Title: Ang Minumultong Kapuluan
Author: Isang Alipin
Language: Tagalog
Publication: Bandilang Itim
Date: 2021/07/31
Source: https://bandilangitim.noblogs.org/2021/07/31/ang-minumultong-archipelago/#more-1125
i-a-isang-alipin-ang-minumultong-kapuluan-en-1.jpg

      Tala ng may akda

      Minumulto ang Kapuluan!

      Mga Mumo

      Ang Makasarili

      Ang May Malay at Walang Malay na Makaako

      Moralidad

      Kalayaan

      Pag-aari

      Samahan ng mga Makaako

      Ang Natatangi

      Ang Malikhaing Wala

      Awtoridad

      Ikaw

Tala ng may akda

Ito ay sinulat ko para bigyan liwanag sa egoismo ni Max Stirner para sa mga indibidwal na naninirahan sa tinatawag na “Pilipinas,” pero puwede rin para sa kahit sino mang indibidwal na interesado kahit saan man sila nakatira. Para sa kahit sinumang bumabasa nito: gusto kong ipaalam sayo na ito ay naglalaman ng aking interpretasyon sa egoismo ni Stirner at aking mga pananaw sa oras ng pagsusulat nito; gayunman, sana ang aking interpretasyon at pananaw ay iyong mapakinabangan.

Minumulto ang Kapuluan!

Sa kapuluan na tinatawag na “Pilipinas” ay tinatahanan ng maraming mga multo! Ang mga multo na ito ay sa bawat sulok ay minumulto ang mga tao na nakatira sa kapuluan…saan ba matatagpuan ang mga multo na ito kamo? Nasa iyong isip! Ano nga ba ang mga multo na ito? Sama-sama natin iyan alamin…

Mga Mumo

Sa kasalukuyan, maraming minumulto sa mga konsepto tulad ng relihiyon, estado, awtoridad, moralidad, nasyonalismo, Diyos, batas, karapatan, katungkulan, patriyarka at kung ano-ano pang mga konsepto na tinuturi nilang mas mataas kaysa sa kanilang sarili—mga konseptong tingin nila na may obligasyon talaga sila para sundin—mga sagradong konsepto.

Ang mga tao na sinapian ng mga multong ito, na tinatawag din na “mumo,” ay gumagawa ng mga bagay para pagsilbihan ang layunin ng mumo; halimbawa na lamang ang isang tao na naniniwala na may obligasyon siya at ng ibang tao na sundin ang batas. Dahil dito, alipin siya ng batas, dahil ang layunin ng batas ay ang kumbinsihin ka na obligasyon mo sundin ang kanyang mga utos. Dahil dito, ang kapulisan ay tinuturing mga alagad ng batas na dapat sundin. Kapag hindi mo sinunod, may karapatan daw ang pulisya na arestuhin ka o kaya’y ikaw ay patayin sa ngalan ng batas. Maaari namang tingin ng isang pulis ay ginagawa lang niya ang trabaho niya dahil katungkulan niya daw na isakatuparan ang batas. Naku! Ang indibidwal na ito ay sinasapian! Kung ang pulis na ito ay nakabaril, bakit sisisihin ang isang konsepto na tinatawag na “katungkulan” na ang dahilan daw bakit siya nakabaril kung siya naman ang may hawak ng baril? Ang konsepto ng “katungkulan” ba ang humila ng gatilyo o ang pulis? Tao ang nakabaril, hindi ang konsepto ng “katungkulan.” Ang katungkulan ay mumo lamang at wala ng iba! Bakit mo pagbibintangan ang mga bagay na hindi totoo tulad ng mga multo? Sinasapian ng mga mumo na ito ang mga tao para gawin ang layunin ng mumo, ngunit ang mga mumo na ito ay nasa kanilang isip lamang at hindi talaga totoo—dahil kahit mukha namang ginagawa nila ang mga bagay para paglingkuran ang layunin ng mumo, sa katotohanan ginagawa nila ang mga ito para sa kanilang sarili at hindi naman talaga sila sinasapian dahil wala namang multo na puwedeng sumapi sa kanila. Pero kahit guni-guni lang ang mga multo na ito, dahil sa paniniwala ng mga tao na may multo talaga, nagiging parang totoo nga na nandiyan sila. Dahil sa paniniwala ng mga tao, ang mga mumo na ito ay nakakaapekto sa kanilang buhay at maaari rin buhay ng iba. Ang aparisyon na hindi nahahawakan ay may kakayahan na makaapekto sa mga nahahawakan!

Magaling manlinlang ang mga mumo. Ang konsepto ng pangako ay isang halimbawa ng mahusay na manlilinlang na mumo—dahil sa una—mukhang hindi siya mumo, pero wag ka magpaloko! Yan ay mumo rin! Ang mga pangako ay binibigyan ka ng obligasyon para sundin ang iyong nakaraang sarili, gusto niyang igapos ka sa mga hangarin ng iyong nakaraang sarili—gusto niya itrato mo ang kagustuhan ng nakaraan mong sarili bilang mas mataas kaysa sayo, gusto niyang gawing sagrado ang kagustuhan ng iyong nakaraang sarili. Ang mga pangako ay inaalipin ka na gawin ang mga utos ng iyong nakaraang sarili. Pero kung dati nagpakatanga ka na gustuhin gawin iyon, bakit ka magpapakatanga uli kung alam mo naman na ayaw mo na gawin iyon? Yan ang mumo na kinikilalang pangako, isa nanamang sagradong konsepto. Ang obligasyon ay sagrado—bagay na hindi nalalabag daw—bagay na trinatrato ng indibidwal bilang mas mataas kaysa sa kanyang sarili. Dahil walang mas nakakataas sayo, dahil walang sagrado, walang mga obligasyon. Ang mga obligasyon ay hindi totoo; tanggalin mo ang mga gapos na likhang-isip! Wag ka magpaloko sa utang na loob. Wala kang utang sa kahit kanino! Pati sarili mo.

Ang mumo ay isa talagang magaling manlinlang, kukumbinsihin ka na ginagawa mo ang mga bagay hindi para sa iyo, pero para sa kanyang layunin. Aba! Talaga? Iyun ba talaga ang dahilan kung bakit ginagawa mo ang mga bagay na ginagawa mo? Talaga ba na hindi mo ginagawa ang mga bagay para sa iyong sariling kapakanan? Kahit sabihin mo na inutos lang naman sayo, hindi ba ikaw lang ang puwedeng magdesisyon kung susundin mo o hindi susundin ang inutos sayo? Hindi ba ginawa mo iyun dahil may gusto o ayaw kang mangyari? Ang mga utos ay sagrado; ito ay mumo. Sa huli ikaw ang nagdesisyon kung ano ang gagawin mo dahil binabahala ka sa kung ano mas makakabenepisyo sayo, dahil ikaw ay makasarili!

Ang Makasarili

Walang Diyos, pero kunwari mayroon. Ang Diyos—katulad mo—ay makasarili rin. Ang Diyos ay binabahala lamang ang kanyang sarili sa kanyang layunin. Ang Diyos ay walang pakialam sa kahit ano maliban sa kanyang sariling hangarin. Ang estado ay makasarili, tulad ng Diyos, ang estado ay binabahala lamang ang kanyang sarili sa kanyang layunin; ang estado ay may pakialam lang sa mga bagay na sa tingin nito ay makakatulong sa kanyang layunin. Ang Diyos at estado para sa maraming tao ay mas nakakataas kaysa sa kanilang sarili; dahil sa ganitong paniniwala ng tao sa Diyos at estado, kinumbinse nila ang kanilang sarili na pagsilbihan ang layunin ng Diyos at estado. Pero tignan mo, ang Diyos at estado ay binabahala lamang ang kanilang sarili sa kanilang mga hangarin lamang, bakit hindi ka matuto sa kanila at gawin mo ang ginagawa nila? Maging makasarili. Walang mga diyos! Walang mga alipin! Bakit mo pagsisilbihan ang mga makasarili kung puwede namang ikaw ang maging makasarili?

Ang May Malay at Walang Malay na Makaako

Dahil lahat ng makasarili ay palaging sinusuporta ang kagustuhan ng kanyang sarili, maaari natin silang tawaging makaako. Makaako naman na tayong lahat, pero may mga makaako na may malay na makaako sila at may mga makaako na walang malay na makaako sila. Ang makaako na may malay na makaako siya ay ang makaako na alam niya na makasarili siya—alam niya na lahat ng ginagawa niya ay para sa kanyang sarili at yun na yun—habang ang makaako na walang malay na makaako siya ay ang makaako na hindi alam na lahat ng ginagawa niya ay makasarili. Pero paano naman tayo lahat naging makasarili? Wala bang indibidwal na hindi makasarili? Hindi ba ang pagsasakripisyo ng sariling buhay para makaligtas ng iba ay di-makasarili? Hindi nga di-makasarili ang pagsasakripisyo ng sariling buhay para makaligtas ng iba, bakit kamo? Kung papansinin mo ang mga indibidwal na sinasakripisyo ang kanilang buhay para makaligtas ng iba, ginagawa nila iyun para sa kanilang mga sariling hangarin; maaaring ginagawa nila iyun para tignan siya bilang “mabuting” indibidwal ng ibang mga tao, maaaring ginagawa nila iyun para iligtas niya ang taong ayaw niyang mapahamak, maaaring ginagawa nila iyun dahil ayaw na niyang mabuhay, maaaring ginawa niya iyun dahil sa tingin niya pupurihin siya ng kanyang bansa, o maaaring ginawa niya iyun dahil sa tingin niya na bibigyan siya ng gantimpala ng kanyang diyos. Kahit ano pa man ang rason, sinakripisyo niya ang kanyang sarili dahil iyun ang kanyang ninais, at dahil ginawa niya iyun para tuparin ang kanyang pansariling kagustuhan—siya ay matatawag na makasarili. Paano naman ang mga taong mapagbigay? Makasarili rin ba sila? Oo naman! Kung ang kanilang interes ay ang magbigay ng magbigay, makasarili sila dahil sariling interes pa rin ang kanilang gustong itupad. Iniisip mo ba ang kalagayan ng ibang tao? Ikaw ay makasarili! Nagpapakain ka ba ng iyong mga anak? Ikaw ay makasarili! Nilagay mo ba sa panganib ang iyong sarili para sa benepisyo ng iba? Ikaw ay makasarili! Dahil iyun ang iyong interes. Tanggapin mo man na makasarili ka o hindi, nasa sayo iyun, ang sagot mo rin ay makasarili!

Moralidad

Ano ang mabuti at ano ang masama? Walang moralidad. Walang moral o imoral. Ang indibidwal ay may mga bagay na gusto niyang mangyari, mga bagay na gusto niyang hindi mangyari, at mga bagay na gusto niya wala siyang pake—sa maikling salita—ang indibidwal ay may mga kagustuhan. Ang indibidwal ay may mga bagay na gusto, mga bagay na ayaw at mga bagay na wala siyang pakialam. Ang mga bagay na ito ay hindi mabuti o masama pagdating sa moralidad, ngunit ito ay mabuti kung sa tingin ng indibidwal ay mabebenepisyo siya nito at masama kung tingin ng indibidwal ay makakapinsala sa kanyang sariling mga interes. Ang moralidad ay nagsisilbing panggapos sa mga indibidwal na sinusunod ito, dahil idinidikta nito kung ano ang puwede o hindi puwede nilang gawin. Ang pagpatay ay hindi imoral o moral, ang pagkuha ng mga bagay sa iba ay hindi rin imoral o moral. At dahil walang moralidad, walang moral na tama at walang moral na mali. Nasa indibidwal kung ano ang tingin niya ang mabuti o masama para sa kanya. Gusto ba ng isang indibidwal tumulong sa ibang mga indibidwal? Puwede siyang tumulong kung iyun ang kanyang nais, pero hindi siya magiging moral o imoral dahil sa kanyang ginawa. Kung ano mang aksyon na ginawa ng isang indibidwal, kung marami may gusto o ayaw sa ginawa ng isang indibidwal, nasa kanila na kung ano ang gagawin nila bilang reaksyon. Wag ka magpaloko sa Kristiyanong delusyon! Walang mga makasalanan! Patayin mo ang pulis na nasa ulo mo! Ang pulis na tinatawag nating konsiyensya. Ang sa tingin mong mabuti ay maaaring sa tingin ng iba ay masama. Walang moral o imoral na gawain; mayroon mga kanais-nais na gawain, hindi kanais-nais na gawain, at gawain na wala kang pakialam—lahat ng ito ikaw ang magdedesisyon para sa sarili mo. Ang indibidwal ay ang nagdedesisyon kung ano ang masama at kung ano ang mabuti, kung ano ang kaaya-aya at hindi kaaya-aya, kung ano ang kanais-nais at hindi kanais-nais para sa kanya.

Kalayaan

Hindi ako tutol sa kalayaan, pero gusto ko lang matanong—ano ang gusto mo maging malaya sa? Ano ang gusto mong matanggal? Gusto mo ba maging malaya sa lahat ng bagay na nagbibigay sayo ng kaligayahan? Gusto mo ba maging malaya sa pagmamahal? Malaya sa buhay? Malaya sa lahat ng bagay? Malaya sa sarili? Paano ka magiging malaya sa kagutuman at malaya rin sa mga bagay na pinipigilan ka maging gutom ng sabay? Kung gusto mo ng kalayaan sa lahat ng bagay, imposible ang gusto mo, ang gusto mo ay mumo—hindi puwede na malaya ka sa buhay at malaya ka sa pagiging hindi buhay ng sabay. At kapag naging malaya ka nga sa buhay, puwede mo ba talagang sabihin na malaya ka kung wala naman nang ikaw? Paano ka magiging malaya kapag walang ikaw? Kaya kapag sinasabi mo na gusto mo maging malaya, ang gusto mo ay hindi ang buo ng kalayaan kundi bahagi lang nito dahil hindi ka puwedeng maging malaya sa lahat. Kung gusto mo maging malaya sa pang-aabuso, hindi mo ibigsabihin na gusto mo malaya ka rin sa mga bagay na tumutulong sayo para hindi ka maabuso. Kung gusto mo na mahalin ka ng iba, ang pagiging hindi malaya sa pagmamahal ay nakakabenepisyo sayo. Sa itong pagkakataon, ang pagiging hindi malaya ay ang gusto mo, pagiging hindi malaya sa pagmamahal.

Pero baka naman ang ibig mong sabihin sa kalayaan ay pagiging malaya na makuha ang isang bagay. Kung ganoon, ang tanong ko ngayon sayo ay ano ang silbi ng kalayaan para sayo kung hindi mo naman gagamitin para kunin ang bagay na gusto mo? Ano ang silbi ng pagiging malayang makakuha ng tinapay kung wala kang tinapay? Ano ang silbi ng pagiging malayang makapunta sa mga ibang lugar kung wala ka namang balak pumunta sa mga ibang lugar? Ang pagiging malaya na makakuha ng isang bagay ay hindi katulad ng pagkakaroon ng bagay na iyun. Bakit mo gusto magkaroon ng walang silbing pahintulot katulad ng kalayaan na wala namang binibigay sayo? Kung gusto mo ng kalayaan para makakuha ng isang bagay, ang gusto mo talaga ay mapasayo ang bagay na iyon—gusto mo maging may-ari.

Pag-aari

Ang pagkaari ay ang deskripsyon ng may-ari. Ang iyong pagkaari ay ang lahat ng kung ano ka. Ang pagkaari ay pagkamakaako. Ikaw ang may-ari sa iyong sarili at palagi ikaw ang may-ari sa iyong sarili. Ang iyong pag-aari ay ang iyong kapangyarihan, at ang iyong kapangyarihan ang nagbibigay sayo ng mga ari-arian. Ikaw ang iyong kapangyarihan dahil ikaw lamang ang may kakayahan na kumuha at ipagtanggol ang iyong ari-arian. Ikaw ang iyong pag-aari. Ang iyong ari-arian na inagaw sayo ay hindi na sayo hanggang kunin mo muli, dahil kung sino man ang may kakayahan na kumuha at ipagtanggol ang isang bagay ay siya ang may-ari ng bagay na iyun.

Kahit ligal o iligal ang iyong ari-arian, kung inagaw sayo iyan, bakit mo sasabihin na sayo iyun kung wala naman sayo ang bagay na sinasabi mong “sayo”? Kung wala kang kontrol sa bagay na yun talaga bang sayo iyun? Bakit mo pipilitin sabihin na sayo yung bagay na iyun kung wala ka namang kontrol sa bagay na iyun? Mapapasayo lang ang bagay na iyun kapag kaya mo kunin at ipagtanggol. Ano ngayon kung ikaw ang “ligal” na may-ari kapag wala kang kontrol sa bagay na sinasabi mong iyong “ligal” na ari-arian; kapag ikaw ay may-ari ng isang bagay—sayo iyun hindi dahil ikaw ang “ligal” na may-ari, sa halip, sayo iyun dahil ikaw ang kasalukuyang may kapangyarihan sa bagay na iyun hanggang agawin sayo ng iba. Kapag may indibidwal na kumuha ng iyong pag-aari—hindi siya magnanakaw, kundi siya ang bagong kasalakuyang may-ari ng iyong dating pag-aari. Ang pagnanakaw ay ang pagkuha ng pag-aari ng iba kaya paano siya naging pagnanakaw kung ang kinuha ng tao na iyun sayo ay hindi mo naman na pag-aari, kundi kanyang pag-aari na dahil siya ang may kasalakuyang kapangyarihan sa bagay na kinuha niya sayo? Ang legalidad ay kathang-isip. Ang iyong mga karanasan ay pag-aari mo, bugbugin man ka nila, ang karanasan mo habang sinasapak ka nila gamit ang kanilang mga kamao—sa panahon ng sandaling iyon—ay ang sarili mong pagdudurusa at hindi kailanman mapapasakanila iyun dahil hindi sila ikaw at hindi kailanman sila puwedeng maging ikaw. Ang legalidad o pera ay hindi ang magpapasya kung ano ang sayo at hindi sayo, kundi, ang magpapasya ay ang kakayahan mo na panatalihing sayo ang isang bagay gamit ang iyong kapangyarihan. Gamitin mo man ang iyong kapangyarihan para manloko, manghikayat, manakit, magmahal, o kung anupaman para makuha ang iyong nais, nasa sayo na iyun.

Ikaw ang nagpapasya kung ano ang mahalaga sayo. Ang iyong mga kagustuhan ay iyong pag-aari—iyong bagay—hindi ka nandiyan para sa kanila, kundi, nandiyan sila para sayo. Ang makasariling pagmamahal ang pagmamahal na nandiyan para sayo, ito ay iyong pag-aari—di katulad ng romantikong pagmamahal na nandiyan ka para sa kanya. Makasarili ang pagmamahal—maraming gusto magmahal; maraming gustong makaranas ng pagmamahal. Ang pagmamahal ay isang makasariling pagnanasa—masarap sa pakiramdam. Kapag ang pagmamahal mo ay makasarili, iyan ay pagmamahal na tunay. Kapag ika’y makasariling magmahal, inaamin mo na nagmamahal ka dahil gusto mo—inaamin mo na nagmamahal ka dahil iyun ang nagpapasaya sa iyong sarili. Nagmamahal ka ng ibang tao dahil gusto mo sila, gusto mo silang alagaan, gusto mo silang pasayahin, gusto mo silang protektahan—gusto mo magmahal dahil iyun ang iyong interes; ganito magmahal ng makasarili: nagmamahal ka dahil iyun ang iyong kagustuhan, nagmamahal ka dahil gusto mo magmahal.

Katulad ng mga bagay na minamanipula mo—o ginagamit—para sa iyong kagustuhan, minamanipula mo rin ang mga tao sa paligid mo para sa iyong kagustuhan; may mga bagay na puwedeng maging balakid sa iyong kagustuhan, at katulad ng mga bagay, may mga tao na puwede rin maging balakid sa iyong kagustuhan. Katulad ng mga bagay, ang tao ay puwede mong gawin iyong ari-arian din para sa iyong sariling mga interes—hindi mga alipin kundi mga kagamitan o mga bagay para sa iyong mga interes—kung paano mo sila gagamitin at para saan mo sila gagamitin ay nasa sayo; ngunit, katulad ng paggamit ng talim, kapag ika’y hindi nag-ingat puwede ka mapahamak.

Samahan ng mga Makaako

Ano ang samahan ng mga makaako? Ito ay isang pangalan para tumukoy sa isang relasyon kung saan may mga indibidwal na nagpasya na magsama para gawin ang kanilang mga interes. Sabihin natin na may dalawang bata na naglalaro ng tagu-taguan. Itong dalawang bata na ito ay kasalukuyang nasa isang samahan ng mga makaako—ang dalawang bata na ito ay nagsama para gamitin nila ang isa’t isa para gawin nila ang kanilang nais na maglaro ng tagu-taguan dahil iyun ang kanilang interes. Tignan natin ang mga siyentipiko na gumugawa ng pagsasaliksik para maunawaan ang kalikasan. Sila ay nagsama para magtulungan sila na makamit ang kanilang hangarin; dahil dito, nakalikha sila ng isang samahan ng mga makaako. Isa pang halimbawa ng samahan ng mga makaako ay ang magkasintahan na nagmamahalan, ang magkasintahan ay ginagamit ang isa’t-isa para sa kanilang sariling kasiyahan na pasayahin ang isa’t-isa. Nabubuo ang samahan ng mga makaako kapag ang mga indibidwal ay nagsama para makamit ang kanilang mga hangarin; kapag wala ng pakinabang ang indibidwal para magsama, ito ay hindi na tinatawag na samahan ng mga makaako.

Ang Natatangi

Walang salita ang makakatukoy sayo, tulad mo walang salita ang makakatukoy sa Natatangi. Mag-isip tayo ng indibidwal na may pangalan na “Alex.” Si Alex ay tao, pero ang pagiging tao ni Alex ay isang bahagi lang kung ano siya. Ang tao na katawan ni Alex ay isang parte lang ni Alex, pero hindi ito si Alex dahil si Alex ay mas higit pa kaysa sa kanyang katawan. Ang pagiging matalino ni Alex ay isa sa kanyang mga katangian, pero hindi kailangan ni Alex maging matalino para maging Alex; ang pangalan na “Alex” ay hindi rin si Alex dahil pangalan lang ito, at ginagamit lang natin ito para tumukoy sakanya dahil walang salita ang makakatukoy kay Alex, dahil si Alex ay Natatangi. Tulad ng pangalan na Alex, ang Natatangi ay isang pangalan lamang para tukuyin ang hindi maaaring matukoy gamit ang mga salita—dahil ang Natatangi, katulad mo, ay palaging nagbabago at hindi puwedeng matukoy. Ikaw ay palaging nagbabago; ang kasalukuyang ikaw ay hindi na ang dating ikaw, dahil ang dating ikaw ay hindi na ikaw—kasi ikaw ang kasalukuyang ikaw, hanggang ang kasalukuyang ikaw ay hindi na ang kasalukuyang ikaw. Walang bagay ang puwedeng maging ikaw kundi ikaw lamang. Ikaw ay—Natatangi.

Ang Malikhaing Wala

Wala ka—hindi wala na kahulugang pagkawalang-laman, kundi ikaw ay wala dahil walang salita o konsepto ang puwedeng tumukoy sayo. Ang mga konsepto o salita ay hindi ikaw, dahil ikaw ay ikaw at hindi salita o konsepto; ang salitang “tao” ay ginagamit lang para ilarawan ka, pero hindi ikaw ang salitang “tao.” Ikaw ay ang malikhaing wala; sa iyong wala ay ginagawa mo ang lahat. Ikaw ang gumuguwa sa sarili mo sa konseptwal na paraan. Ginagawa mo palagi ang sarili mo sa iyong wala; ikaw ang manlilikha at mangwawasak ng mga konsepto na ginagamit mo para ilarawan ang sarili mo. Pagwasak at paglikha! Ang ligaya ng kaguluhan! Nilalamon mo ang iyong lumang ikaw para gawin ang iyong bagong ikaw sa kada sandali, laging nilalamon at ginagawa ang iyong sarili sa proseso. Ginagamit mo ang sarili mo para gawin ang sarili mo; ikaw ay manlilikha at nilikha. Dahil diyan, ikaw ay malikhain. Ikaw rin ay wala, ikaw ay ang malikhaing wala.

Awtoridad

Isipin mo na isang araw ang mga indibidwal ay nagkaroon ng malay sa kanilang pagkamakasarili, ano kaya ang mangyayari kapag naunawaan ng mga indibidwal na ang konsepto ng awtoridad ay hindi totoo at naging mulat sila sa kanilang kapangyarihan? Naging mulat na puwede nila gamitin ang kanilang kapangyarihan para gawin nila ang kanilang mga ninanais, para palayain ang sarili sa mga konsepto na nagloloko sa atin—mga konsepto na gusto itanggi tayo sa ating mga sarili? Walang pinuno, anarkiya—dahil wala namang mga pinuno nung una palang. Kapag may pinuno, may pinamumunuan, pero paano ka mamumuno kung kahit kalian hindi naging totoo ang awtoridad nung umpisa palang? Walang pinuno ang makaako dahil hindi posible pamunuan ang makasarili. Maaaring impluwensyahan mo sila, ngunit hindi kailanman mo puwede silang pamunuan; ang makasarili ay palaging gagawa ng mga bagay para sa kanyang sariling kapakanan, para sa kanyang sariling mga interes, para sa kanyang sarili higit sa lahat.

Hayaang bumagsak lahat ng mga pamahalaan. Ang mga kapitalista ay umaasa sa awtoridad ng estado para protektahan ang kanilang ligal na ari-arian para magamit nila ang mga tao para sa kanilang kagustuhan, ang estado naman ay umaasa sa mga tao na kanilang sinasakupan na igalang ang kanilang awtoridad. Pero ano na ang mangyayari kapag ang inaasahan nilang awtoridad para sumunod ang mga indibidwal sa kanila ay hindi na nirerespeto ng mga indibidwal? Ano na ang mangyayari kapag ang kanilang konsepto ng awtoridad ay inilantad para sa kung ano ito? Isang kasinungalingan.

Ang pagbagsak ng estado at kapitalismo, ang pagbagsak ng herarkiya, ang pagkilala ng mga indibidwal sa kanilang kapangyarihan bilang mga makasariling tao, insureksyon—ay ang mangyayari kapag nalaman nang mga indibidwal kung ano talaga ang awtoridad. Kung saan may karapatan, may obligasyon para sumunod. Ang mga karapatan ay sagrado; ang mga sagradong bagay ay kasinungalingan. Dahil dito, ang mga karapatan ay kasinungalingan; at kaya ang karapatan para masunod, na tinatawag na awtoridad, ay kasinungalingan din.

Kamusta sa mga naghahangad ng kalayaan. Ilabas ang kaguluhan para mawasak ang sagradong kaayusan! Walang karapatan, mga interes lamang. Kung gusto mo maging malaya, wala kang karapatan maging malaya, at wala rin karapatan ang ibang mga indibidwal na ika’y apihin. Kung may gusto o ayaw ka, ikaw na bahala kung paano mo iyun gagawan ng paraan. Maging matapang. Ang kalayaan ay hindi karapatan, ang kalayaan ay para sa mga may kaya kunin ito!

Ikaw

Kamusta akoista! Lahat ng ginagawa mo ay personal, sapagka’t ang buhay ay personal. Ang buhay mo ay tungkol sayo, at ito ay sayo.

Hayaan mo bumagsak lahat ng sagrado! Hindi ka alipin! Ikaw ay makaako! Ang mundo ay sayo!

Ikaw ang perpektong ikaw! Dahil walang sinumang maaaring maging ikaw kundi ikaw lamang, at dahil diyan, ikaw ay perpekto! Maaaring hindi ka perpekto sa ibang bagay, pero ikaw lang ang perpektong maging ikaw at wala ng iba. Magbago ka man, ang kasalakuyang ikaw ay ikaw pa rin. Ikaw ay ikaw at wala nang iba. Puwede ka lang maging sarili mo, dahil sa bawat sandali, iyan lang ang kaya mo maging—at hindi mo na kailangan maging anupaman na higit pa. Ikaw ang lahat para sayo at ginagawa mo lahat para sa iyong kapakanan. Bahala ka diyan.