Malaginoo
Sa Bisperas ng Mayo Uno
Mahirap intindihin ang takbo ng oras kapag quarantine. Ramdam natin na ang kaganapang matagal na ang nakalipas ay para bang kahapon lang nangyari, kahapon lang o noong isang araw. Pero sariwa pa rin sa kalooban ang huling Mayo Uno, na para bang isang beses lang lumubog ang araw noong kalaunan. Kita naman natin kung bakit. Pareho ang mga problemang ating hinaharap. Pareho pa rin ang panunupil na pinupwersa sa atin. Ang mismong kawalan ng katarungan na ating sinasakdal sa mga may-kapangyarihan ay patuloy na lumalakas, na sinamahan pa ng isang krisis sa ating kalusugan.
Noong wala pang COVID-19, nilugmok na mga manggagawa sa mga pabrika, anihan, at pagawaan ng mga batas na pang-“liberalisasyon” o “modernisasyon” na mas magaling pang magnakaw sa halaga ng trabaho ng bawat tao para sa mga “importer” and malalaking kumpanya, kaysa kung sinuman ang nahuhuli ng PNP sa araw-araw. Ngayon na bawas pa ang oras at pasahod ng manggagawa, na pumapasok na lang dahil wala na silang pampakain sa kanilang mga pamilya, gagawin pa ang lahat ng gobyerno para isuko ang mga pang-araw-araw na bilihin at produkto sa mga nagbebenta at namumuslit ng produktong banyaga.
Paano pa ang daanlibong mga nagbebenta sa kalsada o sa tiyangge araw-araw na patuloy pa rin ang paghanap sa diskarte, pati na rin ang mga nagmamaneho ng mga sasakyang pampubliko at umaasang makasobra man lang sa boundary. Ilan pa kaya ang mga nagtatrabaho sa mga negosyong dapat face-to-face, mga kontraktwal na hindi na pinapasok, mga kinailangang umuwi na lang sa kanilang mga bahay dahil wala nang mahanap o maasahan pang iba? Ilang milyon ang nawalan ng pagkikitaan dahil nagdalawang-isip ang mga nakakatataas na magpapasok ng kapital mula sa ibang bansa, planuhin at organisahin ang sistema para sa tracing at testing, ginawang ehersisyong pangmilitar ang quarantine sa halip na serbisyong medikal ang unahin?
Paano pa ang mga ’di nga “empleyado” pero patuloy pa rin na nagtatrabaho? Ilan bang mga maybahay ang pinapalaki ang kanilang mga bata ngayong namumuluktot ng paa para lang maka-kasya sa kumot? Sinu-sino nga ba ang mga estudyanteng kinakaya pang mag-aral kahit walang signal sa bahay, kahit malayo ang pasahan ng modyul, at kahit ’di na kaya ng kanilang katawan at isip dahil kung ano-ano na ang nangyayari sa pamilya? Gaano karami ang mga trabahador sa kalakarang sekswal na dinedemonyo pa ng karamihan dahil lang gusto nilang makaluwag ng kaunti o ng madami? Paano na ang mga wala na talagang maasahan pa kundi sumuway sa batas o mamatay sa gutom at uhaw sa gitna nitong lahat?
Malalim nga ang gabi sa bisperas ng Mayo Uno. At bakit naman hindi? Ilang beses nang hindi makatupad ang gobyerno na sundin lang ang kanilang mandato na tulungan ang mga nasa pinakalaylayan ng lipunan? Ilang beses nilang ginawang kaaway ang gusto lang tumulong upang makagaan sa sitwasyon, na gumawa pa sila ng batas, nagsarado pa ng brodkaster, at pumatay pa ng mga unyonista at manggagawang pang-karapatang pantao? Maluwag ang hinga ng mga nakakataas at pinaplano pa nila ang kanilang kinabukasan sa darating na halalan. Pero paano ang mga hindi tanaw ang mga susunod na buwan, mga linggo, mga araw?
Iniisa nila ang lahat ng may boses bilang mga terorista, kahit na tayo ay mula sa iba’t-ibang mga pinanggalingan at iba-iba ang pupuntahan. Pero sa araw ng Mayo Uno, iisa nga tayo para totohanin ang ating ginugunita: ang kalayaan ng manggagawa. Kalayaang mabuhay na walang takot sa kinabukasan. Kalayaang gumawa para sa ikabubuti ng sarili at para na rin sa mga minamahal niya. Kalayaang lumabas sa kaniyang kapaligiran, at ipalabas ang kaniyang saloobin. Kalayaang palayain ang sarili mula sa mga gahaman at makapangyarihan.
Himbingin man tayo sa Bisperas ng Mayo Uno, tataas ang tubig sa pagsapit ng umaga kasabay ng pagbangon ng araw. Kahit na pigilan man tayo, patuloy pa rin ang ating pagdadaluyong.