Emma Goldman
Ang Kahalagahan ng Modernong Paaralan
The Social Importance of the Modern School
Para maunawaan ang kahalagahan ng Modernong Paaralan sa lipunan, una ay kailangan muna natin maintindihan kung paano gumagana ang paaralan, at pangalawa, ang mga ideya na nakapaloob sa kilusang modernong edukasyon.
Ano naman ngayon ang paaralan, mapapubliko, mapapribado, o mapaparokyal?
Para sa bata, ang paaralan ay bilangguan ng mga preso, kwartel ng mga sundalo – isang lugar kung saan lahat ay ginagamit upang sirain ang kanyang kalooban, at pagkatapos ay ipupukpok sa ulo at huhulmahin siya bilang isang nilalang na parang dayuhan sa kanyang sariling kamalayan.
Hindi ko sinasabi na ang prosesong ito ay sinasadya, ito ay kundi parte lamang ng isang sistema na kayang panatilihin gamit ang purong disiplina at unipormidad, kaya, sa tingin ko, ito ang pinakamalaking krimen ng kasalukuyang panahon.
Kadalasan, ang pamamaraan na sirain ang kalooban ng isang bata ay nagsisimula sa murang edad, dahil sa mga panahong ito pinakamadaling mabaluktot ang utak ng tao; tulad ng mga akrobat at kontorsyonista. Para makamit ang kanilang kakayahan ay sinasanay nila ang kanilang muscles, nagsisimula silang magpraktis at mag-exercise kung kailan ang mga muscles na ito ay madaling mamaluktot.
Ang mensahe na ang kaalaman ay makukuha lamang sa paaralan gamit ang sistematikong pagtatalakay… na ang pag-aaral ay ginagawa tuwing nagkaklase lamang… ay isang malaking kalokohan na nararapat lamang isumpa nang tuluyan sa sistema ng edukasyon dahil sa walang kwenta nitong pagdidikta.
Kung mayroon man mag-suggest na ang pinaka-epektibong pamamaraan ng pagtuturo para sa isang tao at sa lipunan ay gamit ang sapilitang pagpapalamon ng kaalaman… hindi ba ang pinakabobo sa klase ang una dapat magrebelde sa kahangalang pamamaraan na ito? Kung tutuusin, masmadali pang mag-adapt ang tiyan sa kahit anumang ipalamon dito higit pa sa utak. Ang sinasabi ko, tingin ng karamihan ay normal na sa atin ang sapilitang pagpapalamon ng kaalaman.
Oo, tinuring natin ang mga sarili natin na masnakatataas sa ibang bansa, dahil nag-evolve na ang mga utak natin para magkaroon ng tubo kung saan, sa araw-araw at sa taon-taong pag-papaaral, ay kaya na nating i-puwersa ang sandamakmak na nutrisyon sa kaisipan ng isang paslit.
Sabi ni Emerson sisenta’y taon nang nakalilipas, “Tayong estudyante ng wika, tayo ay pinatahimik sa paaralan at kolehiyo ng sampu hanggang kinse taon (10-15 years) at gagraduate na parang bagahe na napupuno ng hangin, na inaalala lamang ang mga salita, at walang kaalam-alam na kahit ano”.
At dahil naisulat itong matatalino niyang mga kataga, natunghayan ng Amerika ang pinakamakapangyarihang sistema ng edukasyon… ngunit nakaharap sa ating mga pagmumukha ang katotohanan na palpak ang ating edukasyon.
Ang pinaka mapaminsalang ginawa ng sistema ng edukasyon ay hindi lamang dahil nagtuturo ito ng walang katuturan, kundi tinutulungan nitong ipagpatuloy ang pribilehiyo ng mas nakakaangat, at dito hinahayaan silang matuto sa pamamalakad ng krimen, sa pagnanakaw at pananamantala sa kanyang kapwa; ang sakit ng sistema ay dulot ng pagmamayabang na nakatindig daw ito para sa “totoong edukasyon”, kaya maraming madaling maging alipin sa sistemang ito, masmahusay pa nga kaysa sa isang ganap na diktador.
Halos lahat ng nasa Amerika, mapa-liberal at radikal, ay naniniwala na ang Modernong Paaralan ng mga Europeyong bansa ay isang magandang ideya, pero ito ay hindi raw natin kailangan. “Tingnan niyo tong mga oportunidad namin”, sabi pa nga nila.
Pero kung tutuusin, ang modernong pamamaraan ng edukasyon ay kailangan sa Amerika, higit pa nga sa mga Europeong bansa, dahil tayo lang ang walang pakielam sa kalayaan at orihinal na pag-isip. Unipormidad at panggagaya na ang naging ating kataga. Mula pagsilang hanggang kamatayan, itong kataga ay ipinilit natin sa mga bata upang maging tanging daan sa tagumpay. Walang guro sa Amerika ang mananatili sa kanyang posisyon kung kahit katiting ay subukan niyang lumabag sa pamantayan ng unipormidad at panggagaya.
Sa New York, isang high school teacher na nagngangalang Henrietta Rodman, sa klase niyang panitikan (Ingles), ay inexplain niya ang papel ni George Eliot sa buhay ni Lewes (na tinuring na malaswa). Isa siyang (Si Lewes) babaitang pinalaki sa katolikong tahanan, na resulta ng labis na disiplina at unipormidad, inihalintulad niya ang pagmamahal na iyon sa nanay niya, at ikinwento sa klase. Nakarating ito sa isang pari at isinumbong sa Board of Education (Deped kung ihahalintulad sa Pilipinas). Tandaan na sa Amerika, ang Gobyerno at Simbahan ay magkahiwalay na institusyon, pero ipinatawag si Rodman upang ipaliwanag na kung papayagan pa niya ang sarili na magkaroon ng anumang kalayaan sa pagtuturo ay tatanggalin siya.
Sa Newark, New Jersey, si Sir Stewart, isang mabisang titser ng highschool, ay dumalo sa Ferrer Memorial meeting (at sinuggest na magkaroon ng sistema ng edukasyon na batay sa kinabukasan ng mga bata imbes na sa doktrina ng mga simbahan), kaya nainsulto ang mga Katoliko at nagprotesta sa Board of Education. Nilitis siya sa korte at pinuwersang humingi ng tawad para lang manatili siya sa kanyang posisyon. Sa katunayan, ang bulwagan ng karunungan, mula pampublikong paaralan hanggang sa unibersidad, ay pawang mga straightjacket (jacket na sinusuot ng pasyente sa mental) na suot ng mga guro at mga mag-aaral, na nagsisilbing balot sa kaisipan at siguradong lilikha ng mapurol, walang kulay, at tamad na masa, na parang grupo ng mga tupa na nagsusunud-sunuran lamang sa daloy sa makitid na daanan na nakapagitna sa dalawang mataas na pader.
Sa tingin ko, ito ang pinakatamang oras, na ang lahat ng progresibo ay maging malinaw sa puntong ito, na ang kasalukuyang sistema ng ekonomiya at ang mga umaasa sa pulitika ay napapanatili hindi lamang sa mga pondo at mga batas, kundi pati sa katamarang taglay ng sangkatauhan na binarena at ipinukpok sa utak ang lubos na unipormidad, kaya ang paaralan ang kumakatawan bilang pinakamabisang kasangkapan para makamit ang ating ninanais. Sa tingin ko, hindi naman ako OA, at hindi rin ako nag-iisa. Babanggitin ko ang isang artikulo sa Mother Earth sa taong 1910 ng Setyembre, isinulat ni Dr. Hailman, isang napakatalinong guro na may 25 taon na karanasan, at ito ang kaniyang sinabi:
“Pumalpak ang mga paaralan natin dahil ito ay nakasalalay sa pagpwersa at pagpupumigil. Ang mga bata ay inuutusan kung ano, kailan, at kung paano gawin ang mga bagay-bagay. Ang pagkukusa at originality, pagpapahayag ng sarili, at pagkakakilanlan sa sarili ay itinuring na hindi kanais-nais. Ang pagsamba o pag-iidolo na maging uniporme, ay ipinapagpatuloy nang lantaran at tahimik. At upang makasiguro na walang makikielam sa nakasanayan, ay dinidiktahan ng paaralan ang bawat hakbang, at bawat kalakaran, na kung saan ang nakagagambalang pagkukusa o maging ang originalilty ay hindi makalulusot sa mga pamamaraan ng isang guro. Masyado na tayong maraming naririnig na utos, mga paraan, mga sistema, mga disiplina… sa matagal na nating pakikipagtunggali kay kamatayan, ay nakatuon lamang pala ito sa panunupil at hindi sa pagpapalaya ng nabubuhay.
Sa kalagayan natin ngayon, ang titser ay pawang kasangkapan lamang, mga robot na pinapanatili ang mga makinang magiging ultimo robot din. Nagpupumilit na ibahagi ang kanilang kaalaman sa estudyante, binabalewala nila ang likas na paghangad ng bata sa praktikalidad at kagandahan, hinahatak at hinihimok sila tungo sa mapait na ngalan ng makatwirang landas, hanggang sa maubos ang kaluluwa. Pinapalitan nila ang likas na asal na walang kinatatakutang paghihirap, hanggang sa umikli ito na walang kahirap-hirap gamit ang mga perang pabuya para sa pagsusunod-sunuran at mga panunuhol, na kadalasang hinahaluan ng takot, kasakiman, o pakikipagkumpitensya. Dinadakip nila ang pag-usbong ng kaligayahan sa trabaho para sa kapakanan ng trabaho mismo, kinakalaban ang mga makabuluhang gawain, pinipiga ang masigasig na malikhaing pagkukusa, at ang taimtim na paglilingkod-bayan hanggang sa mapalitan ito ng pagsunod sa pansariling motibo, pagkabagot, at mapusok na damdamin.”
Hindi man mapansin, ang bata ay bumabansot… ang kaisipan ay napupurol, at ang kaniyang pagkatao ay binabaluktot…kaya siya ay hindi maaaring isama sa pagsusumikap ng lipunan na kung saan dapat sana ay mapabilang sa sanhi ng ating kalayaan. Totoo na, walang ibang pinaka-aayawan ang buong mundo ngayon kundi ang kalayaan sa kahit saanmang kilusan.
Ang Modernong Paaralan ay tinatanggihan ang lubos na kalokohang ito, itong mapaminsala at tunay na krimen sa sistema ng edukasyon. Pinapaigting namin ang ideya na hindi nagkakasundo ang edukasyon at ang pagpupumilit matuto, maski ang pang-aalipin at kalayaan, na ang dalawa ay pawang magkasinglayo tulad ng North Pole at South Pole. Ang pinagbabatayan ng prinsipyo ng Modernong Paaralan ay ito: ang edukasyon ay isang proseso na hinuhugot palabas, at hindi ipinadadala sa loob, ito ay may layunin na pabayaan ang bata na magkusang-loob na umunlad, pinamamahalaan ang kaniyang sariling pagsisikap, at pinipili ang sangay ng kaalaman kung saan mang gustuhin niyang aralin. Nang sa gayon, ang guro, imbes na sumasalungat o nagdidikta ng kanyang mga opinyon, wikain, o paniniwala, ay nagsisilbing gabay na tumutugon sa pangangailangan ng bata, at sa anumang oras ay naipapamalas; isang daluyan kung saan makakakuha ang bata ng maayos na kaalaman sa mundo, upang ipakita niya ang kahandaan niyang tumanggap at makibahagi. Ang Science sa Modernong Paaralan ay maaaring idemonstrate bilang katotohanan at iprepresenta bilang totoo, na walang halong interpretasyon ng teorya – sa panlipunan, pulitika, o relihiyon – na walang halong kaparusahan, pagpapataasan ng talino, o kahadlangan sa karapatan niyang pumuna o hindi maniwala.
Ang Modernong Paaralan, ay nararapat lamang na maging malaya. Ang bawat mag-aaral ay nararapat lamang na hayaang mapag-isa upang maging tapat sa kaniyang sarili. Ang pangunahing layunin ng paaralan ay ang nagkakaisang pag-unlad sa lahat ng kagawaran na nakatago sa bata. Wala dapat pagpupupmilit sa modernong paaralan, o kahit anong batas o alituntunin. Ang titser ay maaaring pumukaw, mula sa kaniyang pagkasabik at marangal niyang katangian, ng mga naitatagong pagkasabik at karangalan ng kaniyang mga mag-aaral, ngunit mapapasobra siya sa kaniyang tungkulin sa oras na subukan niyang ipagpilitan ito sa bata sa kahit anong paraan. Ang pagdisiplina sa bata ay hindi maipagkakaila na nagtatatag lamang ng pekeng pamantayan ng asal, sapagkat inihahadya nito ang bata sa paghihinala na mayroong pahintulot ang kaniyang mga ginagawa hanggat walang nagpaparusa sa kaniya na masnakatataas (awtoridad) imbes na natural na sa kaniyang kibo ang mga hindi maiiwasang epekto ng kaniyang mga gawain.
Ang kahalagahan ng lipunan ng Modernong Paaralan ay ang paghubog ng isang tao sa pamamagitan ng karunungan at ng malayang pakikipag-ugnayan ng taglay niyang katangian, nang sa gayon ay mahubog siya bilang parte ng lipunan, dahil kilala na niya ang kaniyang sarili, ang kaniyang relasyon sa kapwa niya, at maintindihan niya na parte siya ng lipunang kinagagalawan niya.
Kadalasan, ang Modernong Paaralan ay hindi naman nangangahulugan na ipatatapon nalang lahat ng natutunan na pagkakamali ng mga guro sa nakaraan. Ngunit kahit na ito ay natututo mula sa karanasan, ay nararapat lamang na gumamit ng mga pamamaraan at materyales na nagnanais hubugin pa ang pagkakakilanlan ng bata. Para mapicture-out natin ang nangyayari sa school: hindi madalas pinapayagan ang manghusga o malayang magkusa ang bata. Ang Modernong Paaralan ay naglalayong ituro ang pagbubuo gamit ang mga orihinal na tema sa paksa na pinili ng mga mag-aaral mula sa karanasan nila sa kani-kanilang buhay, mga kwento, at plano mula sa imahinasyon o mismong karanasan ng mga mag-aaral.
Ang bagong pamamaraan na ito ay agad na binubuksan ang mga panibagong tanawin ng oportunidad. Ang mga bata ay madaling maimpluwensiyahan, mataas ang lipad; kahit na hindi pa naipapako sa unipormidad ay mayroon na siyang originality at kagandahan na hihigit pa sa kaniyang mga guro; makatwiran din na isipin na ang bata ay interesado lamang sa mga makabuluhang bagay o may kinalaman sa kaniyang buhay. Kaya, hindi ba ang pagkahubog base sa karanasan at imahinasyon ng mag-aaral ang nagpipintura ng mga malalaking bagay tungo sa pag-unlad na makukuha natin sa oras-oras nating ginugugol kaysa sa ngayon na, walang ibang ginagawa kundi ang pangongopya?
Lahat ng mga nakakausap ko, sa kasalukuyang pagpapatakbo ng edukasyon, na ang pagtuturo ng kasaysayan sa bata ay nagtuturo ng, kung tawagin ni Carlyle ay, “Tambakan ng Kasinungalingan” (Compilation of Lies). Isang hari dito, isang presidente doon, at ilang mga bayani na dapat sambahin pagkatapos mamatay. Ito ang mga bumubuo sa kung tawagin natin ngayon ay kasaysayan. Ang modernong paaralan, na nagtuturo ng kasaysayan, ay kailangan ipakita sa bata ang buong kwento ng mala telenobelang drama ng mga panahon at pangyayari, na naglalarawan sa mga pinakamahalagang kilusan at kapanahunan ng pagunlad ng sangkatauhan. Samakatuwid, kailangan maiparamdam ang sayang naramdaman ng mga naghirap na nakaraang henerasyon para sa ating pag-unlad at pati na rin sa ating kalayaan, nang sa gayon, magkaroon ng respeto sa katotohanan ng iba’t ibang tao na naglalayong palayain ang buong sangkatauhan. Ang Modernong Paaralan ay ginagawang imposible ang tagapag-utos: dahil ang nag-uutos ay nabulag sa kaniyang karangalan sa buong buhay ng kaniyang pagsisilbi; ang makikitid na utak na sumasamba sa unipormidad, mga bitter na konserbatibo at umiiyak na “padamihin ang bokabularyo at math at kontian ang drama sa buhay”, mga nakuntentong apostol ng kunswelo-de-bobo na sa kanyang pagsamba ay hindi marunong magkumpara kung ano ang pinagkaiba ng nangyayari sa kung ano ang dapat ang mangyari, at mga tatanga-tangang matatanda na nabubulok na sa edad na nakikipaggyera sa mga sariwa’t masisiglang mga buto na sumisibol mula sa lupa (mga bata); lahat ng ito ay pinapalitan ng Modernong Paaralan sa pamamagitan ng pagtalakay sa buhay, na siyang tagapagturo ng edukasyon.
May panibagong sikat ng araw na matutunghayan kapag ang paaralan ay magsisilbi sa iba’t ibang parte ng ating buhay, at mai-aangat nang dahan-dahan ang mga buhay ng mga bata tungo sa kinalalagyan niya sa buhay, para sa mabisa at kapaki-pakinabang na lipunan, na ang kataga ay hindi ang pagkakapare-pareho, o ang striktong pagdidisiplina kundi ang pagpapalawak ng kalayaan, kabutihang asal, at kaligayahan para sa lahat.
—Karugtong ng talakayan—
Edukasyon sa Pagtatalik
Ang isang sistema ng edukasyon na ayaw makita ang pagbibinata/pagdadalaga at ang sumisibol na kalayaan ng pag-iisip at lumulusog na katawan ay siguradong hindi aaminin na ayaw nilang kilalanin ang iba’t ibang yugto ng pagbabago sa bata. Ang mga bata at mga bagets ay may mga munting pangarap, mga hindi mawaring pagaagam-agam sa kanilang pagnanasa (o kung tawagin natin ay libog). Itong mga pakiramdam na ito ay unti-unting bumubuka nang mabagal tulad ng talulot ng mga bulaklak, hanggang makarating sa pagmature niya na siyang palalakasin ang pakiramdam at pinapalawig ang mga nararamdaman. Mga bagong tanawin, pagpapantasya, at makukulay na pakikipagsapalaran ang siyang susunod sa mabilis na proseso bago mamulat ang bata sa pakikipagtalik. Ito ay napagkasunduan ng mga mag-aaral sa sikolohiyang sekswal na ang nagbibinata at nagdadalaga ang pinakamadaling matukso sa mga magagara at matatalinhagang pakiramdam. Ang kinang ng kabataan – sa saglit na panahon – ay hindi maiiwasan ang tadhana na mamulat sila sa erotiko. Ito ang mga panahon na ang mga kaisipan, pagnanasa, layunin, at motibo, ay nagsisimulang maengganyo sa suso, na ang kapangitan nito ay siyang natatakpan ng napakagarbong kasuotan (tulad ng bra), dahil sa edad na ito minamarkahan ang pagbabago mula bata hanggang binata/dalaga na siyang tunay na bukod tanging matalinhaga at mahiwagang yugto sa buong buhay ng ating pagkatao.
Ang mga konserbatibo ay walang nagawa sa mga depekto at paninirang puri noong sila ay kumikilos. Hindi nga malaman ng bata ang kaniyang mga katangian, paano pa kaya ang hangganan ng kaniyang libog? Ang mga konserbatibo ay nagpapatayo ng malaking bakod sa katotohanang ito; ni-isang sinag ng araw ay hindi makalalampas sa kanilang pagsasabwatan para sa katahimikan. Ang sobrang pagkukubli sa bata ng kahit anumang impormasyon na may kinalaman sa sex, at sa pagtataguyod ng kamangmangan ng mga tao ukol dito ay pawang obligasyon na ng mga guro. Ang sekswal na taglay ng isang tao ay tinatrato na parang bang hudyat sa mangyayaring krimen, pero alam nila mismo sa kanilang karanasan na ang pakikipagtalik ang unang dahilan nito. Gayunpaman, patuloy nilang inaalis ang lahat ng makapagbibigay sa kanila ng kaginhawaan sa nangangambang utak at kaluluwa ng bata, na dapat kung tutuusin ay magpapalaya sa takot at pag-aalala nila.
Itong mga guro din na ito mismo ang nakakaalam na ang mga kalapastanganan ay dahil sa kamangmangan sa pakikipagtalik. Ngunit wala rin naman silang pagkakaintindi o konsensya man lang upang sirain ang malaking bakod na ipinatayo ng mga konserbatibo ukol sa pakikipagtalik. Parang mga magulang na minaltrato noong bata pa, na ngayo’y naghihiganti para sa kawalan ng hustisya noong bata-bata pa sila. Noong bata pa ang mga guro at mga magulang ay idinindin na sa kanilang tenga na ang pakikipagtalik ay para sa mababang-uri, madumi at kasuklam-suklam. Kaya, ito na rin ang ipinagdidiinan nila sa kanilang mga anak ngayon.
Mahalagang malaman natin na ang tao ay (1) nilalang upang makipagtalik at (2) hindi nilalang upang gumawa ng mabuti. Yung nauna (1) ay likas sa tao, at ang ikalawa (2) ay binuo para sa lipunan. Sa tuwing hindi nagkakasundo ang mayamot na moralidad at ang kalibugan, ang kalilbugan madalas ang laging nananaig. Pero paano? Sa pamamagitan ng paglililhim, sa pagsisinungaling, at pandaraya, sa takot at sa nerbiyos. Sapagkat, hindi sa kalibugan nagmumula ito, kundi sa utak at puso ng mga Pariseo; dinudumihan nila pati ang mga inosente, maseselan na paglalantad sa buhay ng mga bata. Naoobserbahan ninyo na nagkukumpulan yung mga bata, nagbubulungan, at nagkwekwentuhan tungkol sa alamat ng birdie. May napagchichismisan, at alam nila na ito ay masamang bagay, na pinagbawalan at paparusahan kapag napagusapan sa publiko, at tuwing mamataan nila ang matatanda ay agad kakaripas ng takbo na parang mga kriminal na nahuli sa akto. Paano nalang kaya kung mapahiya sila dahil sa kanilang pag-uusap, at paano nalang kung maihalintulad sila sa mga masasamang damo?
Itong mga bata na ito ay naitataboy tungo sa kawalan, dahil ang matalinong pag-uusap tungkol sa sex sa pagitan ng bata at matanda o guro ay inakala na nilang imposible at immoral. Itong mga paslit naman ngayon ay naghahanap ng kaliwanagan sa ibang lugar, at kahit na may konti na silang kaalaman sa science ay medyo may konting katotohanan lamang. Baka nga masmabuti pa nga na malaman nila sa mga tambay, mga kaibigan na nagmumurahan, nagkukuwentuhan ng kanilang natural na pagkahilig sa kantutan, kaysa sa mga matatandang “may disiplina daw kuno” na itinuring nang bisyo o krimen ang kalibugan ng kanilang mga anak.
Sa kanilang pag-aaral, ang mga bata ay madalas malalaman nilang pinagpipiyestahan sa bawat sulok ng lipunan ang pagmamahalan. Nalalaman nila na ang pagmamahalan ay ang ugat ng relihiyon, ng tungkulin, birtud, at kung anu-ano pang magagandang bagay. Sa kabilang banda, ang pagmamahalan ay pinapamukha nilang kadiri at sobra-sobra dahil sa elemento ng sex. Kung gayon, ang pagtuturo sa kanila nang buong katapatan at simpleng prangkahan ay lubos na makatutulong para mawala ang kalituhan. Kung bata palang ay tinuturuan na sila ng maayos at magandang pagsasamahan, mapapawalang-bisa nito ang sobrang kalaswaan, at makakatulong sa babae na makamit ang mga karapatan niya higit pa sa mga batas na naipasa para sa kanya.
Kadalasan ang mga konserbatibo ay nakakapit pa rin sa ideya na ang lalaki at babae ay dalawang magkaibang klase ng tao, na may kanya-kanyang tinatahak na direksyon, kaya, dapat daw sila maghiwalay. Ang pagmamahalan, na siyang dapat magsilbi bilang rurok ng pagkakaisa, ay ngayo’y pinaghihiwalay ang dalawa at nagreresulta ito sa pagpi-penitensya ng bata dahil sa kaniyang pagkasabik at hayok na hayok na damdamin para lang sa malaswang yakap. Itong klase ng kaligayahan ay nag-iiwan sa kanila ng mapait na karanasan, at pinapalaganap ang “masamang hangarin”.
Itong nagsusulong ng konserbatismo para sa kasalukuyang edukasyon, ay nagtatagumpay upang paikliin, pahirapan, at isumpa ang buhay – at ano pa nga bang mga katangian ang nagpaparaya sa kalapastanganang ito? Samakatuwid, ang panukala ng tao ay puksain ang lahat ng mga nakikibahagi dito sa sistemang tinatawag nating edukasyon. Ang pinakamagandang edukasyon para sa bata ay hayaan siyang mag-sarili, at dalhin ang kaniyang nalalaman sa pamamagitan ng pang-unawa at pagdadamayan.
—Wakas—
Tugon ko Bilang Tagasalin
Isinulat ito ni Emma Goldman sa konteksto ng paaralan ng mga Amerikano. At ang mga isinalin ko ay hindi eksakto, sapagkat kapag ginawa kong eksakto ay mawawalan ng saysay ang karamihan ng mga salita, at baka hindi madaling makakarelate ang mga nagbabasa. Atleast, mayroon na kayong ideya kahit hindi niyo naintindihan lahat hetong mga sinasabi ni Emma Goldman na kilala bilang isa sa pinaka radikal na anarkista noong kapanahunan niya.
Bagamat hindi man tayo nasa Amerika, huwag natin kalilimutan na malaki ang naging impluwensiya ng Amerika sa atin, mula sa pulitika, hanggang sa ultimo kaugalian na natin ay hindi natin mawari kung alin ang kanilang masamang kultura at kung alin ang dapat natin matutunan mula sa kanila. Kung babalikan natin ang naging takbo ng ating bansa, ang department of education ang huling departamento na ibinigay sa atin ng Amerikano. Ibig sabihin lamang nito na malawak ang saklaw ng kontribusyon ng Amerika sa kung ano tayo ngayon bilang isang bansa.
Ang mga tao ay nababansot sa tinatawag nating “matabang na kalayaan” o “bland autonomy”. Ibig sabihin ay itinatak na sa ating utak na malaya tayo, ngunit dahil sa sobrang daming kontradiksyon sa lipunan ay nawawalan ng lasa o saysay ang ating kalayaan. Ang kalayaan, upang maintindihan natin ito, ay nararapat magkaroon ng karanasan sa totoong mundo. Kaya madalas ang mga bata na magpakasasa sa pornograpiya, ilegal na droga, at paninigarilyo dahil sa kakulangan nila ng kalayaan sa mundo. Simula’t bata pa ay marami na akong naririnig na pang-aabuso sa mga bata at tila pawang mga alipin na walang saysay sa buhay kundi sumunod sa utos ng magulang. Sabi nila ay para ito sa kaligtasan at kapakanan nila. Lahat naman siguro ng mababait na magulang ay ginagawa ito para sa kanilang anak. Ngunit paano sila matututo ng pagkukusa, pagtatanggol sa sarili, o kahit mga simpleng bagay tulad ng paglalakad kung ikaw lagi ang nagkokontrol ng mga desisyon nila sa buhay?
Kung talagang bihasa ka sa pakikipagkapwa ay malalaman mo ang mga inilihim nilang paghihinagpis sa lipunan. Maaaring sila ay walang pera, maaaring ang mga magulang nila ay inaabuso sila, maaaring sila ay biktima ng pangbubully sa paaralan, walang makain, walang pambaon o pera pamasahe, o kahit ang simpleng walang makausap ay problema na din nila. Nakasanayan na ng mga naghihinagpis ang ganitong klaseng pamumuhay, ang mabuhay sa alinlangan at takot. Ang lipunan ba ay handang tumugon sa mga problemang ito? Dahil kung hindi, masnararapat na magdrop out nalang ang mga estudyante kung talino lamang ang habol ng lipunan.
Maganda mapakinggan ang salitang kapayapaan. Hindi ako nagkakamali na nakaranas na ang karamihan sa atin na pagsulatin o maisulat ang pangalan ng Noisy sa harap ng blackboard. Gusto nilang ipukpok sa kukote ng bata na huwag lumaban at hamunin ang kina-uukulan at tumahimik na lamang. Ano nga ba ang karapatan ng mga bata na pagsalitaan ang mga masmaraming karanasan sa mundo? Simple lang, ang mga bata ay my kaniya-kaniya ding karanasan at damdamin. Ang pagkubli ng kaniyang damdamin sa lipunan ay hudyat ng kawalan nila ng tiwala sa atin. Dahil natuto sila na ang kanilang buong pagkatao ay kamalasan para sa iba, ay nawawalan sila ng pag-asa na mabigyan ng pagkakataong mapatunayan na sila’y mayroong halaga din sa lipunan. Tanggalan mo ng karapatang magsalita ang tao ay balang araw ang boses ng tao ay magiging pawang dekorasyon na lamang at walang kabuhay-buhay.
Ang mga patakaran sa paaralan ang siyang nagbibigay daan upang itakwil natin ang sarili nating kultura. Ang mga katutubong walang saplot pang-itaas ay madalas husgahan ng lipunan billang ganid. May batas na siyang pumipigil sa mga Igorot na pumunta sa mga salu-salo dahil sa kanilang sagradong pananamit na itinuturing ng iba na malaswa Ang mga kulot ay tinatawag na salot. Ang maiitim at kayumangging balat ay itinuturing na pangit. Ito ang ilan sa mga madalas na pangungutya ng mga tao, at minsan pa nga’y ginagamit ang katawagang Aeta at Badjao bilang insulto. Kaya naman madali ang ilan sa ating mga katutubo na maging biktima ng iba’t ibang sindikato. Ang mga bakla ay itinuring na makasalanan, ngunit kita naman natin na ang kabaklaan ay isang uri lamang ng baryasyon ng tao, tulad ng mga hayop at halaman na may angking sariling kasarian at pagkakakilanlan. Ang mga Muslim ay madalas binabansagang terorista dahil sa iilang mga panatiko. Malala pa na ginagawa nating normal ang mga ganitong klaseng karahasan sa lipunan.
Hindi ko rin naman masisisi ang karamihan sa mga guro kung hindi nila kayang lampasan ang tungkulin ng isang guro, sapagkat sila ay isa ring biktima ng kanilang kinauukulan. Kung tutuusin nga, sa lumang paaralan ko ay madalas manghimasok ang mga guro at masasabi kong marangal ito na gawain sapagkat sinusubukan alamin ng guro ang mga problema sa bahay ng bata. Ang ibig kong sabihin ay handa dapat ang guro na kalabanin ang bata hindi sa pamamagitan ng pisikal na pananakit o pagtatanong ng teknikal na kaalaman sa kaniya, kundi sa pamamagitan ng personal o pulitikal na debate.
Ang debate ang siyang mismong kahinaan ng mga bata. Dahil natutunan niyang hindi sumagot sa kaniyang magulang o maskinauukulan ay natututo siyang makuntento sa pagdurusa niya, sa kaniyang kapwa, o sa kaniyang kapaligiran. Maaaring maging matatag siya sa mga ganitong klaseng sitwasyon, ngunit, sa kawalan niya ng kamalayan sa pagdedebate ay natututo siyang gayahin ang mga masasakit na salitang binitawan sa kanila. Ano naman ngayon kung hindi marunong makipagdebate ang mga bata? Ibig sabihin lamang nito na ang mga bata ay handang maging alipin sa sinuman lalong-lalo na sa mga abusadong pinuno ng ating lipunan.
Isa ring mahalagang gawain na hindi itinuro sa paaralan ay ang pagsasaayos ng lipunan. Ang organisasyon at mga institusyon ay hindi binuo sa pamamagitan ng mahika at milagro. Ito ay binubuo ng pakikisalamuha ng tao sa isa’t isa. Ang klase ng organisasyon ng lipunan ay malalaman natin sa uri ng organisasyon sa pamilya, komunidad, o mga barkada niya. Talagang isinapuso natin ang pamilya bilang sentro ng lipunan, ngunit alam natin na ang pamilya din mismo ang sumisira sa asal ng tao. Masmaganda na ang bata ay nabibigyan ng kamalayan na pumili sa uri ng komunidad na kaninyang kinabibilangan kaysa sa sapilitang pagtanggap ng pamilya bilang sagradong institusyon ng ating lipupnan. Ngunit, maganda rin naman na ang pamilya ang sumisimbolo sa muling pagpapanganak ng magandang kinabukasan, hindi nga lang praktikal na umasa lang sa pamilya, paano kung namatay sila? Imbes na inaalagaan ang mga ampon ng buong baryo ay pinaghihintay sila sa panibagong pamilyang maaaring hindi na dumating.
Ang uri ng ekonomiya na meron tayo ay nakabase sa uri ng edukasyon na mayroon tayo. Kung ang ekonomiya pala ay nakasentro sa pagpapalago ng kayamanan ay hahantong ito sa kahirapan. Paano? Alam natin na ang kayamanan ay limitado sa mundo. Kaya naman ang mga hayok na hayok sa pagpapayaman ay susubukan nitong mandaya ng iba upang ang sarili nila ang umangat. Kung tutuusin, bakit magtiyatiyaga ang mga tao na magtrabaho sa sariling bansa kung pwede naman palang sa ibang bansa sila magtrabaho at doon yumaman? Kung totoo na sila ay nag-aabroad upang makakuha ng masmataas na salapi at ipadala sa kanilang pamilya dito upang umangat, kahit na parehas lamang ang gagawin ng nasa Pilipinas at nasa ibang bansa, ay ibig sabihin ang buong Pilipinas ay alipin sa ibang bansa.
Ang pagkukubli ng unibersidad o gobyerno ng mahahalagng impormasyon sa publiko ay hindi mapagkakatiwalaan. Kung ganito ang klase ng patakaran ng bawat institusyon ay nararapat lamang na tanggalin na lamang sila sa lipunan. Bakit pa mag-aaksaya ang tao ng 4 hanggang 6 na taon sa highschool kung puwede naman palang piliin nalang ng bata ang mga kailangan lamang niya sa pagtatrabaho? At hindi ba ito lamang ang silbi ng kasalukuyang edukasyon, upang kumita lamang ng pera at magpayaman?
Kitang kita sa ating pagmumukha na ang bulok sistema ng edukasyon natin. Mga problemang dapat na nasolusyonan na tulad ng kakulangan sa bilang ng paaralan, kagamitan, guro, at pasahod. Paano pa kaya ipagkakatiwala sa kanila ang iba pang aspeto tulad ng paraan ng pagtuturo ng guro at kurikulum na itinuturo nito?
Ako si Alex Goldman, ako ay isang anarkista na nais palayain ang buong sangkatauhan sa pang-aalipin na pinapairal ng lipunan at ng mundo.