Spooky
Ang malabnaw na Kontra-Statismo ng mga Anarkistang Bulgar
Mahirap ibenta ang pakikibaka. Kadalasan, dala din naman ito ng mga panawagan para baguhin nag sistema, di lang sa pagmumungkahi ng “pagbabago” at simpleng pagboto. Mayroong iba—pero baka mas marami pa—na sinubukang palambutin yung talas ng pulitika nila. Kadalasan pinopomada nila sa wika ng good governance o iba pang makulang-kulang na talking points na pinapababaw ang punto para mas madaling maipaliwanag ito (hindi mas-maayos, mas-madali). Isa sa mga pinakakilalang gumagawa nito e si Noam Chomsky, kung saan tinutukoy nya ang “Anarkismo” bilang “paglaban sa mga herarkiyang di-patas.” Maraming nahikayat at nakumbinsi sa ganitong paliwanag; kasama na ako doon.
Kaya lang dahil nakakapit tayo sa ganitong moderate na kahulugan, ilan sa mga nakumbinsi niro ay gumawa ng sarili nilang sangay ng kaisipang libertaryo na tinatawag nilang “anarkismo”. Kaya lang, iba ang kanilang paningin sa maka-kalayaang hinaharap. Tulad ng pinausong term ni Kevin Carson na “libertaryong bulgar” (vulgar libertarians), nakikita kong dapat lang na tignan ang mga tulad nila na mga anarkistang bulgar; kinakatawan nila ang isang parte ng kaliwa na mas naka-pokus sa malabong pag-unawa sa “pagkakapantay-pantay” at sa kolektibong pagmamay-ari kaysa tanggaping buo ang implikasyon ng kalayaan at kawalan ng estado.
Ang pinakamalaking isyu dito ay ang pilit na pag-ugnay ng anarkismo at sa makitid na kahulugan ng “demokrasya”, kung saan merong kung ano mang bersyon ng pangkalahatang kasunduan gamit ng pag-boto o pakikipag-usap sa lahat ng miyembro ng kilusan o ng komunidad. Minsan ang iba sa kanila, gustong magtayo ng sistema kung saan may mga delegadong nangangatawan para sa komunidad na nananawad, bumoboto at nakikipag-sapalaran sa ibang mga pamayanan sa isang pulungang mala-”kamara de representantes”. Nakakagulat na karamihan sa mga bansag na anarkista ay hindi nakikita ang herarkiya at potensyal na apakan nito; na parang imposibleng mangyayari iyon dahil sa magiging “demokratiko” daw ang pamamalakad.
Nangunguna sa kanila ang puntong ito na ang “anarkismo” nila ay mas dapat na mas-ituring na minarkismo o wastong “komunismong sobyet” (council communism). Hindi naman sa minamasama ang ganoong konsepsyon, kaya lang, para sa kanila, binabago nila ang kahulugan ng estado sa kawalang-katuturan. Umaatras sila mula sa buong laban sa estado, na nililinaw nilang hindi sila galit sa “gobyerno” kung hindi sa “estado” lamang, na kadalasan ibig sabihin noon ay tutol lang sila sa mga pinakamasamang ginagawa ng mga bansa’t estado: ang kapulisan, militar, mga trapo, diktador, atbp.
Ang mga konseho ng manggagawa, sangguniang barangay, o iba pang gobyerno munisipal ang magiging batayan ng lipunan pagkatapos ng kapitalismo. Anila, hindi magkakapulis sa ganoong pamamalakad; dahil walang estadong namumuno, hindi magkakaroon ng “kapulisan” na alam natin. Sa halip may mga boluntaryong magtatanod sa mga bahayan kung saan puwede silang sibakin kung sumasalungat sila sa kagustuhan ng komunidad. Iba-iba ang detalye kung paano ito agana—minsan mayroong magsasalitan o merong wastong tanod na mangangatawan—pero laging “demokratiko” ang pamamaraan ng paglakad nito.
Magandang nilarawan ang “anarkismong” ito sa seryeng “How Would Anarchism Actually Work?” (Paano ba talaga gagana ang Anarkismo?) ni Emerican Johnson. Ngayong hindi ko sinasabing lahat ng mga anarkista (o anarko-komunista) ay sang-ayon sa kanyang bersyon ng anarkismo, karamihan ng mga konseptong pinag-uusapan sa seryeng ito ay magandang halimbawa ng mga pananaw ng mga karaniwang “anarkismong bulgar”.
Lahat ng tao sa lipunang anarkista ay may karapatan na makuha ng husto ang kanilang pangangailangan. Pagkain, damit, matitirahan, kuryente, tubig, internet, healthcare at iba pa. Kapalit nito, kailangan nilang magbigay ng sapat na ambag sa komunidad. Mahalagang alalahanin na magmumukha itong work-week na aabot mula 15-20 oras, kasama na ang mga direktang trabaho para sa pamayanan.
Tulad ng sabi ko, mas-komunista ang ganitong sistema kaysa lipunang walang-estado. Parang hindi naman kaakit-akit ang ideya ng work-weeks at “sapat na ambag”, kahit naabot ang ganitong patakaran sa paraang demokratiko. Ang demokrasya, para sa mga anarkistang bulgar, ay madaliang katwiran para sa kahit anong sitwasyon; kung bumoto ang madla sa panandaliang pag-organisa, may matatayuan ang ganitong pamamalakad. Masyadong kahawig nito ang mga kapitalistang libertaryo na kinakatwirang okey lang ibaon sa mahirap na kontrata ang mga empleyado nila dahil “boluntaryo” itong nangyari, pinalitan lang ang lohika ng merkadong kapitalista sa lohika ng demokrasya. Minsan, ginagamit itong dahilan para ipag-tanggol ang pagtayo ng “re-education centers” sa ilalim ng anarkiya, tulad na rin kay Johnson:
…ituturing na “magagaling” ang krimen sa anarkiya, dahil isa itong suliraning panlipunan na puwedeng maiwawasto gamit ng rebilitative na hakbang na batay sa kinalalgayan ng tao… Karamihan ng mga krimen ay masasagot gamit ng counseling, edukasyon, at iba pang pakikisama’t pangingialam ng komunidad para mahilom ang pamayanan at ang indibidwal. Kung ang nakakasamang ugali ng indibidwal ay buhat hindi ng problema sa kaniyang ginagalawan at dahil sa problema sa pag-iisip, maaari silang ilagay sa mga “espesyal na pagamutan” kung saan puwedeng matignan ang kanilang pangangailangan…
Kaya ko nilalarawan ang mga ito mula sa gawa ni Johnson para maipakita kung saan puwedeng maputa ang makitid na pagtingin sa demokrasya o sa mga ugnayang ekonomiko-sosyal. Sikat ang mga kaugaliang anarko-bulgar na ito sa karamihan ng mga espasyong radikal at anti-kapitalista, sa baka ito din ang dahilan kung bakit ito ang nangungunang pangkat ng libertaryong sosyalismo. Kasama na rin ang mga taktika nina Chomsky at Johnson para may maakit na madlang liberal kung bakit ganito. Habang gumana bilang PR strategy ang pagsamo ng demokrasya at kritisismo ng kapitalismo sa gawa nila; dahil sa kawalang-pokus nila sa pagkontra sa estado, malayang pagsasarili, at buong pagtutol sa lahat ng herarkiya, nagkakaroon ng pagkalito-lito kung ano ba talaga ang gusto ng mga anarkista.
Ang mga ganitong pag-awat ng kontra-statismo sa pulitika ay kadalasang mga sagot sa mga liberal na pilit na nagtatanong kung paano gagana ang imprastuktura at lipunan sa labas ng kapitalismo. Kaya lang, karamihan ng mga sumasagot ay natutuon sa pagdisenyo ng mga plano ng kanilang ideyal na utopia sa halip na talagang tignan ang mga posibilidad sa kawalan ng estado. Ang pinakalakas ng lipunang walang estado ay ang pagkadesentralisado nito. Dahil sa kawalan ng estado para magpataw ng iisang sistema ng pamumuno, malayang pag-eksperimento ng iba’t-ibang pamamalakad na ekonomiko-politikal at sa pagtingin kung alin ang gagana. Hindi minamalay ng mga anarkistang bulgar ang potensyal ng ganoong posibilidad para magpakita ng iisang template na makakatulong sa lahat kuno, kahit imposibleng matupad ang ganoong pangako.
Hindi natin kailangang babawan ang prinsipyo natin para lang may moderatong politiko na sasang-ayon sa atin.