Title: Insureksyon sa Japan at ang Kontribusyon ng Dayuhan
Author: Jong Pairez
Language: Tagalog
Date: August 30, 2006

SA KASAYSAYAN ng panlipunang rebolusyon, hindi na bago ang mga partikular na sitwasyon sa usapin ng kontribusyon ng dayuhan (migrante o taga-labas) sa panlipunang transpormasyon ng partikular na bansa. Isang halimbawa dito ang karanasang Digmaang Sibil sa Espanya (1936); mula sa pinaghalong pwersa ng International Brigades (ibat-ibang nasyunalidad, etnisidad at kultura na boluntaryong sumapi sa gera laban sa Pasismo) at lokal na organisasyong masa ng Espanya ay radikal na nabago ang lipunang Espanyol. Dito natapos ang absolutong monarkiya, diktaduryang militar hanggang sa pagbubukas ng panibagong yugto ng nagsasariling rehiyon sa ilalim ng pederalistang kaayusan.

Kamakailan lamang sa Shinjuku, nagkaroon ng isang impormal na diskusyon ng iilang dayuhan at hapones hinggil sa partikular na usapin ng kontribusyon ng mga dayuhan sa radikal na panlipunang transpormasyon sa bansang Hapon. Ganito ang isinasaad ng imbitasyon:

“Can foreigners make a revolutionary contribution in Japan? Can they avoid the standard participation in unions and the left, and really struggle for a better world?”[1]

Pinangunahan ito ni Hex Park- isang dayuhang Amerikano na naninirahan sa Osaka at kontribyutor ng radikal na papel (DataCide)[2]. Isinalaysay ni Hex ang kalagayan ng Homeless Community sa Kamagasaki na kanya namang masigasig na ipinaliwanag ang nakuha niyang inspirasyon mula sa karanasan ng nabanggit na komunidad (squat community). Sa ipineresenta niyang Bidyo, pinakita rito ang radikal na pamumuhay ng mga Day Laborers na bumubuo sa bilang ng Homeless Community sa Japan.

Ang Kamagasaki ay isang Publikong Parke sa syudad ng Osaka (pangalawa sa pinakamalaking squat community sa Japan). Para mabuhay ng sustenable ang mga naninirahan dito, sila ay gumawa ng halamanang pangkomunidad (garden) at dito nila kinukuha ang pagkaing pangtawid-gutom bukod sa nakukuha nilang sahod sa kani-kanilang temporaryong trabaho (precarity).

May radikal na kasaysayan ang natatanging komunidad na ito sa lipunang Hapon, kung uugatin natin, may kinalaman rito ang proseso ng modernong transpormasyong ekonomikal ng bansa at ang paglahok ng Hapon sa ikalawang digmaang pandaidig. ‘Ika nga sa Marxistang pananaw, ang bawat yugto sa kasaysayan ng lipunan ng tunggalian ay nagbubunga panibagong mga uri na may panibago din na tunggalian ng interes.

Sa Kamagasaki, ang komunidad ay palagiang nakikipagtunggali sa Monarkiyal at Kapitalistang Estado. Kamakailan lang ay tinangkang buwagin ng awtoridad ang isang bahagi ng komunidad na walang takot namang dinipensahan ng mga naninirahan dito. Matapos ang demolisyon, mabilis namang inokupa ulit ito at saka tinaniman ng mga halamang gulay. Sa takot ng awtoridad na muling maulit ang Insureksyong 1990[3] ay halatang umatras sila.

ANG REBOLUSYON NI HEX

Ang bahagi na muling inokupa ay tinawag na Solidarity Garden, sapagkat hindi lamang mga taga-Kamagasaki ang siyang lumikha nito kundi binubuo na ngayon ito ng mga Dayuhan (sa salitang hapones ay Gaijin). Dito ngayon hinalaw ni Hex Park ang kaniyang sinasabing “revolutionary contribution in Japan”. Bagamat sa simula ng diskusyon ay nagkaroon muna ng broad leveling-off sa pag-intindi ng kahulugang Rebolusyon at Kontribusyong radikal ng isang dayuhan, ngunit sa kabilang banda ay nawawala ang ekspektasyon sa likod ng bawat isip ng mga kalahok hinggil sa naturang diskusyon. Nawawala ang diverse particularity na maaaring humantong sa sintesis na susi pagpapalawak ng usaping Radikal na Kontribusyon ng Dayuhan. Kaya naman sa punto-de-bista ni Hex, dahil ang ideya lamang nya ang naging pokus na usapin, lalabas na ang natatanging modelo ng kontribusyong radikal ng dayuhan sa Japan ay ang magtayo ng Solidarity Garden.

Wala naman akong tutol dito, bagkus dapat pa nga itong bigyan pansin at maging inspirasyon din ng pandaigdigang squat community partikular sa Third World. Dahil sa tingin ko ito ang isa sa pinaka-praktikal na paraan tungo sa reyalisasyon ng egalitarian at nagsasariling komunidad (autonomous communes).

Pero ang tanong, papaano ang mga iligal na migrante? Bilang ostracised na uri ng dayuhan na hindi rin naman nalalayo sa kalagayan ng mga Homeless, papaano sila aktibong makakalahok sa sinasabing Radikal na Kontribusyon sa lipunang Hapones? May halaga pa ba sila sa nabanggit na rebolusyon?

Kung si Hex Park ay may kalayaan na lantaran o di-lantarang makibahagi sa pagkilos sa Kamagasaki, iyon ay dahil ang uri ng kanyang pagkadayuhan ay may prebilihiyo na kinikilala naman ng awtoridad ng Japan. E, pano na halimbawa ang dayuhang Pakistani, Koreano, Intsik at Pilipino na karaniwan ay may negatibong istigmatismo sa mata ng Xenophobic na lipunang hapones?

Marami pang ibang mga katanungan ang hindi nabigyan ng pansin sa naturang diskusyon.

[1] http://irregularrhythmasylum.blogspot.com/2006/08/blog-post_24.html

[2] http://datacide.c8.com/

[3] http://irregularrhythmasylum.blogspot.com/2006/08/osaka-riot-in-1990.html#links