David Graeber
Anarkista Ka Ba? Alamin!
Sa pila ng jeep, kahit walang nakabantay, iiwasan mo bang makipag-unahan?
Naniniwala ka ba sa mga itinuturo mo sa anak mo (o sa mga pangaral ng magulang mo)?
Paunang Salita
Ang akdang ito ay isang adaptasyon o pag-aangkop sa wikang Tagalog ng orihinal na sulatin ni David Graeber na pinamagatang “Are You An Anarchist? The Answer May Surprise You!”
Si Graeber ay isang antropolohista at kilalang manunulat sa larangan ng kasaysayan, etnograpiya, at ekonomiyang politikal, mula sa iba’t ibang mga institusyon sa Estados Unidos at Britanya. Kilala siya sa kaniyang aktibismo, kritisismo sa kapitalismo at burukrasya, at pag-kontra sa kasalukuyang estado ng paggawa, na tinuturing niyang nakakasama sa lipunan sa kaniyang librong “Bullshit Jobs.” Siya’y naging aktibo sa kilusang “Occupy Wall Street” noong 2011, at sa kaniya nanggaling ang katagang “We are the 99 percent” ngayon ay ginagamit na islogan ng mga sosyalista at anarkista sa buong mundo.
Literal na hinaharap ang tanong sa mga magbabasa: anarkista ka ba? Oo, paminsan-minsan ginagamit ang salitang anarkista ng mga opisyal ng gobyerno, militar, at pulisya yung salita sa mga kriminal at sumusuway sa batas, at pumapasok lang siya sa isip kapag nawala sa kaayusan ang isang lugar o sitwasyon. Pero makikita nating ginawa ni Graeber na ihalintulad ang anarkismo sa mga asal at paniniwala ng tao sa pang-araw-araw na buhay. Giit pa niyang sabihin na ang prinsipyo ng anarkismo ay mismong prinsipyo ng pagiging disenteng tao.
Ang pagsasa-Tagalog ng akdang ito ay gawa ng isang kolektiba ng mga anarkista mula sa Pilipinas. Tinapos na ang akda higit sa isang taon na ang nakalipas mula sa pag-tapos nito. Pinlano ng Tinagalog na si Miyungs, na siya mismo ang maglimbag dito ngunit hindi na-ituloy dahil sa hindi pa rin matukoy na mga kaganapan. Kung kaya’t minabuti ng isang kaibigan na itapos ang gawa ng kaniyang kapwa anarkista, sa pamamagitan ng Bandilang Itim para matapos ang kaniyang nasimulan.
Hindi lamang ito introduksyon sa mga ideyang anarkista na laganap na sa ating buhay, kundi isang paraan upang suriin ang sarili, at makita ang anarkiya sa looban ng tao, na siyang tumulak kay Graeber at kay Miyungs, na maglaan ng panahon para palawigin ang anarkismo. Dahil naniwala sila na ang kalayaan ng bawat isa ay nagmumula sa sarili, at nagtatapos sa pagkakaisa ng mga malayang indibidwal saan man, at kailanman.
Anarkista Ka Ba? Alamin!
Siguro narinig mo na sa balita ang salitang “anarkiya” at kung ano ang pinaniniwalaan ng mga nagpapakilalang “anarkista.” Siguradong fake news ang lahat ng narinig mo. Madalas ang turing sa mga anarkista’y mga masasamang-loob na nagkakalat ng gulo o karahasan, mga galit sa kahit anumang sistema at organisasyon, o di naman kaya’y sila’y mga siraulong pasaway na gusto lang pasabugin ang lahat. Sa totoo lang, napakalayo nito sa katotohanan. Ang mga anarkista ay mga taong naniniwala na kaya nating umasal nang maayos kahit di-pwersahin. Napakasimpleng ideya, ‘di ba? Pero isa ito sa mga pinakamapanganib na kaalaman para sa mayayaman at maykapangyarihan.
Ang paniniwalang anarkista ay umiikot sa dalawang simpleng palagay. Una, makatwiran at mabait naman ang mga tao basta’t malaya sila, at kayang-kaya nilang organisahin ang kanilang mga sarili at mga komunidad kahit hindi utusan. Pangalawa, nakaka-korap ang kapangyarihan. Higit sa lahat, ang anarkismo ay ang pagkakaroon ng lakas ng loob na isaalang-alang ang mga payak na prinsipyo ng kagandahang-loob at sundin ang mga ito sa kanilang mga natural na konklusyon. Medyo weird ang sasabihin ko, pero maari na anarkista ka na—hindi mo lang alam.
Halina’t kumuha tayo ng ilang halimbawa sa pang-araw-araw na buhay.
Sa pila ng jeep, kahit walang nakabantay, iiwasan mo bang makipag-unahan?
Kung sumagot ka ng “oo,” sanay ka nang mag-asal-anarkista! Ang pinaka-basic na prinsipyong anarkista ay kusang pagkilos o self-organization: hindi na kailangang magbantaan ng parusa para magkaintindihan at magtratuhan tayo nang marangal at magalang.
Naniniwala ang lahat na kaya nilang magpakabait nang di-pinagsasabihan, na kaya nilang maging disenteng tao. May mga nagsasabing kailangan pa rin ng batas at pulis, kasi paniwala nila, pasaway ang ibang tao. Pero sandali, so ibig sabihin, pasaway ka at kailangan kang bantayan ng pulis, kasi “ibang tao” ka raw? Katwiran ng mga anarkista, ginagawang dahilan ang anti-social behavior kung bakit kailangang kontrolin ng militar, kapulisan, bilangguan, at gobyerno ang buhay natin. Halimbawa ng anti-social behavior: kapag wala kang paki sa kapwa o nananakit ka na ng iba, ‘yung mga galit sa mundo. Halos lahat ng anti-social behavior ay talaga palang likha ng sistematikong kawalan ng pagkakapantay-pantay at kawalan ng katarungan, at likha mismo ng militar, kapulisan, bilangguan, at gobyerno ang mga problemang iyan. Vicious cycle: paulit-ulit, paikut-ikot. Kung nasanay ka nang pinagsasabihang walang kuwenta ang opinyon mo, magiging galit, manhid, o bayolente ka nga. Sabi nga, “Ang taong nagigipit, sa patalim kumakapit”—kaya nga kaydaling sabihin ng mga maykapangyarihan na walang kuwenta ang opinyon mo kasi wala ka raw modo, wala kang silbi. Pero ganito, kung bibigyang halaga talaga ang opinyon mo, mas magiging kalmado at maunawain ka, di ba? Sa madaling salita, naniniwala ang mga anarkista na ang mismong kapangyarihan, at mga epekto ng kapangyarihan, ay ang mga dahilan kung bakit natatanga at nagiging pasaway ang tao.
May barkada ka ba, sports team, o parte ka ba ng isang grupo kung saan yung mga ginagawa ninyo ay pinagkasunduan ninyong lahat at ‘di lang ng isa sa inyo?
Kung sumagot ka ng “oo,” kabilang ka na sa isang samahan na gumagana gamit ang mga prinsipyong anarkista! Boluntaryong pagsasama-sama—isa rin iyan sa mgabasic na prinsipyong anarkista. Simpleng paglalapat ng mga demokratikong prinsipyo sa ordinaryong buhay. Ang tanging pagkakaiba: naniniwala ang mga anarkista na hindi imposibleng magkaroon ng isang lipunang puno ng demokrasya kung saan malayang nagpapasya ang mga miyembro ng iba’t ibang grupo. Dahil dito, hindi na kailangan ng mga mala-militar na organisasyong mayamo sa itaas at may tagasunod sa ibaba tulad ng hukbo o burukrasya o malalaking korporasyon, mga organisasyong nakabatay sa pagsunod saamo. Siguro hindi ka kumbinsido. O baka naman nag-aamen ka na diyan! Pero sa bawat beses na nakikipagkasundo ka sa kapwa mo sa halip na nagbabanta, sa bawat beses na kumikilos ka nang kusang-loob, sa bawat beses na nakikipagkapwa-tao ka, sa bawat beses na nakikipag-areglo ka at iniintindi mo ang sitwasyon o pangangailangan ng kabilang panig, nagpapaka-anarkista ka—kahit ‘di mo ito gets nang lubos.
Ang anarkismo’y gawi ng mga tao kapag malaya silang nagpapasya at kumikilos, kapag nakikitungo sila sa kapwa-malalayang tao—kaya mulat sila sa responsabilidad nila sa mga kapwa-malaya. Kumbaga, ang anarkismo’y pagbubuklod, hindi pagbubukod, ng responsabilidad at kalayaan. Dadaloy tuloy tayo sa isang napakahalagang punto: tunay ngang makatwiran at maunawain ang tao sa ka-lebel niya, pero dahil sa human nature, sa likas na pagkatao, nag-iiba na ang asal nila kapag nabigyan o naambunan ng kapangyarihang mangontrol ng kapwa. Bigyan mo ng ganyang kapangyarihan ang sinuman, anu’t anupaman, aabushin nila iyan.
Naniniwala ka ba na karamihan ng pulitiko ay korap at kurakot na wala namang paki sa ikabubuti ng madla? Sa tingin mo, nabubuhay ba tayo sa lipunan at sistemang walang kuwenta at di-patas?
Kung sumagot ka ng “oo,” sumasang-ayon ka sa pambabatikos ng mga anarkista sa kasalukuyang sistema. Nakaka-korap ang kapangyarihan, ayon sa mga anarkista, at ‘yang mga paulit-ulit na tumatakbo para makaupo sa puwesto at buong-buhay na nagkakamkam ng kapangyarihan, dapat sila ang pinakahuling magkaroon ng kapangyarihan. Naniniwala ang mga anarkista na higit na ginagantimpalaan ng kasalukuyang sistemang pang-ekonomiya ang pagiging sakim at mandaraya kaysa pagiging mabait at nagmamalasakit sa kapwa. Ganyan din naman ang sentimyento ng karamihan. Ang tanging pagkakaiba: para sa karamihan, wala na raw tayong magagawa para mabago ang sistema—at pssst, heto ang igigiit sa iyo ng mga sunud-sunuran saamo—magtiis ka na lang daw kasi lalala lang kapag nagsalita ka.
Pero teka lang: paano kung hindi ito totoo?
At sapat nga ba ang ebidensiya para paniwalaan natin iyan? Kung susuriin, di-totoong magugunaw ang mundo kapag nawala ang estado at kapitalismo. Sa loob ng libu-libong taon, namuhay nang walang gobyerno ang mga tao. Sa iba’t ibang lupalop ng mundo, habang nag-uusap tayo ngayon, may mga taong namumuhay sa labas ng kontrol ng gobyerno. Hindi naman sila nagpapatayan. Nabubuhay sila tulad ng karamihan. Siyempre, mas komplikado ang sitwasyon sa mas hi-tech at urban na lugar, pero makakatulong ang teknolohiya para masolusyunan ang mga problema, di ba? Sa katunayan, hindi pa talaga natin sineseryoso ang paggamit ng teknolohiya upang makamtan ang mga simpleng pangangailangan ng sangkatauhan. Mas giginhawa sana ang buhay kapag ganoon, ‘di ba? Ilang oras ng trabaho nga ba ang talagang kailangan para makatakbo ang lipunan nang maayos—lalo na kapag inalis natin ang lahat ng walang-kuwentang trabaho tulad ng pagiging telemarketer, abugado, guwardiya ng bilangguan, financial analyst, public relations expert, burukrata, at pulitiko? Kung itigil na kaya ng mga henyo ng agham ang paglikha ng mga sandatang pandigma o mga stock market systems? At sa halip ay mag-imbento ng mga robots na mag-aaskikaso sa mga delikado at nakakabagot na gawain tulad ng paghahakot ng basura o paglilinis ng kubeta? Tapos paghati-hatian na lang nating lahat gawin nang sama-sama ang higit na makabuluhang paghahanapbuhay? Ilang oras nga ba tayong dapat magtrabaho? Limang oras kada araw? Apat? Tatlo? Dalawa? Walang nakakaalam ng sagot sa tanong na iyan kasi wala namang nagtatanong nang ganyan, eh. Tinanggap na ng karamihan na natural lang ang otsong oras o mahigit pa. Para sa mga anarkista, iyan ang mga tanong na dapat nating tanungin.
Naniniwala ka ba sa mga itinuturo mo sa anak mo (o sa mga pangaral ng magulang mo)?
“Kung ano ang itinanim, siya ring aanihin.” “Hindi maitatama ng mali ang isa pang pagkakamali.” “Kalat mo, linis mo.” “Hindi porke’t iba ang itsura nila sa iyo, aawayin niyo na.” “Ang ibinabait ng bata, sa matanda nagmula.” “Kung ano ang ‘di mo gusto / Huwag gawin sa iba.” Siguro kailangan nating magpasya: patuloy ba tayong doble-kara, patuloy ba nating lolokohin ang mga anak natin? O seseryosohin na ba natin ang mga pangaral natin sa kanil?. Kasi, kung isasabuhay lang natin ang mga salawikaing ito, hahantong din tayo sa anarkismo.
Tingnan natin ang salawikaing ito: “Hindi maitatama ng mali ang isa pang pagkakamali.” Kung seseryosohin ito, mawawalan na ng saysay ang digmaan at ang sistema ng hustisyang pangkrimen. Ganoon din sa pagiging mapagbigay: pinagsasabihan natin palagi ang mga bata na kailangan nilang matutong magbigay, mag-unawaan, magbigayan, magtulungan; tapos haharap sila sa tunay na buhay kung saan akala ng karamihan na natural lang na maging makasarili, palaban, competitive. Pero ganito ang sasabihin ng isang anarkista: sa katunayan, tama ang itinuturo natin sa mga anak natin. Kung tutuusin, lahat ng dakilang tagumpay sa kasasysayan ng sangkatauhan, lahat ng natuklasan o naabot na nagdulot ng malaking kaginhawaan sa buhay ng tao, lahat ng ito ay bunga ng pagtutulungan at bayanihan. Kahit ngayon, inuuna nating pagkagastusan ang mga kaibigan at kapamilya natin bago sarili natin, di ba? Baka nga hindi mawawalan ng mga taong competitive sa mundo, ‘yung mga gusto lang mang-away. Ngunit tama bang i-encourage o hikayatin ang ganyang ugali? May akma nga bang rason para mag-asal-talangka ang lipunan, na mag-agawan sa pagkuha ng bigas, pagkain, tubig, at pabahay? Tanging mga maykapangyarihan lang ang nabibiyayaan kapag nag-aaway-away at namumuhay tayo nang may takot at poot sa isa’t isa. Kaya nga nananawagan ang mga anarkista na magbuo ng mga lipunang hindi lang batay sa malayang pagpapasya kundi pati rin sa kapwa-tulungan. Sa totoo lang, nag-aasal-anarkista na ang marami, bata pa lang, kaya lang, sa kanilang paglaki, unti-unti nilang nakikitang hindi pala ganyan tumatakbo ang mundo ng matatanda. Kaya nga napakaraming nagrerebelde, nagiging pasaway, o nababagot o naglalayas kapag naging teenager na, at sa huli, sumusuko, naghihinagpis, o nagpapakamatay pagtanda. Kung magkapamilya man sila, mga anak na lang nila ang nagpapasaya sa kanila. Kumukuha sila ng lakas ng loob sa mga pangaral nila: patas daw ang mundo, na kung ano ang itinanim, siya ring aanihin, kung may tiyaga, may nilaga. Ngunit ano nga kaya ang mangyayari kung talagang sama-sama nating simulang bumuo ng isang mundong nakabatay sa mga prinsipyo ng tunay na katarungan? Hindi kaya ang mundong iyan ang “the greatest love of all,” este ang pinakadakilang aginaldong maihahandog natin sa mga bata?
Naniniwala ka bang likas na masama ang tao o may mabababang uri ng tao (babae, LGTBQ+, mga ibang kulay ang balat, ‘di mayaman o ‘di edukado) na dapat pinamumunuan ng lalaki, boss, amo, o lider?
Kung sumagot ka ng “oo,” naku, baka nga hindi ka anarkista. Pero kung sumagot ka ng “hindi,” malamang ay 90% ka nang apir-at-align sa mga anarkistang prinsipyo at malamang na namumuhay ka nang sang-ayon sa mga prinisipyong iyan. Sa bawat beses na nirerespeto mo at iniintindi mo ang kapwa mo, nagpapaka-anarkista ka. Sa bawat beses na nakikipag-ayos ka nang patas, sa bawat beses na nakikinig ka sa sinasabi ng lahat sa halip na hinahayaan ang iisang tao na magpasya para sa lahat, nagpapaka-anarkista ka. Sa bawat beses na may pagkakataon kang puwersahin ang iba na sumunod sa gusto mo pero sa halip ay nakipag-usap ka at kinumbinsi sila sa panig ng rason o katarungan, nagpapaka-anarkista ka. Ganoon din sa bawat beses kang tumutulong sa kaibigan mo o nagboboluntaryong maghugas ng pinggan, o sa bawat beses kang kumikilos nang patas.
Pwedeng balewalain mo ang lahat ng sinabi ko at sabihing gagana lang ang pagiging patas kapag maliit ang grupo pero iba na kamo ang usapan pagdating sa pagpapatakbo ng isang malaking lungsod o bansa. May punto ka. Kahit na idesentralisa natin ang lipunan at ibigay ang lubos na kapangyarihan sa kamay ng maliliit na komunidad, napakaraming bagay na kailangang tugunan at i-coordinate, mula sa pagpapatakbo ng tren hanggang sa pagpapasya sa direksyon ng medical research. Ngunit di porke’t komplikado, ‘di na posible ang demokrasya. Ibig lang sabihin, it’s complicated. Sa katunayan, samu’t sari ang mga ideya, pangarap, at pagtanaw ng mga anarkista tungkol sa pamamalakad ng magulong lipunan. Sori at introduction lang ang artikulo ko. Ang mahalaga, unang-una, ang dami nang mga anarkistang nakapag-isip ng mga modelong ipinapakita kung paano gagana ang isang tunay na demokratiko at malusog na lipunan; ngunit pangalawa, at napakahalagang isaalang-alang ito, walang anarkistang magsasabi na perpekto ang mga plano nila. Pinakaayaw namin ang pagpataw ng estriktong panlipunang modelo na ia-assemble parang Lego lang, ‘no? Sa totoo, mahirap ma-imagine ang napakaraming problemang lilitaw sa proseso ng pagbubuo ng demokratikong lipunan; pero kahit ganyan, may kumpiyansa kami sa talino’t pagiging malikhain ng sangkatauhan. Kayang lutasin ng tao ang bawat suliranin na haharapin nila, basta’t huwag nating bibitawan ang mga payak nating prinsipyo—na kung susumahin, ito’y mga simpleng prinsipyo ng kagandahang-loob.