Jong Pairez
Ang Kolonyal na Urbanismo
Pag-aaral ng Espasyo at Domestikasyon
“With the advent of unitary urbanism, present city planning (that geology of lies) will be replaced by a technique for defending the permanently threatened conditions of freedom, and individuals — who do not yet exist as such — will begin freely constructing their own history.”
— Internationale Situationniste #6 ( Paris 1961)
ALAS SINGKO ng madaling araw ng Miyerkules sa Sitio Masagana- bahagi ng Bicutan, sinalubong ng mga maralitang taga-lungsod ang bukang liwayway ng paglalagay ng Barikada sa East Service Road ng Luzon Expressway. Tulad ng kanilang mga tahanan na nilikha mula sa tira-tirang retaso ng nabubulok na bahagi ng Kapitalistang industriyalismo, ang barikada ay naging simbolo ng maralita sa muling pag-angkin ng kanilang pamumuhay laban sa kalupitan ng post-modernong kaayusan ng Kapitalismo. Sa isang iglap nalikha ang ispontanyong arkitektura mula sa pagwasak sa kasalukuyang kondisyon.
Umulap ng tear gas, umalingawngaw ang putok ng baril, bumuga ang bumbero at sa kabilang banda ay naglipana ang bato kasama ng mga botelyang nag-aapoy. Naantala ang parisukat na rutina ng syudad matapos pumutok ang mahigit-kumulang na bente (20) minutong sagupaan sa pagitan ng maralita at marahas na pwersa ng Militar at Pulis. Ayon sa ulat, apat ang nasaktan sa Militar at lima naman sa maralita (PDI 8/30/2006). Umatras ang Awtoridad at napilitang magbigay ng limang araw na moratorium ang representate ng Estado- si Presidente Gloria Arroyo.
Ang nabanggit na komunidad na nais buwagin ng Awtoridad ay bahagi ng nakabinbin na espasyo na pag-aari ng Militar sa Bicutan. Inokupa ito ng mga maralita sa pangangailangan na mabuhay sa Metro Manila- ang kapital na sentro ng Pilipinas. Ang pangyayaring ito ay isa lamang sa mahabang listahan ng marahas na relasyon ng kapangyarihan sa larangan ng espasyo. ‘Ika nga ni Atilla Kotanyi at Raoul Vaneigem, “All space is already occupied by the enemy, which has even reshaped its basic laws, its geometry, to its own purposes.” At kung mawawala ang tinutukoy na kaaway (Authority), dito lamang magaganap ang tunay na rekonstruksyon ng espasyo. Kung baga sa modernong physics, “ito na ang tinaguriang Positive Void”, giit ni Atilla Kotanyi.(International Situationiste #6)
Domestikasyon ng Espasyo, Yugto ng Urbanismo
Sa bawat sulok ng daigdig ay may tinatawag na mga sentro, popular din ito sa tawag na Capital Cities. Ang mga sentrong ito ay mahalagang bahagi sa pundamental na konsepto ng bansa. Sapagkat dito nagaganap ang daluyan ng sentralisasyon at distribusyon ng kapangyarihan. Ito rin ay ang ideolohikal na ekspresyon ng lohika ng Estado sa regulasyon at pagkontrol sa mamamayan. Samakatwid, ang reyalisasyon ng sentro bilang konsepto ang siyang nagtutukoy sa lawak at sukat ng teritoryo.
Kung uugatin ang kasaysayan ng transpormasyon ng dati-rati’y variable na espasyo ng mundo mula sa nomadistikong pamumuhay hanggang sa landas tungo sa limitado at domestikadong espasyo, malaki ang kinalaman dito ng pag-unlad ng sibilisadong ekonomiya.
Sa Pilipinas, sa proseso ng kanyang pagkabansa ang transpormasyon ng dati-rati ay basag-basag na espasyo at desentralisadong kapookan tungo sa isang sentralisadong pamumuhay ay kasaysayan ng Kolonyal na pananakop ng sibilisadong mundo. Sa kolonyal na pananakop ng Espanyol, ang dating egalitaryan na mga Baranggay ay nilusaw ng awtoritaryang Cabezas, Sitio at Poblacion. Mga dayuhang termino ng espasyo na halatang itinugma ayon sa uri ng sibilisadong pamumuhay ng Bagong Mundo (New World)[1]. Kaalinsabay nito ay ang institusyonalisasyon ng pagsasamantala at klasikong pang-aalipin (encomienda at polo) ng dayuhan sa mga katutubo matapos na mailipat sila sa mga Cabezeras at maipon sa iisang pook. Madali nga namang makokontrol ang tao kapag nakaipon sila sa iisang lugar, mas mabilis na maipapatupad ang pagbubuwis (encomienda) at pagkuha ng manggagawa (polo).
Sa yugtong ito isinilang ang kauna-unahang urbanismo sa Pilipinas, at ang naging sentro ng domestikasyon ng espasyo ay ang Simbahan, Municipio at Plaza. Dito kasi umiinog ang ideolohiya ng mananakop[2] at ang reproduksyon nito.
Ang naging kilala na Cabezera sa yugtong ito ay ang Maynila. Sapagkat ang lugar na ito ang siyang nagsilbing sentro ng Kalakalan (Galleon Trade) at Merkado. Kaya naman dito itinayo ang kauna-unahang City Complex (Intramuros), mga batong gusali at hispanikong kabahayan na bandang huli ay naging rekisito ng Kapitalistang konsumerismo sa kasalukuyan.
Ang Migrasyon at Pag-aaklas
Malinaw ang layunin ng urbanisasyon, ang nais nito ay pagtibayin ang domestikadong pamumuhay para sa lohikal na pananatili ng sentralisadong kapangyarihan ng nasa poder. Makalipas ang ilang libong dekada, ang kumplikasyon nito ay tumungo sa pagkakawalay ng tao sa kapwa at ang relasyon nito sa kanyang napiling pook-pamumuhay. Ang burukratikong sentralisasyon ng espasyo ang siyang nagpatibay sa layuning ito.
Sa taon na 1650 mabilis na lomobo ang bilang ng populasyon sa Maynila matapos ang kampanya ng sapilitang relokasyon ng mga katutubo mula sa kanilang mga pook-baranggay, at ayon kay Renato Constantino, “…The population of the Walled City (Intramuros) and its Arrabales was approximately 42,000.”[3] Sa ngayon, ang Maynila ay umaabot na sa 1,581,082 na bilang ng populasyon (wikipedia.org).
Ang sapilitang relokasyon ng mga katutubo tungo sa mga Cabezeras ay nagdulot ng matinding sikolohikal na depresyon, sapagkat ang pag-abandona ng kanilang pook ay nangangahulugan ng dislokasyon ng kanilang diwa, identitidad at pamumuhay.[3]
Pero may mga nag-aklas at tumuligsa nito, tulad na lamang halimbawa ng mga katutubo sa Bohol mula sa pangunguna ng isang babaylan na si Tamblot. “They burned the four villages (relocation site) and their churches, threw away all the rosaries and crosses they could find, and pierced an image of the Virgin repeatedly with their Javelins.”(Constantino pp.89)
Kung ikukumpara natin ito halimbawa sa kasalukuyang pagsisilab ng Supermarket hanggang sa matupok ito ng apoy, ang mga katutubong nag-aklas laban sa sinaunang urbanisasyon ay maituturing nating detournement[4] ng pisikal na simbolo ng konsumerismo at conditioned behavioural patterns (exploitation and pacification). Habang ang migrasyon o malayang paglalakbay mula sa isang teritoryo tungo sa kabila ay hahantong sa pagkawasak sa sukat ng espasyo na itinakda ng Awtoridad (containment).
Ang sitwasyon na nilikha ng mga maralitang taga-lungsod sa inokupang bahagi ng Bicutan ay maaari nating sabihin na kumbinasyon ito ng mga halimbawang nabanggit sa itaas. Sa yugto ng domestikadong espasyo, mahalaga ang muling pag-angkin nito at gamitin ayon sa pangangailangan ng bawat indibidwal sa komunidad o nang komunidad mismo. Dahil dito, symepre inaasahan natin ang marahas na opensiba ng mga Arkitekto ng Urbanismo. Kaya nararapat lamang na pagtibayin din ang depensiba ng mga muling-inokupang espasyo.
Sa suma total, hindi na mahalagang pag-usapan pa kung babalikan natin ang sinaunang pamumuhay o hindi, bagamat nakaka-engganyo pa rin ang inspirasyon ng lumang Baranggay bilang modelo. Pero ang higit na pagtuunan ng pansin ay ang pagkamulat at pagkilos sa nakakasakal na kondisyon ng domestikasyon sa espasyo at ang dulot nitong pagkakawalay ng tao sa kapwa.
Reperensya
Frantz Fanon “Black Skin, White Mask” (1952)
New York: Grove, 1967. Reprint of Peau noire, masques blancs. Paris, 1952.
Renato Constantino “The Colonial Landscape”
(1975) The Philippines: A Past Revisited (volume 1). ISBN 971-895800-2
Internationale Situationniste #6 Journal (1961)
Paris, France
Wikipedia.org
http://en.wikipedia.org/wiki/Manila
Philippine Daily Inquirer
http://newsinfo.inq7.net/breakingnews/metroregions/view_article.php?article_id=18054