Benjamin R. Mangubat & Venancio de los Reyes
Errico Malatesta at ang Kilusang Anarkismo
Ang anarkismo ay isang reaksyon laban sa anumang uri ng pamahalaan, mga batas o anumang uri ng samahan na naglalayong limitahan ang natural na kalayaan ng tao. Para sa mga anarkista, ang daigdig ng pulitika ay naglalarawan ng arbitraryong kapangyarihan at dahil dito, winawaksi ng mga anarkista ang anumang kilusang may bahid ng pulitika. Bagamat binabatikos ni Malatesta sa kanyang sanaysay ang kapitalistang lipunan, sinisiraan rin ng kanyang mga kasamahan ang sosyalismo at ang Marxismo dahil sa kanilang sentralismong pamamaraan ng pamamahala.
Kung ang grupo nila Hobbes, Rosseau at Locke ay naniniwala sa kontratang panlipunan, ang mga anarkista naman ang kontra dito. Sa palagay nila, ang pagsapi ng tao sa ‘lipunang sibil’ (ang pangalawang yugto ng mga teoristang kontrata) ang nagsisilbing balakid na siyang humahadlang sa natural na buhay ng tao. Ang karapatan ay nilulun ng mga obligasyon, ang lipunan ay kinain ng estado at ang tao ay naging isang maliit na bahagi ng mga dambuhalang makina at gusali. Ayun kay Horowitz, ang tingin na mga anarkista sa buhay ay isang moral drama kung saan ang mga indibidwal ay palaging nakikipaglaban sa mga panlipunang sistema.
Marahil ang buhay ng isa sa mga naging taga-sunod nito ang magpapalinaw kung paano isinapraktika ang kaisipang anarkismo. Ang tinutukoy namin ay ang makulay na buhay ni Errico Malatesta.
Si Errico Malatesta ay ipinanganak sa Italya sa kalagitnaan nang ika 19-na siglo. Siya’y pumasok sa unibersidad ng Naples at habang tinatapos niya ang kanyang pag-aaral sa medisina, sumapi siya sa kilusang sosyalismo, Dito niya nakilala ang isa pang tanyag na anarkista, si Michael Bakunin at naakit si Malatesta sa mga adhikain ng anarkismo. Itinuro nito ang aktibong pagkilos, direktang pagkumpiska ng mga lupa, at mga welgang bayan. Nang siya’y mga 25 taong gulang pa lamang, akala niya’y mauumpisahan niya ang rebolusyon sa pamamagitan nang paghimuk sa mga pesante upang magrebelde. Isang ulat ang nagsasabi na si Malatesta, kasama ang dalawa niyang kaibigan, ay pumunta sa isang bayan, sa kabundukang bahagi ng timug Italya at hinikayat nila ang mga nagulat na pesante na lusubin ang munisipyo. Sinunog ng grupo ni Malatesta ang lahat ng mga talaan—talaan ng mga panganganak at ng mga patay, mga papeles sa pagaari ng lupain, talaan ng mga kontrata at iba pang mga mahahalagang dokumento. Nang ang mga ito’y tanging abo na lamang, matagumpay silang umalis at lumipat sa karatig bayan at muli nilang tinipun ang mga pesante. Samantalang kinakausap nila ang mga walang kamuang-muang na pesante, biglang umulan at nawala ang mga nakikinig Dumating ang mga pulis at inaresto ang grupo ni Malatesta at dinala sila sa kulungan.
Ang paglalabas at pasok ni Malatesta sa kulungan ay magiging pangkaraniwan sa 60 taong pagiging aktibo sa kilusang anarkismo. Makukulang, palalayasin, ipatatapon at madidistierro (exile) siya sa iba’t ibang bansa tulad ng Argentina, Englatera, Pransya, Espana at Switzerland. Madalas, maski kalalabas niya pa lang sa piitan, nasa lansangan na naman siya at sa pamamagitan ng kanyang mahahanghang na pananalita at matalas na pluma, binatikos niya ang pamahalaan at sistemang pinamamalagian niya.
Si Malatesta, bagamat pinasan niya ang krus ng mga anak pawis, ay mayaman at inialay niya ang kayamanang ito para sa ikauunlad ng kilusan na kanyang pinaniniwalaani Marami siyang inorganisang insureksyon at rebelyong mangagagawa. Dahil dito, maraming mga militanteng grupo ang sumanib sa kanya at bagamat madalas siyang nakulong, maraming beses siyang napalaya dahil sa kanilang mga nilulunsad na welgang bayan para mapalaya siya.
Ang pagsulpot ng pasismo sa Italya at ang sistematikong pagsupil nito sa mga militanteng samahan ang bumuwag sa kilusang anarkismo sa bansa. Siya’y pinabahay aresto (house arrest) hanggang sa pagkamatay niya noong 1932.