Title: Ang Panawagan sa Kabataan
Author: Peter Kropotkin
Language: Tagalog
Publication: Safehouse Infoshop
Date: 1880
Source: “An Appeal to the Young” (Black Cat, 2010)
Notes: Orihinal na isinulat sa wikang Ruso ni Pyotr Kropotkin at salin sa Filipino ni Taks Barbin mula sa bersyong Ingles na “An Appeal to the Young” (Black Cat, 2010). Una nang nai-publish noong 1880 sa papel ni Kropotkin, “Aux Jeunes Gens” sa Le Révolté, June 25; July 10; August 7, 21.

Sa kabataan ko inaasam na ipaabot ang aking sarili ngayon. Hayaan ang matatanda — syempre, ang ibig kong sabihin ay iyong matatanda na sa puso at isip — na itabi ang babasahing ito para di na mapagod ang mga mata nila sa pagbabasa ng wala namang maibabahagi sa kanila.

Tinataya kong ikaw ay nasa edad labing-walo o dalawampu; na tapos kana sa pag-aaral; na ikaw ay pasimula pa lang sa buhay. Inaasahan kong malaya pa ang iyong isip mula sa mga sabi-sabi na ipinuwersa sa iyo ng mga guro mo; na hindi ka takot sa demonyo; at hindi ka nakikinig sa mga sermon ng kung sinong pari o ministro. Lalo, inaasahan kong hindi ka kabilang sa mga maluho , mga nakalulungkot na produkto ng isang lipunang naaagnas, na iniyayabang ang magagara nilang suot at ang mga mukha nilang parangunggoy sa mga pasyalan, na sa bata nilang edad ay mayroon nang hindi mapawing pananabik sa pagnanasa, anuman ang kapalit... Sa kabaligtaran, inaasahan ko na may mainit kang puso, at dahil dito kinakausap kita.

Ang unang tanong, alam ko, na pumapasok sa isip mo, isang tanong na malimit mong itinatanong sa sarili, : “Ano ang kahihinatnan ko?”

Ang totoo, sa kanyang kabataan, naiintindihan ng tao matapos niyang mag-aral ng tungkol sa kalakalan o siyensya nang ilang taon — na pagkakagastusan ng lipunan, tandaan — na hindi niya ito ginawa para magkamal ng yaman at maging instrumento ng pandarambong para sa kasaganaan niya, at siguro talagang napakabuktot at lubos na nalulong na sa bisyo ang taong hindi kailanman nangarap na magamit niya ang kanyang dunong, mga kakayahan, ang nalalaman niya para makatulong sa pagbibigay-karapatan sa mga taong gumagapang ngayon sa pagkalugmok at kamangmangan.

Kabilang ka sa mga may ganoong pananaw, hindi ba? Kung gayon, tingnan natin kung ano ang kailangang gawin para magkatotoo ang pangarap mo. Hindi ko alam nag katayuang panlipunan mo pagkapanganak. Marahil, sa kabutihang palad, tumuon ka sa pag-aaral ng agham; ikaw ay magiging doktor, abogado, isang panitikero o tao ng siyensya; isang malawak na mundo ang nagbubukas para sa iyo; papasok ka sa buhay nang may malawak na kaalaman, nang may hinubog na katalinuhan. O sa isang banda, marahil isa ka lamang simpleng artisano na ang kaalaman sa mga agham ay limitado ng kung ano ang natutunan mo sa paaralan; pero nakalamang ka nang matuto ka sa sariling karanasan, sa kung anong nakahahapong trabaho ang napapalad sa isang manggagawa sa panahon natin.

Hihinto muna ako sa una kong palagay, at magbabalik mamaya sa ikalawa; ipagpapalagay ko na nakatanggap ka ng isang siyentipikong edukasyon. Sabihin nating inaasam mong maging — doktor. Bukas, isang lalaking naka-kurduroy ang susundo sa iyo para matingnan ang isang may babaeng sakit. Dadalhin ka niya sa isa sa mga eskinitang sa sikip ay kayang magkamayan ng mga kapitbahay sa ibabaw ng mga dumadaan. Uusad ka sa isang lugar na may di kaaya-ayang amoy, iniilawan lang ng isang namamatay-matay na gasera; aakyat ka sa dalawa, tatlo, apat, limang palapag ng madudungis na hagdan, at sa isang madilim at malamig na kwarto kung saan makikita mo ang babaeng may sakit, nakaratay sa papag na nasasapinan ng maduduming basahan. Matatamlay, nangungutim na mga batang giniginaw sa bitin nilang mga suot, ang nakatitig sa iyo gamit ang mga mata nilang dilat na dilat. Nagtatrabaho ang lalaki nang labingdalawa o labintatlong oras kada araw sa buong buhay niya, anuman ang mangyari; ngayon, tatlong buwan na siyang walang trabaho. Ang mawalan ng trabaho ay hindi na bago sa kaniya, nangyayari iyon taun-taon sa takdang mga panahon. Pero, dati kung wala siyang trabaho, tumatanggap ng labada ang asawa niya — marahil, labada mo pa — para sa halagang barya-barya sa isang araw; ngayon, dalawang buwan na siyang nakaratay; at pinandidilatan ng pagkalugmok, kasama ang lahat ng nanlilimahid na kahindikan nito, ang pamilyang ito.

Ano ang irereseta mo sa babaeng may sakit, doktor — ikaw na nakakaalam sa unang tingin na ang sanhi ng sakit niya ay ang laganap na anemia, pag-aasam makakain ng masustansyang pagkain, at kakulangan sa sariwang hangin? Reresetahan mo ba siya ng beefsteak sa araw-araw? Kaunting ehersisyo sa bukid? Isang kwartong may maayos na bentilasyon? Anong kabalintunaan! Kung kaya niyang bayaran ang lahat ng ito, matagal na sana niyang ginawa nang hindi na hinihintay pa ang payo mo.

Kung may mabuti kang puso, prangkang pananalita, isang matapat na mukha, maraming ikukwento sa iyo ang pamilya. Ikukwento na ang isang babaeng nasa kabilang dako ng gusali, na umuubo ng ubong pumupunit ng puso, ay isang kawawang plantsadora; na ang mga batang nakatira isang palapag mula sa kanila ay pawang nilalagnat; na ang labanderang nakatira sa unang palapag ay di na aabot ng tagsibol; at sa kabilang bahay, mas malala ang mga bagay.

Ano ang sasabihin mo sa lahat ng may sakit na ito? Payuhan silang sumailalim sa mas maayos na dyeta, lumanghap ng sariwang hangin, humanap ng hindi nakapapagod na trabaho... Hiling mo na sana’y pwede mong gawin iyon, pero hindi mo na sinubukan at lumabas ka nang durog ang puso at nagmumura.

Sa sumunod na araw, habang inaalala ang kapalaran nitong mga nakatira sa halos bahay na tila kulungan ng aso, nagkwento ang iyong katrabaho na kahapon din, may sumundo sa kanya, na naka-karwahe naman. Para iyon sa may-ari ng isang magarang bahay, para sa isang ginang na pagod sa pagpupuyat, na inilaan ang buong buhay niya sa pagbibihis nang magara, mga pagbisita sa mga sayawan, at pakikipagtalo sa isang walang-kwentang asawa. Pinayuhan siya ng kaibigan mo na mamuhay nang di salungat sa tama, ng isang mas malumanay na dyeta, na maglakad kung saan may malinis na hangin, na huwag maging mainitin ang ulo, at para bahagyang matugunan ang kagustuhang gumawa ng makabuluhang bagay, kaunting ehersisyo sa kanyang kwarto.

Ang isa ay nangamamatay dahil hindi pa siya nagkaroon ng sapat na makakain at pahinga sa tanang buhay niya; at nangangayayat naman ang isa dahil hindi pa siya nakaranas ng tunay na trabaho simula nang ipanganak siya.

Kung isa ka sa mga nakasusuyang uri na kayang makibagay sa kahit na ano, silang pagkakapanood ng nakapupuyos na eksena ay kayang makalimot sa pamamagitan ng pagbuntong-hininga at isang baso ng alak, sa katagalan ay masasanay ka rin sa magkabilang sukdol na ito, at kung ang pagiging likas mong halimaw ay umaayon sa iyong mga tunguhin, ang magiging pangunahing hakbang mo ay ang pag-angat ng uri mo sa piling ng mga naghahanap ng ligaya, para hindi mo na makita ang sarili mo sa piling ng mga aba. Ngunit kung ikaw ay Tao, kung ang lahat ng sentimyento ay naisasalin sa iyo bilang pagnanais na umaskyon, kung, sa iyo, ay hindi pa nagagapi ng halimaw ang matalinong nilalang sa iyong loob, uuwi ka isang araw at sasabihihng, “Hindi, hindi iyon makatarungan, kailangang matigil na ito. Hindi sapat na gumamot ng mga sakit, kailangang pigilan ang pagsisimula nito. Ang disenteng pamumuhay at ang pag-unlad ng talino ay sapat para kalahatiin ang listahan ng mga pasyente at ng mga sakit. Itapon ang pisika sa mga aso! Hangin, tamang pagkain, at pagbawas sa nakapandudurog na paggawa — ganito tayo dapat magsimula. Kung wala ang mga ito, ang trabaho ng doktor ay pawang panlilinlang at pang-uuto.”

Sa mismong araw na maisip mo iyon, maiintindihan mo ang Sosyalismo. Nanaisin mong mapag-aralan pa iyon nang maigi, at kung ang salitang altruismo ay salitang hindi hungkag ang kahulugan sa iyo, kung ilalapat mo sa pag-aaral ng panlipunang suliranin ang maigting na paghihinuha ng isang natural na pantas, makikita mo ang sarili mong kasama namin, at magtatrabaho ka kagaya ng pagtatrabaho namin, para maitaguyod ang Panlipunang Himagsikan.

Pero marahil, sasabihin mo, “Bayaan na lang ang mga praktikal na mga bagay! Ilalaan ko ang aking sarili sa purong siyensya: magiging astronomer ako, isang physiologist, isang chemist. Ang mga ganoong gawain ay may kahahantungan, kung di man ngayon, para sa mga henerasyon sa hinaharap.

Subukan muna nating intindihin kung ano ang naiisip mong mapapala mo sa pag-aalay ng sarili sa siyensya. Ang kaligayahan lang ba — na tunay ngang matindi — na nakukuha natin sa pag-aaral ng kalikasan at sa pagsasanay ng kakayahang mag-isip? Kung gayon, tatanungin kita kung saang aspeto nagkaiba ang isang pilosoper, na inaaral ang siyensya para lamang palipasin nang masaya ang sariling panahon, sa lasenggong iyon na ang hanap lang ay ang madaliang sarap ng gin. ‘Yung pilosoper, masasabi natin, ay mas mahusay mamili dahil pinili niya yung kaligayan na mas malalim at mas tumatagal, kumpara doon sa manginginom. Pero ‘yun lang iyon! Pareho lang rin silang may makasariling pagtanaw, para sa personal na kaluguran.

Pero hindi, hindi mo pinangarap na mamuhay nang sakim. Sa paggamit ng siyensya iniisip mong kumilos para sa sangkatauhan, at iyan ang ideyang gagabay sa iyo sa iyong pagsusuri.

Kaaya-ayang ilusyon! Sino sa atin ang hindi yumakap dito kahit saglit noong unang beses nating inialay ang mga sarili natin sa siyensya.

Pero kung gayon, kung talagang iniisip mo ang sangkatauhan, kung titingnan mo ang kabutihan ng sangkatauhan sa iyong mga pag-aaral, isang nakakakabang tanong ang lilitaw sa iyong harapan; dahil kahit gaano pa kaliit ang mapanuring diwa sa kalooban mo, kailangan mo nang isa-alang-alang na sa lipunan natin ngayon, ang siyensya ay sumususog lang sa luho, na nagsisilbi lang para pasarapin ang buhay ng iilan, pero nananatiling lubos na di maabot ng bulto ng sangkatauhan.

Lagpas isang daang taon na mula nang maglatag ang siyensya ng mga proposisyong masarap sa pandinig ukol sa pinagmulang ng sansinukob, pero ilan ang naging dalubhasa dito at nagtaglay ng maka-agham na diwa ng pagiging mapanuri?

Mga ilang libong nasa labas, na naliligaw sa gitna ng ilang daang milyong nanatili pa ding nakalubog sa pagkasarado at mga pamahiing nababagay sa mga hindi sibilisado, na siya ring mga laging handa para maglingkod bilang mga papet ng mga relihiyosong manlilinlang.

O, para umusad ng isang hakbang pa, silipin natin kung ano ang nagawa ng siyensya para magtayo ng rasyunal na pundasyon para sa pisikal at moral na kaginhawaan. Sinasabi sa atin ng siyensya kung paano mamuhay para ipanatili ang kalusugan ng ating sariling mga katawan, kung paano panatilihin sa mainam na kundisyon ng pag-iral ang ating napakalaki at nagsisiksikang populasyon. Pero hindi ba’t lahat ng napakaraming nagawang pagkilos tungo sa dalawang direksyong ito ay nananatiling patay na mga titik sa ating mga libro? Alam nating oo. At bakit? Dahil umiiral lang ang siyensya ngayon para sa iilang taong may pribilehiyo, dahil ang kawalan ng pagkakapantay-pantay na naghahati sa lipunan sa dalawa — mga alipin ng pasahod at mga mang-aagaw ng kapital — ay inihahandog lang ang lahat ng aral ukol sa mapangangatwiranang pag-iral, bilang mapait na balintuna para sa siyam sa sampu ng sangkatauhan.

Marami akong maibibigay na halimbawa pero ititigil ko muna; lumabas ka lang sa kwarto ni Faust, kung saan ang mga bintanang pinaitim ng alikabok, pinapapasok ang kaunting liwanag ng langit para mabanaagan ang kanyang mga istanteng puno ng libro; tumingin sa paligid, at sa bawat hakbang ay makakikita ng sariwang patotoong sususog sa sipat na ito.

Hindi na lang ito problema ng pagkalap ng siyentipikong katotohan at pagtuklas. Kailangan na nating ipalaganap, higit sa lahat, ang mga katotohanan pinagdalubhasaan na ng siyensya, gawing bahagi ng pang-araw-araw natin mga buhay at gawing pag-aari ng lahat. Kailangan nating ayusin ang mga bagay upang ang lahat, upang ang kalakhan ng sangkatauhan, ay maging handa para unawain at isabuhay ang mga ito; kailangang itigil natin ang pagiging luho ng siyensya, gawin natin itong pundasyon ng buhay ng bawat isa. Ito ang hinihingi ng hustisya.

Dadagdagan ko pa: Sasabihin kong ang tunay na interes ng siyensya ay nasa parehong direksyon. Nagtatamasa lang ng tunay na progreso ang siyensya kung ang mga binhi ng bagong katotohanan ay nakakahanap ng lupang handang tumanggap dito. Ang teoryang mekanikal tungkol sa pinagmulan ng init, kahit pa nailabas daan-taon na ang nakalipas sa paraang ipinapahayag pa rin ito nina Hirn at Clausius ngayon, ay nanatiling nakabaon nang 80 taon sa imabakan ng akademya hanggang ang kalaaman sa Pisika ay kumalat at naghanda sa publikong tatanggap dito. Tatlong henerasyon ang kinailangang lumipas para ang mga ideya ni Erasmus Darwin tungkol sa pagkakaiba-iba ng “species”, ay matanggap ng madla mula sa kanyang apo upang mapansin ng mga pilosoper sa akademya. Kinailangan pa ng pagpuwersa mula sa publiko para mangyari ito. Ang pantas gaya ng makata o manlilikha, ay palaging bunga ng lipunang kanyang ginagalawan at pinagtuturuan.

Pero, kung naikintal sa iyo ang mga ideyang ito, maiintindihan mong ang pinakamahalaga sa lahat ay ang magdulot ng radikal na pagbabago sa kasalukuyang kalagayan na nagsasadlak ngayon sa pilosoper sa pagkalunod sa mga siyentipikong katotohanan, at nagpapanatili sa halos kabuuan ng sangkatauhan sa kalagayan nito, lima o sampung siglo man ang lumipas — sa pagiging alipin at makina, mababa ang kakayahang aralin ang itinatag na mga katotohan. At sa araw na matigmak ka ng malawak, malalim, makatao, at dambuhalang mga siyentipikong katotohanan, sa araw na iyon mawawalan ka ng panlasa sa purong siyensya. Magtatrabaho ka para mahanap ang mga paraan para maisagawa ang pagbabanyuhay na ito, ang kung isasaalang-alang mo sa iyong mga imbestigasyon ang pagiging patas na gumabay sa iyo sa mga siyentipikong pananaliksik, sa tulak ng pangangailangan ay yayakapin mo ang mga tunguhin ng Sosyalismo; wawakasan mo ang pagkahumaling sa kaalaman at lalapit ka sa amin. Sa pag-aatubili mong magtrabaho para mag-alay ng lugod sa maliit na grupong umari na sa kalakhan, iaalay mo ang kaalaman mo at debosyon sa paglilingkod sa mga naaapi.

Makasisiguro ka, sa pakiramdam ng natupad na tungkulin at sa tunay na pag-iisa ng damdamin mo at kilos, na makakahanap ka ng lakas sa sarili na kailanma’y hindi mo nagagagap. At, isang araw — di na iyon magtatagal, isasantabi ang presensya ng mga guro natin — kapag isang araw, masasabi ko, ang pagbabagong binubuno mo ay uusbong, sa panahong iyon, sa pagtamo mo ng lakas mula sa kolektibang paggawa para sa siyensya, at sa tulong ng makapangyarihang hukbo ng mga manggagawa na magbubuhos ng kanilang sigla sa paglilingkod dito, maglulunsad ang siyensya ng bagong pagsulong, na kung ikukumpara sa mabagal na progreso ng panahon ngayon ay pagmumukhain itong simpleng ensayo ng mga baguhan.

At matutuwa ka sa siyensya; at ang tuwang iyon ay magiging tuwa para sa lahat.

Kung ikaw ay tapos nang mag-aral ng batas at malapit nang kumuha ng pagsusulit sa bar, maaaring, may mga ilusyon ka din sa mga gagawin mo sa hinaharap — tinataya kong kabilang ka sa may mas magiting na diwa, na alam mo ang ibig sabihin ng altruismo. Marahil iniisip mo, “Para ialay ang aking sarili sa isang walang tigil at masikhay na laban kontra sa lahat ng kawalang hustisya! Para gamitin ang lahat ng kakayanan ko para itaguyod ang tagumpay ng batas, ang ekspresyon ng publiko ng kataas-taasang katarungan– may karera pa bang mas dakila?” Uumpisahan mo ang tunay na trabaho sa buhay nang may tiwala sa sarili at sa propesyong iyong kinuha.

Kung ganon: buksan natin ang alinmang pahina ng mga Ulat sa Batas at tingnan kung ano ang sasabihin sa iyo ng tunay na buhay.

Mayroon tayo ritong isang may-ari ng lupa; at hinihingi niyang palayasin ang isang magsasakang hindi nakakabayad ng pabuwis sa lupa. Sa ligal na sipat ang kasong ito ay hindi na kailangang pag-usapan; dahil di makapagbayad ang magsasaka, kailangan niyang umalis. Pero kung titingnan natin ang mga detalye, may matututunan tayong gaya nito: Walang tigil na iwinawaldas ng panginoong-may-lupa ang mga pabuwis mapanuksong mga kaligayahan; ang magsasaka ay nagtratrabaho nang maigi nang buong araw sa araw-araw. Walang ginawa ang may-ari para payabungin ang kanyang pag-aari. Ganunpaman, naging triple ang presyo ng lupa niya sa 50 taon dahil sa itinatayong riles sa malapit, mga bagong malalapad na kalsada, sa paghihigop at pagpapatuyo ng tubig sa latian, at sa pagsasarado ng mga lupa para gawing tambakan. Pero ang kasamá na malaki ang naitulong sa pagtaas ng presyo na ito ay napabayaan ang kanyang sarili; nahulog siya sa kamay ng mga nagpapautang, at nalubog siya sa utang; hindi na niya mabayaran ang may-ari. Ang batas, na laging nakakiling sa pag-aari, ay malinaw: nasa katwiran ang may-ari ng lupa. Pero ikaw na may ideya ng hustisya na hindi pa nasusugpo ng mga kunwaring legalidad, ano ang gagawin mo? Ipaglalaban mo ba na mapunta sa kalsada ang magsasaka? — dahil iyan ang inaatas ng batas — o uusigin mo ang may-ari na bayaran ang magsasaka na nagbunsod ng pagtaas sa halaga ng lupa na nararapat sa kaniyang paggawa? — ito naman ang dekreto ng pantay na hatian. Saan ka kikiling? Para sa batas na salungat sa katarungan, o sa katarungan na salungat sa batas?

O kung nagprotesta ang mga trabahador laban sa isang amo nang walang paalam, kanino ka papanig? Sa panig ng batas, samakatwid, sa amo na siyang nakalamang nang mamuhunan sa panahon ng krisis at nagtamo ng nakahihibang na tubo dahil dito? O laban sa batas, sa panig ng mga manggagawa na ang natanggap lang sa buong panahong ito ay 2 sentimo sa isang araw bilang sweldo, at nasasaksihan ang kanilang mga asawa at mga anak na dahan-dahang napaparam sa kanilang harapan. Titindig ka ba sa panig ng panlilinlang na pinaninindigan ng “kalayaan sa kontrata”? O titindig ka para sa pantay na hatian, na nagsasabing ang kontrata sa pagitan ng taong nakakakain nang mariwasa at taong ipinagbibili ang kanyang lakas-paggawa para sa hamak na pag-iral, sa pagitan ng malakas at mahina, ay hindi maituturing na kontratang totoo.

Tingnan natin ang isa pang kaso. Dito sa London, ang isang tao ay lumalaboy malapit sa bilihan ng karne. Nagnakaw siya ng hiwa ng karne at tumakbo. Arestado at inusig, nalaman na isa pala siyang artisano na walang trabaho, na siya at ang kanyang pamilya ay di pa kumakain sa loob ng apat na araw. Pinakiusapan ang may-ari ng karnihan na palayain na lang ang lalaki, pero mas gusto nitong makita ang tagumpay ng hustisy! Nang-usig itoat nasentensyahan ang lalaki ng anim na buwan sa bilangguan. Ginusto ito ni Themis ang Bulag![1] Hindi ba naghihimagsik ang konsyensya mo laban sa batas at lipunan tuwing nakaririnig ka ng ganitong klaseng mga paghatol araw-araw?

At muli, ipauusig mo ba sa batas itong isang taong hindi maganda ang kinalakhan at naging hirap mula pagkabata, lumapit sa pag-aari ng isang taong hindi man lang nagbanggit ni isa mang salitang may awa at, tinapos ang kanyang karera sa pamamagitan ng pagpaslang sa kapwa na ito para makakuha ng pera? Uusigin mo ba siya para bitayin — o mas matindi — ipakukulong siya nang 20 taon, habang alam na alam mong siya ay mas baliw kaysa kriminal, at sa mga kasong ito, ang krimen niya ay kasalanan din ng buong lipunan natin?

Sasabihin mo bang dapat na ikulong itong mga manghahabi na sa panahon ng desperasyon ay sumunog ng isang pabrika; na ang taong ito na bumaril sa isang mamamatay-taong naka-korona ay dapat makulong habambuhay; na kailangang barilin itong mga nag-aalsa dahil sa pagwawagayway ng watawat ng kinabukasan sa mga barikada? Hindi, isang libong beses na hindi!

Kung mangangatwiran ka imbes na ulit-ulitin lamang ang mga itinuro na sa iyo; kung susuriin mo nang maigi ang batas at tatanggalin ang makukulimlim na kunwa na ipinantabing sa tunay na pinagmulan nito, na siyang karapatan at pinanghahawakan ng malakas, na siya ring naging basbas ng lahat ng paghahari na ipinasa sa sangkatauhan sa mahaba at madugo nitong kasaysayan; kapag naintindihan mo ito, magiging mabigat at malawak ang pagkasuklam mo sa batas. Maiintindihan mong ang pagiging tagapaglingkod ng nasusulat na batas ay pagtindig ng sarili laban sa batas ng konsensya araw-araw, at pakikipagkasundo sa maling panig; at dahil hindi maaaring maging panghabampanahon ang labang ito; pipili ka sa pagitan ng pagpapatahimik ng iyong konsensya at pagiging balawis, o babasagin mo ang tradisyon, at kikilos ka kasama namin para sa pagkawasak ng lahat ng mga kawalang-katarungan sa ekonomiya, sa lipunan at pulitiko.

Sa ganoon, magiging isa kang Sosyalista, isang Manghihimagsik.

At ikaw, isang batang inhinyero, ikaw na nag-aasam na pabutihin ang lagay ng mga manggagawa sa pamamagitan ng paglapat ng siyensya sa industriya– isang napakalungkot na pagkabigo, isang teribleng dis-ilusyon ang naghihintay sa’yo. Inalay mo ang lakas ng pag-isip mo sa pagbuo ng iskema ng isang riles na tatakbo sa gilid ng bangin at huhukay sa puso ng bundok ng granite, na mag-uugnay sa dalawang bansang pinaghiwalay ng kalikasan. Pero sa simula ng pagtatrabaho, masasaksihan mo ang pagkawasak ng mga manggagawa dahil sa kasalatan at sa pagkakasakit sa loob ng madidilim na lagusan — makikita mong uuwi ang ilan sa kanilang dala lang marahil ang ilang kusing, at ang di-maitangging binhi ng pagkasaid; makakakita ka ng mga bangkay — resulta ng unti-unting gumagapang na kasakiman — bilang pananda sa bawat dipa ng iyong daan; at, kapag natapos na ang riles, makikita mo sa huli, na ito ang magiging highway ng artileriya ng isang hukbong mananakop...

Isinakripisyo mo ang kasagsagan ng kabataan mo para mapagbuti ang imbensyon na mamamahala sa produksyon at, pagkatapos ng maraming eksperimento, maraming gabing walang tulog, nalalapit ka na sa pagiging dalubhasa ng mahalagang tuklas na ito. Ginamit mo ito at lumampas sa inaasahan mo ang resulta. Sampu, dalawampung-libong mga “kamay” ang ipapatapon sa kalsada! Ang mga maiiwan, kabataan ang karamihan, ay mauuwi sa pagiging mga makina! Tatlo, apat, sampung mga pinuno ang yayaman at maglalasing sa bisa nito... Ito ba ang iyong pangarap?

Panghuli, pinag-aaralan mo ang mga makabagong pag-unlad sa industriya, at nakikita mong walang natamo ang mga mananahi, wala talaga, sa imbensyon ng makinang panahi; na namatay sa ankylosis[2] ang manggagawa sa lagusan ng St. Gothard — hindi kinaya ang pagbubutas ng lupa para sa dyamante; na wala nang trabaho ang mga mason at arawang manggagawa, gaya ng dati, sa paanan ng Giffard. Kung ididiskurso mo ang mga panlipunang problema nang may malayang ispirito tulad ng gumabay sa iyo sa mekanikal na mga imbestigasyon mo, walang dudang maaabot mo ang konklusyon na ang dominasyon ng pribadong pag-aari at pang-aalipin-ng-pasahod, lahat ng bagong imbensyon ay nagpapabigat lang lalo sa pagka-alipin niya, at ang kanyang trabaho mas nakakababa, dumadalas ang mga oras ng walang-kwentang gawain, mas matalim ang krisis, at ang taong may kapit na sa lahat ng pansariling ligaya ang tanging kumikita dito.

Ano ang gagawin mo kapag narating mo na ang ganitong konklusyon? Maaaring simulan mong patahimikin ang konsensya mo sa pamamagitan ng mga hungkag na kaalaman; at isang araw, magpapaalam ka na sa mga tapat na pangarap ng kabataan mo at susubukan mong kamitin, para sa sarili mo, kung ano ang nagdadala ng sarap at kasiyahan — pupunta ka sa kampo ng mga nang-aabuso. O , kung malambot pa ang puso mo, sasabihin mo sa sarili: “Hindi, hindi ito ang oras para sa mga imbensyon. Kumilos muna tayo para baguhin ang takbo ng produksyon. Kapag nawakasan na ang pribadong pag-aari, magiging para sa benepisyo ng sangkatauhan ang mga bagong pag-unlad sa industriya; at ang lupon na ito ng mga manggagawa, mga simpleng makina sila ngayon, ay magiging nag-iisip na mga nilalang na maglalapat ng kanilang talino sa industriya, pinalakas ng pag-aaral at pinahusay ng manu-manong paggawa, at tatalon pausad ang mekanikal na progreso at isasakatuparan sa loob ng 50 taon ang mga panaginip na hindi natin maisip ngayon.

At ano ang sasabihin ko sa mga prinsipal ng mga eskwelahan — hindi sa taong ang tingin sa propesyon niya ay nakauumay na negosyo, pero sa taong tuwing napapalibutan ng nakatutuwang pangkat ng mga bata, ay nabubuhayan dahil sa masisigla nilang mukha at napapagitnaan ng kanilang masasayang tawanan — sa kanya na sumusubok itanim sa batang isip nila ang mga ideyang iyon ng pagkatao na itinangi niya din noong kabataan niya?

Madalas, nakikita kitang malungkot, at alam ko kung ano ang nagpapakunot sa noo mo. Sa araw na ito, ang paborito mong mag-aaral na hindi masyadong magaling sa Latin, totoo, pero siyang sigurado kang may kahanga-hangang puso, ay ikinuwento ang istorya ni William Tell nang napakasigla! Kumislap ang mga mata niya; tila iniisip niyang saksakin na ang mga manlulupig sa mismong oras at lugar na iyon; maalab niyang binigkas ang mga linya ni Schiller:

Before the slave when he breaks his chain,
Before the free man tremble not.

Pero nang umuwi siya, ang kanyang nanay, tatay, at tiyuhin ay mariin siyang pinagsabihan na respetuhin niya ang ministro ng pulis ng nayon; ikinintal sa mismong oras na iyon ang “pagtitimpi, paggalang sa awtoridad, at pagsunod sa mga mas magaling sa kanya,” hanggang itabi niya si Schiller para magbasa ng “Self-Help.”

At, kahapon lang, naibalita sa iyong ang pinakamagagaling mong mga mag-aaral ay nagkaroon ng masasamang kapalaran. Walang inisip ang isa kundi ang maging opisyal; ang isa naman, kung paanong bilang isang pinuno ay pagnanakawan ang kanyang mga trabahador ng kanilang mga payat na sweldo; at ikaw, paglilimian mo ang nakalulungkot na umpugan ng mga ideya mo, at ng totoong buhay.

Dinidibdib mo pa din ito! At nakikinita ko sa loob ng dalawang taon, sa panlabas, pagkatapos mong mabigo at mabigo, itatabi mo ang paborito mong mga manunulat sa tukador, at mauuwi ka sa pagsasabing walang dudang napakatapat na tao ni Tell, pero may sira rin kung tutuusin; na una dapat na sinusunog ang pagtula, lalo na kapag itinuturo ng tao ang rule-of-three[3] buong araw, pero nanatili palagi sa mga ulap ang mga makata at walang silbi sa buhay ngayon ang mga sipat nila, pati sa susunod na pagbisita ng Inspektor ng paaralan...

O sa kabilang banda, ang mga pangarap mo sa iyong kabataan ang magiging matibay na simulain ng iyong katandaan. Nanaisin mong magkaroon ng malawak at makataong edukasyon para sa lahat, sa loob at labas ng paaralan; at dahil nakikita mong imposible ito sa mga kondisyon ngayon, aatakihin mo ang pundasyon ng lipunang burgis. At dahil papalayasin ka ng Kagawaran ng Edukasyon, aalis ka sa eskwelehan at lalapit sa amin, at makikiisa sa amin; ipagsasabi mo sa mga taong pinahinog ng panahon pero may mas mababang naabot kaysa sa iyo kung gaano kaiga-igaya ang kaalaman; kung ano dapat ang patutunguhan ng tao — hindi, kung ano ang pwede nating kahinatnan. Lalapit ka at kikilos kasama ang mga Sosyalista para sa ganap na pagbabago ng umiiral na sistema, magsusumikap sa hanay namin para maabot ang tunay na pagkakapantay-pantay, tunay na kapatiran, at walang wakas na kalayaan para sa mundo.

Panghuli, ikaw na batang manlilikha, iskultor, pintor, makata, musikero, di mo ba napapansin na inaasam din ng mga tao ngayon ang banal na apoy na nagbigay-inspirasyon sa mga nauna sa iyo? Na karaniwang bukambibig ang sining at ng naghahari ang kababawaan?

Pwede kaya? Na hindi na umiiral sa panahon natin ang galak sa pagkakadiskubre ng sinaunang mundo, ng paglubog sa mga bukal ng kalikasan na lumikha sa mga obra ng Renaissance; iniwan itong malamig hanggang ngayon ng ideyal ng pagiging rebolusyonaryo, at dahil binibigo ang isang ideyal, nagagalak ang sining natin na nakahanap ito ng isang ideyal sa realismo sa masikap na pagkuha nito ng may-kulay na larawan ng hamog sa dahon ng isang halaman, ginagaya ang kalamnan sa hita ng baka, o maiging inilalarawan sa prosa at berso ang nakasusulasok na bantot ng imburnal, ang amoy ng kwarto ng isang mamahaling puta.

“Pero kung ganito, ano ang dapat gawin?,” sasabihin mo. Kung sasagot ako, walang pinagkaiba sa naghihingalong mitsa ng kandila ang sagradong apoy na sinasabi mong taglay mo, kung gayon magpapatuloy ang iyong paggawa na katulad ng dati, at mabilis na babagsak sa larangan ng pag-aayos ng dekorasyon sa tindahan ng mga mangangalakal, sa paggawa ng mga libretto sa mga mababang uri ng opera, at mga kwento tuwing Pasko — nauuwi na sa ganoong antas ng may makapal na usok sa ulo ang marami sa inyo.

Pero, kung kasabay ng sa sangkatauhan ang pintig ng puso mo, kung may pandinig ka sa Buhay gaya ng isang tunay na makata, kung gayon ang pagtitig dito sa dagat ng lumbay na may daluyong na wumawalis sa iyo, kaharap itong mga nangangamatay sa gutom, sa presensya nitong mga bangkay na nakatambak sa minahan, at mga gutay-gutay na katawang patung-patong sa mga barikada, tinatanaw itong mahahabang pila ng mga ipapatapon para mabaon sa mga yelo ng Siberia at mga latian sa mga bansang tropikal, nasasaksihan nang buo ang desperadong digmaan na sinasagupa ngayon, sa gitna ng mga sigaw ng pamimilipit sa sakit ng mga nalupig at mga orgy ng mga nagwagi, ng pagpapakabayani sa laban salungat sa pagiging duwag, ng magiting na papupunyagi kaharap ang pagkatusong kalait-lait — di ka pwedeng manatiling walang panig; darating ka at lalahok sa panig ng mga inaapi dahil alam mong ang maganda, ang dalisay, ang mismong diwa ng buhay ay nasa panig ng mga lumalaban para sa liwanag, sa pagiging tao, para sa hustisya.

Patitigilin mo ako sa wakas!

“Anong ka-demonyohan!,“ sasabihin mo. “Pero kung ang abstraktong siyensya ay luho at ang medisina ay panloloko; kung binabaybay ng batas ang kawalang-katarungan, at paraan para sa pagnanakaw ang mga imbensyong mekanikal; kung ang paaralan, kaiba ang kaalaman sa kaalaman ng “praktikal na tao”, ay siguradong magagapi; at siguradong bababaw ang sining na walang rebolusyonaryong ideya, anong natitira para gawin ko?”

Kung gayon, sasabihin ko sa’yo.

Isang napakalawak at pinakakapana-panabik na atas; isang gawain kung saan lubos na tumutugma sa konsyensya mo sa iyong aksyon, isang gawain na kayang palitawin ang pinakamagigiting at nakasisiglang mga katangian sa isang tao.

Anong gawain? Sasabihin ko na sa iyo.

Nakasalalay sa iyo ‘yon, kung patuloy ka bang makikipaglaro sa konsensya mo, at isang mapayapang araw, sasabihin mo: “Mabulok na ang sangkatauhan, basta ba nasa akin ang lahat ng ligaya at malulubos ko ang paglasap sa mga iyon, hanggang sapat ang pagiging bobo ng mga tao para hayaan ako.” O, muli ang di-maiwasang alternatibo, makibahagi sa mga Sosyalista at gumawa kasama nila para sa ganap na pagbabago ng lipunan. Ito ang di-mabibitak na kadugtong ng pagtitimbang na ginawa natin. Iyan ang lohikal na konklusyon na dapat aksyunan ng bawat matalinong tao. Basta ba nangangatwiran siya nang matapat sa mga nangyayari sa paligid niya, at tinatanggal ang mga pagkalulong sa kaalaman na binubulong sa kanyang tenga ng burgis niyang edukasyon at ng mga interesado sa kanya.

Kapag narating ang konklusyong ito, ang tanong na “Ano ang dapat gawin?” ay kusang lalabas.

Madali lang ang sagot.

Iwanan ang kapaligiran kung saan ka inilugar at kung saan ang gawi ay ang pagsasabi na ang mga tao ay isang katutak na mga bruto; makisama sa mga taong ito — at lalabas nang kusa ang sagot.

Makikita mo na sa lahat ng lugar, sa Britanya at sa Pransya, sa Alemanya na rin at sa Italya, sa Rusya at sa Estados Unidos, sa lahat ng lugar kung saan may uring may prebilehiyo at naapi, napakaraming pagkilos sa hanay ng mga uring manggagawa, na ang layunin ay tibagin sa habampanahon ang pang-aaliping sinadya ng kapitalistang pyudal at ilatag ang pundasyon ng isang lipunang itinayo batay sa katarungan at pagkakapantay-pantay. Hindi na sapat para sa tao ngayon na ibuhos ang kanyang hinaing sa mga kantang ang himig ay dumudurog sa iyong puso, iyong mga inawit noon ng mga magsasaka noong ikalabing-isang siglo, na inaawit pa rin ng mga pesanteng Slav; kumikilos siya kasama ang mga kapwa kumakayod para sa pagbibigay-karapatan, nang may kaalaman kung ano ang kanyang ginagawa, at laban sa anumang ihaharang sa kanyang daan.

Patuloy na sinasanay ang kanyang isip sa pagtuturing kung ano ang dapat gawin para ang buhay, sa halip na maging sumpa para sa tatlong kapat ng sangkatauhan, ay maging tunay na kaluguran para sa lahat. Tinatanggap niya ang pinakamahihirap na problema ng sosyolohiya at sinusubukang lutasin ito gamit ang tamang katalusan, ang kanyang diwa ng pagmasid, ng kanyang matinding karanasan. Para marating ang pagkakaintindihan kasama ang mga katulad niyang aba, sinusubukan niyang bumuo ng mga pangkat, mag-organisa. Bumubuo siya ng mga lipunan, pahirapang tinutustusan ng maliliit na ambag, sinusubukan niyang makipagkasundo sa mga kasama na nasa ibayong labanan, at inihahanda ang mga araw kung kailan imposible na ang mga digmaan sa pagitan ng mga tao, di hamak na mas mainam sa mabulang pilantropong nagngunguyngoy sa kalokohang pangkalahatang kapayapaan. Para malaman ang ginagawa ng kanyang mga kapatid, para magkaroon ng mas malalim na ugnayan sa kanila, para palawakin ang kanyang mga ideya at ipakalat ito, ipinagpapatuloy niya — kahit pagbayaran niya ng pagiging kapos, isang walang humpay na pagsisikap! — ang pinakikilos niyang limbagan. Sa katagalan, sa pagdating ng oras, babangon siya, papupulahin ang mga bangketa at barikada gamit ang kanyang dugo, uusad siya at aariin iyong mga kalayaan na kalaunan ay malalaman ng mayayaman at makapangayarihan kung paano ito dungisan at gamitin laban sa kanya. Isang napakahabang serye ng pagpupunyagi! Isang walang humpay na pakikibaka! Patuloy na pagkayod na sinisimulang muli, minsan para punan ang puwang na idinulot ng mga pang-iiwan — resulta ng pagod, katiwalian at pang-uusig; minsan para pagalawin muli ang mga nahiwalay na pwersa na winasak ng sabay-sabay na pagpapaputok at malagim na pangangatay! At sa ibang panahon para muling simulan ang mga pag-aaral na biglang sinira ng malawakang pamamaslang.

Pinalalakad ang mga diyaryo ng mga taong inobliga para ipuwersa sa lipunan ang mga basurang kaalaman sa pamamagitan ng pagkait sa kanila ng tulog at pagkain; pinananatili ang pagkabalisa sa pamamagitan ng pagkaltas ng kalahati sa halagang kinakailangan para maabot ang pinakapayak na mga pangangailangan sa buhay; at lahat ng ito sa ilalim ng tuloy-tuloy na pangamba na makita ang pamilyang mauwi sa pinakanakasisindak na kahirapan, sa oras na malaman ng amo na “nabahiran ng Sosyalismo ang kanyang trabahador, ang kanyang alipin.”

Ito ang makikita mo kung sumama ka sa mga tao.

At sa walang katapusang pagkikibakang ito, gaano kadalas na palalong naitatanong ng nagpapagod, sa pagkadapa niya sa bigat ng kanyang dinadala:

“Nasaan, kung ganoon, itong kabataan na pinaggugulan natin para maturuan? Itong kabataan na pinakain at dinamitan natin habang nag-aaral sila? Nasaan silang mga ipinagdoblehan natin ang pagpapakakuba ng mga likod sa pasanin at ipinagtiis ang mga tiyan nating walang laman, ipinagtayo nitong mga bahay, mga kolehiyo, mga silid-aralan, itong mga museo? Nasaan silang ipinag-imprenta natin ng magagandang libro nang may natamlay at nanlulumong mga mukha; mga librong karamihan din naman ay di natin mababasa? Nasaan sila, ang mga propesor na nagsabing taglay nila ang siyensya ng sangkatauhan, silang ang tingin sa sangkatauhan ay hindi man lang katumbas ng bihirang-makitang uri ng higad? Nasaan ang mga taong palaging umuusal ng papuri sa kalayaan, at hindi naisip na ipagtanggol ang ating paglaya, bagkus tinatapakan ito sa bawat araw ng kanilang mga paa? Nasaan sila, itong mga manunulat at makata, mga pintor at iskultor? Nasaan, sa ibang salita, ang buong tropahang ito ng mga mapagkunwari na kung magsalita tungkol sa masa ay naluluha pa, pero kailanman ay hindi, sa anumang pagkakataon, nakita ang sarili nila sa atin, o tumulong sa ating matrabahong gawain?

Nasaan na nga ba sila?

Bakit, ang ilan na nagpapakakampante sa pinakaduwag na hinabang; ang iba, ang karamihan, itinutulak palayo ang “madungis na masa”, ay handang sumagpang sa kanila kung tangkain nilang galawin ang alin man sa kanilang mga pribilehiyo.

Noon at ngayon, totoo, may binatang bibilang sa atin na nananaginip ng mga tambol at barikada at naghahanap ng mainit na eksena, pero mabilis na iiwan ang layunin sa oras na malaman na malayo ang tatahaking kalsada papunta sa barikada, na mabigat ang trabaho, na napapaluputan din ng tinik ang mapapanalunang koronang laurel sa pagkilos. Kadalasan, mga ambisyosong namamakana sila, mga labas sa paggawa, silang mga nabigo sa una nilang mga tangka, sinusubukan sa paraang ito na hikayatin ang mga tao palayo sa kanilang mga pasya, pero siya ring unang tutuligsa sa kanila sa oras na gustuhing isa-praktika ng mga taong ito ang mga prinsipyong sila mismo ang naglunsad; marahil siya pa ang unang magiging handang manutok ng artileriya o ng Gatling sa kanila sakaling mangahas silang kumilos bago pa man ibigay ng mga ulo ng kilusan ang hudyat.

Idagdag pa ang imbing insulto, mapanghamak na pagdusta, duwag na paninirang-puri sa karamihan, at alam mo na ang pwedeng asahan ng mga tao sa kabataang mula sa itaas at gitnang uri sa usapin ng pagtulong sa panlipunang pagbabago.

Pero, maitatanong mo, “Ano ang gagawin natin?” Kung kailan kayraming dapat gawin! Kung kailan makikita ang buong hukbo ng kabataan na napakarami sanang paggugugulan ng buong lakas ng bata nilang enerhiya, ang sagad na pwersa ng kanilang talino at kanilang talento para matulungan ang mga tao sa malawak na kalakarang pinili nila!

Ano’ng gagawin natin? Makinig.

Kayong mga sumisinta sa dalisay na syensya, kung kayo’y napunuan ng mga prinsipyo ng Sosyalismo, kung naintindihan ninyo ang tunay na kahulugan ng rebolusyon na kumakatok sa pinto kahit ngayon, di niyo ba nakikitang kailangang hulmahin muli ang lahat ng syensya para bumagay sa mga bagong prinsipyo; na tungkuling niyo sa larangang ito ang rebolusyong mas malaki kaysa mga naisakatuparan ng bawat sangay ng syensya sa ika-18 na siglo? Di niyo ba naiintindihan na ang kasaysayan– na alamat na lang ngayon ng mga lola tungkol sa mga kinikilalang hari, kinikilalang politiko, at kinikilalang mga parliamento– na sinusulat dapat ang kasaysayan sa pagtingin ng mga tao, mula sa pagtingin ng paggawang tinupad ng masa sa mahabang ebolusyon ng sangkatauhan? Iyang ekonomiyang panlipunan — na pagsasabanal na lang ngayon sa kapitalistang pagnanakaw — ay kailangang gawing sariwa muli mula sa batayan nitong mga prinsipyo at di-mabilang na paglalapat nito? Na ang Antropolohiya, Sosyolohiya, Etika, ay dapat hulmahin ulit nang buo, at ang mga natural na siyensya mismo, isinasa-alang-alang mula sa ibang sipat, ay kailangang sumalilalim sa matinding pagsasa-ayos, katulad ng pagsa-alang-alang sa konsepto ng natural na penomena at may pagtangkilik sa metodo ng eksposisyon.

Kung gayon, magsimula nang magtrabaho! Ilagak ang inyong kakayahan sa atas ng mabuting layunin. Lalo na sa pagtulong sa amin gamit ang inyong malinaw na lohika para kalabanin ang tiwaling pagkiling at para ilatag, sa pamamagitan ng iyong sintesis, ang pundasyon ng mas mahusay na organisasyon; dagdag pa, turuan kaming gamitin sa aming pang-araw-araw na argumento ang kawalang-takot sa tunay na maka-syensyang pagsisiyasat at ipakita sa amin, gaya ng ginawa ng mga nauna sa inyo, kung paano mangahas na isakripisyo ng mga tao kahit ang buhay sa tagumpay ng katotohanan. Kayong mga doktor, na natutuhan ang Sosyalismo sa mapait na karanasan, hindi napapagod sa pagsabi ngayon, bukas at sa hinaharap, ng pagkaagnas ng tao kung mananatili sa kondisyon nito ngayon ng pag-iral at paggawa; na walang bisa ang lahat ng inyong panggagamot laban sa karamdaman habang patuloy na umuusbong ang kalakhan ng sangkatauhan sa mga kalagayang lubos na salungat sa kalusugang ayon sa siyensya; kumbinsihin ang mga tao na ang pinagmulan ng karamdaman ang dapat mabunot, at ipakita sa aming lahat kung ano ang kailangan para matanggal ang mga ito.

Lumapit kayong dala ang inyong mga panistis at buksan para sa amin, gamit ang mahuhusay na kamay, ang lipunan nating ito, na nagmamadaling mabulok. Sabihin sa amin kung ano at paano dapat ang makatwiran na pag-iral. Ipilit, gaya ng mga tunay na nag-oopera, na dapat putulin na ang binti o brasong may gangrene kapag may banta ng paglason nito sa buong katawan.

Ikaw, na kumilos para sa paglalapat ng syensya sa industriya, halika at lantarang sabihin sa amin kung ano ang iyong mga natuklasan. Kumbinsihin iyong mga takot na ilakad patungo sa hinaharap ang mga imbensyong dala ng kaalaman sa sinapupunan nito, kung ano ang magagawa ng industriyang may mas mainam na lagay, kung ano ang malilikha ng tao kung lilikha siya nang may hangad na mapaunlad ang kanyang produksyon.

Kayong mga makata, pintor, iskultor, musikero, kung nauunawan niyo ang tunay na misyon at interes ng mismong sining, sumama ka sa amin. Ilagak ang iyong pluma, lapis, ang inyong paet, ang inyong mga ideya sa serbisyo ng himagsikan. Isalawaran sa amin, sa mahusay niyong estilo, o mga nakahahanga ninyong mga larawan, ang magiting na pakikibaka ng mga tao laban sa nanggagapi sa kanila, paalabin ng mapanghimagsik na sigasig ang puso ng ating kabataan na nagpasilab din sa kaluluwa ng ating mga ninuno; ipaalam sa mga kababaihan kung ano ang magiting na tahakin ng isang katipan na nag-alay ng buhay sa kapita-pitagang layunin ng paglayang panlipunan! Ipakita sa mga tao kung gaano kakahindik-hindik ang kanilang buhay, at pagbuhatan ng kamay ang pinagmumulan ng kapangitang iyon; sabihin sa amin kung ano ang isang rasyunal na pamumuhay kung hindi nito nakasagupa sa bawat hakbang ang panlalait at kapalpakan ng ating kasalukuyang panlipunang kaayusan.

Panghuli, kayong lahat na nagtataglay ng kaalaman, talento, kakayahan, industriya, kung may kislap ng pagdamay sa inyong ugali, hali kayo, kayo kasama ang inyong mga katuwang, halika at ipresenta ang inyong paglilingkod sa mga nangangailangan nito. At alalahanin, kung darating nga kayo, na paparito kayo hindi bilang mga guro, kundi bilang mga kasama sa pakikibaka, hindi para mamuno kundi para palakasin ang inyong sarili sa isang bagong buhay na pumapaimbulog tungo sa tagumpay sa kinabukasan; na paparito kayo para maunawan ang mga ninanais ng marami kaysa maging guro nila; para isa-banal sila; para sila’y bigyang-hugis, at kumilos pagkatapos, nang walang tigil at walang pagmamadali, taglay ang lahat ng alab ng kabataan at lahat ng hatol ng gulang, para mapagtanto ito sa tunay na buhay. Doon mo lang maaatim ang isang ganap, marangal, at rasyunal na pag-iral. At makikita mong hitik ang mga bunga ng lahat ng iyong pagtatangka sa larangang ito, at ang dalisay na pagtutugmaan, sa oras na maipunglo sa pagitan ng iyong pagkilos at utos ng iyong budhi, ay magbibigay sa iyo ng kapangyarihang hindi mo naisip na nananahan sa iyong sarili.

Ang walang-humpay na pakikibaka para sa katotohanan, katarungan, at pagkakapantay-pantay ng mga tao, na pag-aanihan mo ng pasasalamat– anong mas magiting ng larangan pa kaya ang nanaisin ng kabataan mula sa lahat ng bansa?

Matagal ang inabot ko para ipakita sa inyo, mga uring nakaaangat, na titingnan ang suliraning isinisiwalat sa iyo ng buhay, mapipilitan ka, kung matapang at tapat ka, na sumama at kumilos sa tabi ng mga Sosyalista, at gawing kampeon sa kanilang hanay ang layunin ng panlipunang rebolusyon. Pero kahit ganoon, napakasimple ng katotohanang ito! Pero kung kakausapin yaong mga nagdusa sa epekto ng burgis na kaligiran, gaano karaming pangangatwiran ang kakalabanin, gaano karaming pagkiling ang kailangang lagpasan, gaano karaming maka-interes na pagtutol ang isasantabi!

Madaling lagumin ang pagkausap ko ngayon sa inyo, mga kabataan. Itinutulak kayo na maging Sosyalista ng mismong pwersa ng mga pangyayari, gaano man ka-kaunti ang inyong tapang para mag-isip at kumilos.

Ang paglitaw mula sa hanay ng mga manggagawa at hindi paglaan ng sarili sa pag-kumadrona sa tagumpay ng Sosyalismo, ay maling pag-intindi sa tunay na interes na nakataya, ang ipagkanulo ang layunin at ang tunay na makasaysayang pakay.

Naaalala mo pa ba, noong bata ka, bumaba ka isang araw ng taglamig para maglaro sa inyong madilim na bakuran. Mabilis na kinurot ng lamig ang iyong mga balikat, tagos sa manipis mong suot, at pinasok ng putik ang sira-sira mong sapatos. Ganunpaman, nang makita mo ang ilang mayaman at nananabang mga bata sa di kalayuan, minamata kang may paghamak, naiintindihan mong itong mga duwendeng ito, na gayak nagayak sa kanilng mga panlamig, ay hindi mo kapantay at ng iyong mga kasama, sa talino man, sa sentido komun, o sa lakas. Pero kalaunan, kapag naikulong ka na sa isang maruming pagawaan mula ika-5 o 6 ng umaga, para manatili nang 12 oras malapit sa isang umiikot na makina, isang makina na pinipilit kang pasunurin, araw-araw, sa loob ng magkakasunod na taon, walang humpay na pagyugyog nito — Sa buong panahong ito, sila, silang iba, ay nakararanas ng katahimikan, tinuturuan sa magagandang paaralan, sa mga akademya, at mga pamantasan. At itong parehong mga batang ito, mas mangmang pero mas maganda ang pinag-aralan, ang naging mga amo mo, at sinasamsam ang lahat ng ligaya sa buhay at pakinabang ng kabihasnan. At ikaw? Anong klaseng mga tao ang naghihintay sayo?

Uuwi ka sa isang maliit, madilim, mamasa-masang tinutuluyan kung saan lima o anim na tao ang nagsisiksikang parang mga baboy sa espasyong may ilang kuwadradong talampakan lang ang laki, kung saan ang nanay mo, asiwa na sa buhay, mas pinatanda ng pag-aalala kaysa ng mga lumipas na taon, aalukin ka ng tuyot na tinapay at patatas na tanging pagkain niyo, na itutulak ng maitim na likido, tsaa sa kabalintunaan: at para aliwin ang isip mo, maitatanong mo ang tanong na lagi mong tinatanong, “paano ko kaya mababayaran ang panadero bukas at ang may-ari ng bahay sa makalawa?”

Ano! Kailangan mo bang magpadala sa parehong nakapapagal na kinagisnan ng mga magulang mo sa loob ng 30 hanggang 40 na taon? Kailangan bang pagpaguran habang buhay ang buhay mo para maibigay sa iba ang lahat ng sarap ng paggiging mariwasa, ng kaalaman, ng sining, at itira sa sarili ang walang hanggang pag-aalala kung makakabili ka ba ng tinapay? Pupudpurin mo ba ang sarili sa pagpapagod, para problema ang isukli sa iyo, kundi man pagkalugmok, kapag ang mahirap na pagkakataon, ang kinatatakutang mahihirap na pagkakataon — ay dumating? Ito ba ang inaasam mo sa buhay?

Marahil ay susuko ka. Habang nakikita mong wala kang takas sa kondisyon mo, marahil ay sinasabi mo sa sarili, “Buong mga henerasyon na ang nakaranas ng parehong kalagayan, at ako, walang magagawa para mabago ang sitwasyon, kailangan ko ding magpaubaya. Tuloy lang tayo sa trabaho, kung ganoon, at magsumikap na mabuhay nang maayos hanggang kaya.”

Kung gayon, ang buhay mismo ang magpapakahirap para paliwanagan ka.

Isang araw darating ang krisis, yung krisis na hindi na lang basta lilipas katulad ng dati, bagkus yaong krisis na sisira sa isang buong industriya, na magsasadlak sa mga manggagawa sa matinding kahirapan, na dudurog sa mga pamilya. Magsusumikap ka gaya ng lahat laban sa kalamidad. Pero saglit pa lang, makikita mo na agad kung paanong ang iyong asawa, mga anak, mga kaibigan, ay unti-unting pasusukuin ng kasalatan at kukupas sa iyong harapan. Dahil lang sa kagustuhang makakain sa kakulangan ng pag-aruga at suportang medikal, hahantong ang mga araw nila sa banig ng kahirapan, habang humahagibis ang buhay ng mayayaman sa gitna ng tao sa malalaking lungsod na kumikinang sa liwanag ng araw — hayagan ang kawalang-malasakit sa mga daing ng mga nasasawi.


At maiintindihan mo kung gaano ka-rebolusyonaryo ang lipunang ito, maglilimi ka sa mga ugat ng krisis na ito at mapupunta ang mga pag-aaral mo sa kailaliman ng pagkasuklam na naglalagay sa milyong mga tao sa awa ng malupit na kasakiman ng iilang naglilibang na walang silbi; at maiintindihan mo na tama ang mga Sosyalista sa pagsasabing kaya at dapat muling organisahin mula ibabaw hanggang ilalim ang lipunan natin ngayon.

Para tumawid mula pangkalahatang krisis patungo sa iyong partikular na kalagayan. Isang araw kapag manghahamig ang amo mo sa pamamagitan ng panibagong pagbabawas sa sahod mo para mampiga mula sa iyo ng ilan pang halaga para madagdagan pa ang kanyang kayamanan, tututol ka; pero mayabang niyang isasagot, “Kumain ka ng damo, kung ayaw mong magtrabaho sa presyong inaalok ko.” At doon maiintindihan mo na hindi lang basta balak na kalbuhing kang parang tupa ng amo mo, bagkus tinuturing kang mas mababang hayop; na, hindi pa kuntento sa paglagay sa iyo sa malupit niyang sakal sa pamamagitan ng sistema ng pasahod, maigting pa niyang pinag-iisapan kung paano ka gagawing alipin sa lahat ng aspeto. At ang gagawin mo ay yumuko sa kanya, isusuko mo ang dangal mo bilang tao, at hahantong ka sa lahat ng posibleng pagkapahiya, o mag-iinit ang iyong ulo, mangingilabot sa nakahihindik na bangin kung saan ka dumadausdos, sasagot ka, at hahantong sa kalye nang walang trabaho, maiintindihan mo kung paanong tama ang mga Sosyalista sa pagsasabi nilang, “Mag-aklas! Bumangon mula sa pang-aaliping pangkabuhayan!” At darating ka, ilulugar ang sarili mo sa hanay ng mga Sosyalista at tutulong ka sa kanila para sa sukdulang pagkawasak ng lahat ng uri ng pang-aalipin– ekonomiko, panlipunan at politikal.

Isang araw, muli, malalaman mo ang istorya ng magandang babae na may kabilisan ang lakad, may pagka-prangka, at may masayahing pananalita na labis mong nagugustuhan. Pagkatapos ng ilang taong pakikisagupa sa kasadlakan, nilisan niya ang kanilang nayon para pumunta sa siyudad. Doon nalamang niyang ang laban para mabuhay ay mahirap, pero umasa siyang maaaring kumita doon sa marangal na paraan. Pero alam mo na ngayon ang kinahantungan niya. Niligawan ng anak ng isang kapitalista, hinayaan niyang maakit siya ng matatamis na salita nito, isinuko niya ang sarili at ang kanyang kadalagahan, para lamang makita ang sarili sa huli na iniwan at may sanggol sa kanyang kanlungan. Matapang pa din, hindi siya tumigil sa pagbaka; bumigay siya sa hindi patas na laban na ito sa lamig at gutom, at humantong ang araw niya sa isa sa mga ospital, walang nakaaalam kung alin...

Ano ang gagawin mo? Muli may dalawang pagpipilian na nakapresenta sa iyo. Maaaring isasantabi mo ang hindi magandang alaalang ito gamit ang isang hungkag na parirala. “Hindi siya ang una, at lalong hindi ang huli,” sasabihin mo. Marahil, isang gabi, maririnig ka sa isang pampublikong lugar, kasama ng ibang nilalang gaya mo, aalipustahin ang alaala ng dalaga sa isang mahalay na kwento; o, sa isang banda, aantig sa iyong puso ang pag-alala mo sa nakaraan, susubukan mong hanapin ang nang-akit at ipahiya siya nang harapan; paglilimian mo ang mga sanhi ng mga pangyayaring ito na nagaganap araw-araw, at maiintindihan mong hindi ito matitigil hanggang nahahati ang lipunan sa dalawang kampo; sa isang panig ang mga halang at sa kabila, ang mga tamad — mga sirkero na may mabubulaklak na salita at mala-halimaw na libog. Maiintindihan mo na tama ang panahon para tawirin ang look na ito ng pagkabuklod, at magmamadali kang ilugar ang iyong sarili kasama ang mga Sosyalista.

At ikaw, kababaihan ng masa, malamig ka pa rin at di ka pa rin ba naantig nito? Habang hinahaplos ang ulo ng sanggol na iyan na sumisiksik malapit sa iyo, hindi mo ba napag-iisipin ang kahahantungan niya, kung hindi magbabago ang mga panlipunang kondisyon sa kasalukuyan? Hindi mo ba napagmumunihan ang hinaharap ng kapatid mong babae, at lahat ng iyong sariling anak? Nahihiling mo ba minsan na ang mga anak mo rin ay matutong umusbong gaya ng sarili mong tatay, na walang ibang iniisip kung paano magka-tinapay sa araw-araw, na masaya na sa pag-inom sa beerhouse? Gusto mo bang manatili ang asawa, at mga binata mo, sa biyaya ng naunang dumating na nagmana sa ama niya ng pang-abuso sa kanila? Nababahala ka ba na kailangan nilang manatiling mga alipin ng mga amo, pambala sa kanyon, tinuturing na taeng gagamiting pataba sa lupang pastulan ng mayayamang may-ari.

Hindi, kailanman; isang libong ulit na hindi! Alam na alam kong kumulo ang dugo mo nang marinig na ang asawa mo, matapos nilang maglunsad ng welga, na nag-aapoy sa determinasyon, ay tiklop-sumbrerong tinanggap ang kondisyong idinikta ng busog na burgis sa mayabang na tono nito! Alam kong hinangaan mo ang mga babaing Espanyol na noong panahon ng aklasan ay inilantad ang mga suso nila laban sa mga bayoneta ng mga sundalo, nangunguna sa hanay ng mga insureksyunaryo. Alam kong binabanggit mo nang may paggalang ang pangalan ng babaing naglagak ng bala sa dibdib ng malupit na opisyal na nagtangkang galitin ang isang bilanggong Sosyalista sa kanyang kulungan. Sigurado akong bumibilis ang tibok ng puso mo kapag nababasa kung paanong ang mga kababaihan sa Paris ay nagtipon para himukin ang mga “lalaki nila” na magpakita ng kabayanihan.

Bawat isa sa inyo, kung ganoon, mga kabataang tapat, lalaki’t babae, magbubukid, manggagawa, mga artisano at sundalo, maiintindihan ninyo ang mga karapatan ninyo at sasama sa amin; darating ka para kumilos kasama ang mga kapatid mo tungo sa Himagsikang iyon, na wumawalis sa bawat iniwang marka ng pang-aalipin, bumibiyak sa mga kadena, bumabasag sa mga luma at gasgas nang mga tradisyon, at nagbubukas sa sangkatauhan ng isang bago at mas malawak na pagtanaw sa ligaya ng pag-inog, malawakang itatayo ang totoong Kalayaan, tunay na Pagkakapantay-pantay, walang hinanakit na Kapatiran sa lahat ng lipunan; kumilos kasama ang lahat, kumilos para sa lahat — ang buong sarap ng bunga ng kanilang paggawa, ang lubos na paglinang sa lahat ng kanilang kakayahan; isang rasyunal, makatao at masayang buhay!

Huwag hayaang sabihin ng iba sa atin na tayo — na isang maliit na grupo — ay masyadong mahina para maabot ang maringal na tunguhing inaasinta natin.

Bilangin at makikita kung ilan sa atin ang nakararanas ng kawalang-katarungan.

Tayong mga magbubukid na nagtratrabaho para sa iba at bumubulong sa dayami habang kumakain ng trigo ang mga amo, tayo pa lang ay milyong katao na.

Tayong mga manggagawa na humahabi ng sutla at pelus para makapagdamit tayo ng basahan, tayo din ay malaking bilang; at tuwing pinapayagan tayo ng batingaw ng mga pabrika na saglit na magpahinga, pinaaapaw natin ang mga kalye at plaza katulad ng dagat tuwing mataas ang alon ng tagsibol.

Tayong mga sundalo na minamane-maneho ng mga utos, o ng mga bigwas, na sumasalo ng mga bala na siyang nagbibigay sa mga opisyal natin ng mga krus at mga pensyon, tayo din, mga kawawang nilinlang para ang matutunan lang ay ang pagbaril sa ating mga kapatid, bakit , kailangan lang nating humarap-sa-likod at harapin ang mga pinarangya at ginayakang mga tauhang napakagaling sa pagbibigay ng utos, para makitang kumalat sa mukha nila ang sindak at pamumutla.

Ako, tayong lahat na magkasama, tayong nahihirapan at kinukutya araw-araw, tayo ay laksa na hindi matatapatan ng sinumang tao, tayo ang karagatang kayang lumululon sa lahat.

Kapag nasa atin na ang pagnanais na gawin iyon, sa panahong iyon ay naganap na ang Katarungan: sa sandaling iyon, kakain ng alikabok ang mga maniniil ng daigdig.

[1] Si Blind Themis ay kilala bilang Lady Justice na ginawang simbolo ng bulag o walang pagkiling na hustisya.

[2] Karamdaman kung saan tumitigas ang mga kasu-kasuan dahil sa pagbabanggaan at pagsanib ng mga buto.

[3] Paraan ng pagbabalangkas sa panitikan kung saan laging may tatlong katauhan, lunan, o pangyayari na masusundan ng mambabasa