog na diskurso para sa paksang ito.

Labas sa ilang teoretikal at historikal na talakayan, ang isa sa pangunahing layunin ng sulating ito ay makapagbigay paglilinaw at makabuluhang kahulugan ng salitang anarki sa ating pang-araw-araw na buhay.

Posible ba itong isabuhay? May praktikal na aplikasyon ba ito sa mga simpleng relasyon sa pamilya, kaibigan, komunidad at malawak na lipunan?

Pagtatangka rin ito na muling ipa-ala-ala sa tao at sa taga-arkipelago na likas ang anarki sa ating relasyon. Likas dahil bago pa man maimbento ang salitang anarki, ang ating mga ninuno ay isa na sa mga primitibong grupo ng tao ang nagsa-praktika nito kasabay ang iba’t-ibang grupo ng tao sa maraming panig ng daigdig.

Ano ang Anarki?

[paano ito nangyayari sa araw-araw na iyong buhay]

Napakadaling unawain ng anarki. Sapag kat ito ay nakabatay sa praktika at aktuwal na buhay ng tao. Hindi pa sa ngayon dominante ang anarkistang relasyon ng mga tao dahil hindi papayag ang naghaharing grupo na mangyari ito sa panlipunang antas dahil mawawala ang kanilang pribile hiyo, kapangyarihan at kontrol.

Ang pinakapayak na kahulugan ng anarki na maibibigay ng diksyonaryo ay ang kalagayang walang otoridad, ruler o boss. Ito rin ay tumutukoy sa kawalan eksternal na puwersa na nag-gigipit sa tao upang sapilitang gumawa ng bagay na hindi ayon sa kanyang kagustuhan o pagkukusa.

Mahirap bang intindihin ang mga kahulugang nabanggit? May masama ba o negatibo sa mga kahulugang nasabi? Nag-uudyok ba ng kaguluhan ang simpleng kahulugan na ito?

Sa isang okasyong nagka-ayaan kayo ng inyong mga tropa, barkada, ka-upisina o ng pamilya sa isang salu-salo at ang bawat isa ay nagboluntaryo sa mga gawaing pamilyar silang gawin at may resources at kagamitan sila upang magawa. Walang nagbigay ng utos, walang nagbenta at walang napilitan. Ang lahat ay nagsaya, nabusog at lalo pang nag kapalagayang loob ang mga kasama. Ito ay anarki. Subalit ang nanatiling hamon ay paano natin isasabuhay ang ganitong relasyon sa mas malawak na antas.

Labas pa sa malalim na pang-akademya at teoretikal na diskurso, ang anarki ay simpleng tumutukoy sa mutual na kooperasyon o kapwa-tulungan at walang pa mimilit na pwedeng pwedeng isagawa sa loob ng pamilya. Kung nauunawaan natin na napakabigat at minsa’y mas mahirap pa kumpara sa ginagawa ni mister sa trabaho ang mga gawaing bahay na naliwan lahat sa nanay at mga anak na babae. Ang pagtulong ni mister o ng anak na lalaki sa mga gawaing bahay ay isang magandang halimbawa ng anarki. Napaka-anarkistang gawain kumpara sa lasing na punk sa gig at sigaw ng sigaw ng anti-authority.

Ang anarki ay isang pagkilos kung saan ang mga tao ay nagtutulungan at nag-oorganisa upang direktang masolusyunan ang kinakaharap na isyu o suliranin.

Halimbawa, nasaksihan mo ang kagutumang nagaganap sa araw-araw sa iyong paligid. Ikaw ay nakipagtulungan sa kapit-bahay mong may kapareho ring nararamdamang awa at kamalian sa kalagayan ng mga gutom. Direkta ninyong natugunan ang kagutuman ng isa o pangkat ng tao sa oras na iyon, isang kagyat na sitwasyon na epekto ng karahasang istruktural.

Ang aksyon mo at ng mga kapit-bahay ay epektibo lang sa araw na ginawa ninyo ‘yun, ganoon talaga iyon sapagkat hindi naman ikaw at ang mga kasama mo ang sagot sa kagutuman, ikaw, ako at iba pang indibidwal na nagbibigay ng tulong sa iba’t-ibang paraan na walang hinihinging kabayaran o kapalit na pabor ay epektibong nag-aambag sa iba’t-ibang inisyatiba na tumutugon sa isyu ng seguridad sa pagkain. Muli, ang hamon ay kung paano isusustena at gagawing sistematiko ang pagkilos.

Ang iba naman ay nagsasagawa ng mga aktibidad pang-edukasyon para sa mga paslit sa mga komunidad na walang opurtunidad na makapag-aral. Mga batang ang palaruan ay ang malawak, mausok at mapanganib na lansangan habang ang mga pisara nila ay ang malalaking billboard ng kung anu-anong mapanlinlang na propaganda ng mga korporasyon.

Sa pamamagitan ng mga materyales na nakalap sa paligid at sa tulong ng mga bahay-bahay sa maralitang taga-lungsod ay maaring makapag-organisang mga alternatibang workshop para sa mga musmos.

Sa tuwing ikaw ay kumikilos para tugunan ang bagay na sa tingin mo ay dapat tugunan ayon sa iyong sariling kakayahan at hindi na humihingi pa ng opisyal na permiso. Ikaw ay isang anarkista.

Kung saan may tao ay may anarki. Ito ay likas sa tao sapagkat ang pakikipagtulungan at kooperasyon ay likas sa mga tao. Katulad kung gaano kalikas sa ating mga taga-arkipelago ang tinatawag na pakikipag-kapwa tao.

Ang diwa ng pakikipag-kapwa tao ay naku-kurap sa impluwensya ng kaisipang nakabatay sa hirakiya. Napipigilan ng hirarkiya ang anarkistang pag-uugali ng tao dahil sa pagko-kontrol ng mga institusyon na naghahangad ng kaayusan ng unipormidad at pagkakapare-pareho. Kaayusang nasa adbentahe lang ng iilang mga nasa tuktok ng hirarkiya.

Kaya’t ang mga conscious o mulat na sila ay anarkista ay galit sa gobyerno; walang tiwala sa komersyalisadong sistema ng edukasyon; mga relihiyon na ginagawang mangmang ang mamamayan; mga korporasyong nagsasa-pribado ng mga yaman ng lipunan, mga institusyong nagpapatatag ng sistema ng patriyarkiya at mga institusyong sumisira sa kalikasan.

Ang realidad, mahirap makapagdesisyon ang isang tao tungkol sa maraming bagay-bagay sa kanyang buhay mula pinaka-personal hanggang sa kanyang propesyunal na buhay dahil sa mga institusyong nagkakahon sa atin pagkasilang pa lang. Kung babae o lalaki ka ay may inaasahang kilos at pag-uugali sa iyo ang lipunan, at alam mo na kung ano ang mga iyon.

Pagkapanganak pa lang ay itinuturing na tayong potensyal na konsyumer ng mga korporasyon; botante sa hinaharap ng mga uhaw sa kapangyarihan na mga pulitiko; magiging binyagan ng mga simbahang may bahid ng dugo ang kasaysayan at pang-aalipin, at reserbang lakas-paggawa. Inaasahan sa atin ng mga institusyon na huwag mag-tanong at sumunod sa mga patakaran ayon sa kanilang pagkakahon kung ano tayo.

Sa panghuli, ang anarki ay isang rebolusyonaryong ideya na walang ibang nararapat kundi ang iyong sarili para magpasya sa sarili mong buhay. Pagpapasyang tataliwas sa mga pagkakahon na ginawa sa iyo ng mga institusyon.

Bakit ba mas marunong ka pa sa Akin?

[Ang hirarkikal na oryentasyon ng lipunan]

Bad trip ka kasi hindi ka makapaglagay ng hikaw at piercing sa iba’t-ibang parte ng katawan, hindi ka makapagpahaba ng buhok o makapagpa-mohawk at hindi makapagpa-tato. O hindi ka makapag-suot babae kasi lalaki ka. O hindi ka makapag-syota ng babae kasi mas seksi ka pa sa type mo. Kasi may eskwelahan, may tatay, may trabaho, may simbahan, gobyerno na siyang pinagmumulan ng istandard at wastong gawi at pag-uugali.

Nag-aalsa ang laman mo sa galit sa kabila ng mga rason na paulit-ulit na sinasabi ng mas matatanda sa ‘yo ang pagiging walang saysay ng mga kakaiba mong nais gawin

Sa kabilang banda kung ang rason mo ay:

wala namang akong napipinsalang iba, kung masakit ako sa mata ng iba problema na nila yun.

Isang aroganteng pangangatwiran na kung tutusin ay may katotohanan din.

Dahil sa ang mga nais mong gawin katulad nga ng mga nabanggit ay mababa kumpara sa istandard na itinakda ng mga institusyon ng lipunan napipilitan kang kontrolin ang trip mo. Kasi may nakapangyayari. Umiiral ang mas mataas na istandard ng mga institusyon kagaya ng estado, korporasyon, simbahan at mga konserbatibong istruktura. Sinuman ang kumontra o sumalungat ay makakatanggp ng iba’t-ibang klase ng kaparusahan na itinalaga sa pormal o impormal na paraan ng mga institusyon.

Ang nabanggit ay isang halimbawa kung paano naapektuhan ng hirarkiya ang pang-araw-araw nating pamumuhay, nangyayari ito sa iba’t-ibang paraan at konteksto. Ang hirarkiya sa literal ay oryentasyong may itaas at ibaba. Kung ilalapat natin ito sa relasyon ng tao, ito ay nangangahulugan na may taong mas nakatataas ang katayuan kaysa iba. May mas superyor na tao kaysa ibang tao.

Ang pilosopikal na diskurso ay makakatulong upang mapalalim pa natin ang pag-unawa sa hirarkiya bilang pangunahing pinag-uugatan ng mapang-aping sistema ng lipunan.

Kadalasan, ang mga tao ay anthropocentric, ang ibig sabihin ay ang sentro ng lahat ay ang tao, ang batayan at panukat ng lahat ng bagay sa sansinukob ay ang tao.

Ang resulta ng ganitong pananaw, ang tao ang siyang pinakamataas sa hirarkiya, siya ay superyor kumpara sa iba pang organismo sa ekosistema. Kaya mas mababa ang hayup, ang halaman at iba pang may buhay sa ating kapaligiran. Dahil sa pananaw na mas mababa sila kaysa sa atin kaya gayun na lamang ang pang-aabuso ng tao sa mga hayup sa kagubatan at karagatan at sa ekosistema sa pangkalahatan. Ang kanilang halaga ay pangunahing nakabatay pa sa pang-ekonomikong interes ng tao.

Sinasabing ang hirarkiya daw ay natural sa kalikasan o sa ekosistema, ang pagka karoon ng relasyong prey (biktima) at predator (nambibiktima) ay manipestasyon ng “natural” na hirarkiya.

Bahagi ng dinamismo ng kalikasan ang pagkakaroon ng mga carnivorous na sumisila ng ibang hayup. Sa kagyat na pagtanaw ay maaring isipin na may pang-aapi sa karahasan na nagaganap. Subalit dapat nating ikonsidera na ang pagpanaw o kamatayan ng isang organismo ay natural na proseso ng kalikasan.

Ang hindi natural ay ang pang-aalipin, pang-bubusabos at pagkontrol sa buhay ng ibang tao at tanging relasyon lang ng tao sa tao ang may ganitong katangian. Isang malaking kabaliwan na ikumpara ang kalagayan ng manggagawang langgam sa mga manggagawang unyonista man o hindi.

Ang mga hayup katulad ng mga minamaliit nating buwaya, ahas, leon at iba pang mababangis na organismo ay sumisila ng iba pang hayup para sa kanilang pagkain upang isustena ang kanilang pag-iral. Samakatuwid ay walang intensyon na ubusin o lupigin ang iba pang hayup. Ang kanilang impluwensya sa buhay ng ibang hayup ay limitado lamang ayon sa kanilang apetite at pangangailangang mabuhay. Ito ay hindi hirarkiya. Ito ay natural na proseso ng ebolusyon.

Ang hirarkiya ay epekto ng pagtanaw na may mga taong “sadyang ipinanganak na lider”. Bagamat napaglipasan na ang ganitong paniniwala kasabay ng pagbagsak ng monarkiya at mga kaharian; ang paniniwalang kailangan ng lider ay umiiral pa rin. Ang umano’y pagpili ng lider ay nakakubli sa tinatawag na demokrasya, subalit kung pakasusuriing mabuti ay nanatili ang kontrol sa malawak na mamamyan at sentralisasyon ng yaman at kapangyarihan.

Ang hirarkiya ay hindi natural sa ekosistyema at direktang naka-ugnay sa relatibong sentralisadong kapangyarihan ng iilang nasa itaas na direktang nakakaimpluwensya sa buhay ng kanyang-kapwa tao na nasa ilalim ng hirarkiya.

Ang hirarkiya ay tumatagos sa iba’t-ibang dimensyon katulad ng lipunang Filipino na kumikilala sa kaputian ng balat at katangusan ng ilong bilang istandard ng pagiging maganda o gwapo. Likas ba talagang maganda ang maputi at likas na pangit ang maiitim at pango at maliit? Ibig sabihin likas na pangit ang ating mga ninuno?

O dahil sa superyor sa pulitika at napakaimpluwensyal sa ekonomya ng mga bansang sumakop sa atin na pawang mga puti (Kastila at Amerikano). Maging sa pandaigdigang antas, kinikilala ang istandard na ito dahil sa impluwensya ng Europa at Amerika sa ating planeta. Superyor ang puti at mas mababa ang iba pang kulay katulad ng kayumanggi, itim at iba pang lahi. ang white supremacy ay racism na ang pinag-uugatan ay hirarkiya.

Katulad din kung paano nagiging superyor ang mga tagalog sa NCR at nililibak ang Bisaya. Sa pangkalahatan ay minamaliit at ginagawang katatawanan ang kultura ng mga katutubo at mas malala ay ang pag-komersyalisa ng kanilang kultura sa pama magitan ng turismo.

Mababa ang mga katutubo, at superyor ang mga umano’y sibilisado at makakanluraning kultura at turista (lokal man o internasyunal).

Ang pananaw na ang babae ay pang kama, pang-bahay at tagasilbi sa mga asawa at anak ay resulta ng isang hirarkikal na pananaw. Mataas ang lalaki kaya’t dapat siyang pagsilbihan ng babae. Ang ganitong relasyon ng pang-aalipin ay hindi kayang tularan ng mga hayup na itinuturing natin na mas “mababang” organismo kaysa sa atin.

Ang hirarkikal na distribusyon ng yaman ng lipunan at kasaganahan ng natural na kapaligiran ay magreresulta ng kahirapan. Nangyayari ito dahil sa pribatisasyon ng yaman ng lipunan kung saan ang ilang grupo ng tao sa itaas ng hirarkiya katulad ng mga corporate, pulitikal at religious na mga lider ang siyang may kontrol ng distribusyon at akses ng yaman. Yaman na nalikha ng mga sektor at mga uring nasa mababang antas ng lipunan tulad ng magsasaka, mangingisda, drayber, mekaniko, manggagawa, karaniwang empleyado, sidewalk bendor, kasambahay, OFW, mga pulubi at palaboy at iba pa.

Kung muli nating ibabalik sa ating mga sarili ang usapin ng hirarkiya, magaganap ito kung ituturing mo na mas superyor ka kaysa ibang tao. Ito ay magbibigay sa iyo ng batayan upang mandohan at utus-utosan ang taong sa tingin mo ay tanga, duwag at walang alam. Dito rin magsisimula ang arrogance at pangma-maliit sa iba at ito ang kukumbinsi sa iyo na kailangan ng tao ang lider na katulad mo at bilang lider ikaw ay entitled o may karapatan sa mga pribilehyo tulad ng kasaganahan, pagiging maalwan, magarbo at maluhong pamumuhay.

Walang taong nasa kanya ang lahat. Bagkus ay maraming taong maraming kakulangan, at kailangan niyang makipagtulungan upang kapwa nila makamit ang kanilang mga komon at magkakaibang interes. Maaring may mga indibidwal na may higit na kakayahan sa isang larangan, ngunit sa ibang larangan ay may ibang indibidwal na mas makakahigit sa kanya.

Ang kaalaman at sistema ng sangkatauhan ay produkto ng kolektibang effort at walang humpay na kolaborasyon at pagtutulungan ng mga tao. Walang iisang tao na siyang makakaangkin sa inabot ng kaunlaran ng sangkatauhan. Samakatuwid walang batayan ang pribatisasyon ng mga yaman ng lipunan. Ang bawat tao at organismo ay dapat makinabang at maka-akses ng mga panlipunang pasilidad, pagkain, bahay, tubig, bisyo at makabuluhang pahinga.

Ang mga tao ang dapat makatukoy ng kanyang sariling nais gawin at pangarap. Ang kalayaan ay walang iba kundi ang pagkamit ng sariling determinasyon para sa iyong buhay at kung paano ibabahagi ang kalayaang ito sa iba at sa malawak na lipunan.

Ang aking sariling determinasyon

[ambag sa panlipunang rebolusyon]

Bagamat may aktwal tayong nagagawa sa pagpapabagsak ng hirarkiya, ang ganap na pagkalusaw ng hindi pagkakapantay-pantay ay isang mahabang proseso.

Ito ay nangangailangan ng mga prosesong lulusaw sa pagiging lehitimo ng mga institusyong patuloy na lumilikha at nagpapatatag ng sistemang nakabatay sa hirarkiya.

Taliwas sa pampulitikang rebolusyon kung saan may ilang lider at grupo ng tao ang siyang mangunguna sa pagbabago at kagyat ding magtatayo ng sentralisadong pamahalaan. Napatunayan sa kasaysayan na ang pangakong kalayaan at kasaganahan ay hindi nakamit sa mga sosyalistang estado kagaya ng Russia sa pamamagitan ng mga Bolshevik, o ng China ng Communist party ni Mao Tse Tung ong Cambodia sa pangunguna ng Khmer o sa Korea at Cuba.

Hindi rin nakamit ang pag-unlad at kalayaang inaasam-asam sa pagluklok sa kapangyarihan ng mga sosyalistang gobyerno at labor party sa Europa. Maaala-alang ang Australia ang unang sosyalisatang gobyerno ang naluklok sa ka pangyarihan sa pamamagitan ng eleksyon at sinundan ito ng mga social democrats sa Austria, Belgium, Denmark, Finland, Germany, Great Britain, Norway at Sweden, subalit walang industriya ang na-socialise at naging pag-aari ng pamahalaan maliban sa industriya ng armas ng bansang France noong 1936.

Ang panlipunang rebolusyon ay hindi maisusulong sa pamamagitan ng coercive o mapanggipit na mga proseso ng pulitikal revolution at ng mga hirarkikal na mga organisasyon at hirarkikal na partido, Sapagkat ire-replicate o uulitin lang nito ang mga dating pagkakamali o kaya’y mas magiging masahol pa sa usapin ng karahasan at pang-aalipin katulad nang ginawa ng mga sosyalistang estadong nabanggit

Ang pinakamahalaga sa prosesong ito ay ang paglahok ng mga mamamayan mismo. Dapat nating tandaan na ang estado at mga institusyong nagmomonopolyo ng kapangyarihan ay hindi kusang malulusaw, ang mga tao mismo ang lulusaw kasabay ng pagsasaayos ng panibagong sistemang may malalim na pinag-ugatan sa kasaysayan ng bawat komunidad ng mga tao.

Magaganap ito kung magkakaroon ng ganap na impormasyon at pag-unawa ang tao sa karahasang idinudulot ng kaayusang nakabatay sa hirarkiya. Kasabay ng muling pag-unawa ng tao sa pagiging dalisay ng makataong sistemang natural sa kanya — ang tao ay bihasa at galing na sa relasyong nakabatay sa pakikipagkapwa-tulungan, at rumerespeto sa iba’t-ibang napakaraming paniniwala at paraan ng pamumuhay.

Kung gaano man katagal o kahaba ang panlipunang rebolusyon ay wala na tayong paki-alam duon. Bagamat maari tayong mag-imagine batay sa mga karanasang naganap sa kasaysayan, katulad ng Paris Commune, Russian Revolution at Spanish Civil War, ang pinakamahalaga pa rin ay ang patuloy nating pagkilos na sinisimulan natin sa ating pamilya, kaibigan, kaklase, sa pabrika, kaupisina, komunidad, katrabaho at iba pang mga na kakasalamuha sa pang-araw-araw na buhay

Ang pag-oorganisa ng mga istruktura para sa pagdedesisyong pulitikal at magsasakapangyarihan sa mamamayan ay isang malaking hamon sa mga anarkista sa arkipelago. Mahalagang ang balikan ang uri ng anarki na naganap sa arkipelgo daang libong taon bago pa dumating ang mga kastila, ito’y upang makatulong sa atin sa paglikha ng klase ng pulitika sa hinaharap na angkop sa sa ating kultura at pamumuhay na nakabatay sa kawalan ng estado at unipormodad.

Mungkahing gabay sa Pag-angkin sa Ating mga Buhay

  • Tanging ako lang ang magpapalaya sa sarili ko, katulad kung paano mo papalayain ang sarili mo; katulad kung paano papalayain ng kababaihan ang kanilang mga sarili; katulad kung paano papalayain ng katutubo ang kanilang mga komunidad, ng mga mangingisda, magsasaka, sidewalk bendor, manggagawa, taong-grasa, palaboy, pulubi at iba pa…

  • Maging radikal at manatiling nakaugnay at nakalapat sa riyalidad

  • Walang iisang paraan sa pagtuligsa sa sistema

  • Walang perpektong anarkista, kalokohan ang “salitang mas anarkista ako kaysa sa iba”

  • Maging bukas sa mga kritisismo, mainam itong proseso sa pagkilala sa kahinaan at kalakasan na magiging batayan upang mapaunlad at ma-explore pa ang sarili

  • Maging bukas sa mga diskurso at talakayan para sa edukasyon